Dahil Nayayabangan ay Siniraan ng Ale ang Bagong Lipat na Kapitbahay; Napahiya Siya Nang Malaman ang Katotohanan

Dahil Nayayabangan ay Siniraan ng Ale ang Bagong Lipat na Kapitbahay; Napahiya Siya Nang Malaman ang Katotohanan

InspiringKarmaStories

“Iyan na naman ang mayayabang kong kapitbahay oh!”

Itinuro ni Aling Ising ang bago nilang kapitbahay sa kaniyang katsismisang si Aling Goreng. Ibinababa ng mga ito mula sa sasakyang Revo ang mga pinamili mula sa supermarket. Si Aling Goreng ay may maliit na tindahan na nagiging “session spot” ng mga tsismosa sa kanilang lugar.

“Paano mo naman nasabing mayabang sila? Nakasagutan mo ba sila?” usisa ni Aling Goreng.

“Hindi pa naman. Pero nayayabangan kasi ako sa kanila. Tingnan mo oh… kaya siguro matataba sila at malalaki dahil matatakaw sila. Tingnan mo, maraming pinamiling pagkain!” panghuhusga ni Aling Ising.

“Uy, huwag kang maingay diyan at baka marinig ka nila,” suweto ni Aling Goreng sa kaibigan. “Pero sabagay, ang tataba nga nila!”

Bagong lipat lamang ang pamilyang tinutukoy nina Aling Ising at Aling Goreng. Mukhang may kaya batay na rin sa obserbasyon ni Aling Ising na bultuhan kung maggrocery at parang araw-araw mamalengke.

Kapansin-pansin ding puro “malulusog” ang miyembro ng pamilya na kinabibilangan ng padre de pamilya na si Mang Agustin, ang ilaw ng tahanan na si Aling Becka, at ang mga anak nitong teenager na sina Lance at Jenny.

“Siguro inuubos nila ang mga pinamimili nilang pagkain. Halos araw-araw mamalengke yung nanay. Tingnan mo naman ang mga katawan nila. Ang lalaki! Dapat magdiyeta sila,” walang prenong panlalait ni Aling Ising.

“Hoy, mare, hinay-hinay ka sa mga salita mo. Baka mamaya makaaway mo ang mga iyan. Kabago-bago lang nila rito. Dapat kinakaibigan sila,” paalala ni Aling Goreng.

“Eh sa hindi ko sila gusto! Masyado silang matataba. Bakit mo ba sila ipinagtatanggol? Siguro ‘di sila bumibili sa iyo ‘no?” medyo nagtatampong tanong ni Aling Ising.

“Uy, grabe ka sa akin. Siyempre ikaw pa rin ang tsismis buddy ko. Pero… noong nakaraan bumili rito yung nanay. Mabait naman siya,” sabi ni Aling Goreng.

Tuwing umaga, napapansin ni Aling Ising na laging namamalengke ang ilaw ng tahanan na si Aling Becka, at bultuhan kung ito ay mamili. Sinabi niya rin ito sa kaniyang asawang si Mang Nestor.

“Ikaw talaga Ising… pati ba naman pamamalengke ng kapitbahay natin napupuna mo pa? Wala na tayong pakialam doon,” paalala ni Mang Nestor sa asawa.

“Wala lang… ang yayabang kasi. Siguro kaya matataba sila kasi halos sandamakmak ang kinakain nila sa araw-araw,” komento ni Aling Ising.

“Ikaw ba ay naiinggit sa kanila? Umamin ka nga? Kaya mo sinasabi iyan sa akin dahil gusto mo ring mamili sa palengke na gaya ng pamimili nila? Alam mo naman Ising na hindi natin kakayanin iyon!” sabi ni Mang Nestor sa misis. Nabigyan pa tuloy ng ibang interpretasyon ang hindi magandang panghuhusga ni Aling Ising.

Isang araw, habang namamalengke ay napansin ni Aling Ising na may pinagkakaguluhan sa may bandang palengke. Nakita niyang nakapila ang mga batang lansangan gayundin ang ilang mga palaboy sa isang stall.

Nagulat siya dahil ang matataba niyang kapitbahay ang naroon: namimigay sila ng libreng sopas at tinapay para sa mga palaboy na matiyagang nakapila—at umuulit pa!

Nakita siya ni Aling Becka. Nakangiting kinawayan siya nito at sinenyasang lumapit. Nangingimi man ay lumapit na rin si Aling Ising.

“Kumusta po, kapitbahay? Naku hindi po pala tayo nakakapag-usap eh. Oo nga po pala, sa tanong po ninyo kung ano ang ginagawa namin sa mga pinamimili namin sa palengke, kung bakit bultuhan ang pinamimili namin, ito po ang dahilan. May feeding program po kasi kami,” nakangiting paliwanag ni Aling Becka.

Naumid ang dila ni Aling Ising. Paano nalaman ng kaniyang kapitbahay ang mga pinagsasasabi niya tungkol sa kanila?

“P-pasensiya na… a-akala ko kasi kaya ninyong ubusin ang lahat ng iyon sa isa o dalawang araw, ikaw naman… siyempre hindi ko naman alam, hindi naman kasi tayo nagkakausap,” nauutal na sabi ni Aling Ising. Parang nais niyang lumubog sa kinatatayuan. Hiyang-hiya siya.

“Kaya nga po. Hindi po tayo nagkakausap kaya sana po huwag naman ninyo kaming husgahan. Kahit medyo malalaki po kami, hindi naman po kami masasamang tao. Sana po magkabonding tayo soon. Isama po ninyo ako sa mga kuwentuhan ninyo sa tindahan ni Aling Goreng,” nakangiting sabi ni Aling Becka.

Simula noon ay naging tahimik na si Aling Ising at tinigilan na rin ang pakikipagtsismisan kina Aling Goreng. Napagtanto niyang walang maidudulot na maganda ang paggawa ng kuwento laban sa kapwa, at hindi porke’t nakakatsismisan ay maituturing ding tunay na kaibigan.

More Stories