Maagap na Napigilan ng Lalaki ang Isa pang Lalaking Tatalon na Sana sa Tulay; Dahil sa Kaniyang Pagtulong ay Isang Biyaya ang Kaniyang Matatamo
Katirikan ng araw. Nasa kalagitnaan ng pagbiyahe si Nicolo nang araw na ’yon. Papunta na siya sa kaniyang bagong destinasyon ng pagde-deliver-an nang mapadaan siya sa kumpulan ng mga tao sa gilid ng dinadaanan nilang tulay. Dahil nagdudulot na ng trapik ang kumpulang ’yon ay hindi naiwasang makiusyoso ni Nicolo kung ano ba ang nangyayari… at doon ay napag-alaman niyang isang lalaki pala ang nagtatangkang tumalon sa tulay!
Napakaraming tao sa paligid, ngunit wala ni isa mang nagtatangkang pumigil sa naturang lalaking iyon. Lahat sila ay pawang mga nakatunganga lang at naghihintay ng sunod na gagawin nito at dahil doon ay napailing na lamang si Nicolo.
“Pare!” tawag niya sa lalaking akmang tatalon sa nasabing tulay. Siya lang ang nagpasyang tulungan ito sa dami ng taong naroon. “Pare, kung ano man ang dahilan kaya mo gagawin ’yan, p’wede naman natin ’yong pag-usapan,” aniya pa rito bago dahan-dahang lumapit sa nasabing lalaki. “Halika na’t bumaba ka na r’yan. Ihahatid na kita sa pupuntahan mo,” dagdag pa niya na lalo pang lumapit dito.
Hindi pa man siya tuluyang nakakadikit sa nasabing lalaki ay nasamyo na agad niya ang amoy ng alak na humahalo sa hangin. Lasing ang lalaking ito at mukhang wala sa tamang pag-iisip, bukod pa sa nakikita niyang patuloy ang pag-agos sa luha nito.
“Pare, halika na. Marami pang maaaring magmahal sa ’yo,” mahinahon pa ring pangungumbinsi niya sa lalaki na kalaunan ay nag-abot din ng kamay sa kaniya at nagpatianod na lang sa kaniyang paghila.
“Pare, iniwan na ako ng asawa ko…” sabi pa nito nang tuluyan na niya itong maalalayan pababa sa hamba ng tulay.
“Pag-usapan natin ’yan, pare, halika na.” Inaya niya itong sumakay sa kaniyang motorsiklo.
Nagpasya si Nicolo na huwag na munang mag-deliver ngayon upang maglaan ng oras na samahan ang lalaking bagama’t estranghero ay talagang kinaaawaan niya ngayon. Dinala niya ito sa isang maliit na kainan at doon ito kinausap habang nagkakape sila.
“Ano ba’ng problema, pare?”
“Wala na ang asawa ko. Nalagutan siya ng hininga habang ipinapanganak ang anak namin… hindi ko kayang wala siya,” umiiyak namang paliwanag nito.
“Pareho pala tayo, pare,” sagot naman ni Nicolo. Ngayon ay alam na niya kung bakit magaan ang pakiramdam niya rito. Parehas pala sila ng pinagdaraanan. “Noong isang taon lang ay nawala rin ang asawa ko sa panganganak. Tuloy, ngayon ay mag-isa kong binubuhay ang anak namin, kahit mahirap,” sagot naman niya.
Nang hindi ito magsalita ay nagpatuloy si Nicolo. “Makakayanan din natin ’to, pare. Isipin mo na lang ang anak mo. Hindi lang ito tungkol sa atin. Alam kong mahirap, pero mas kawawa ang mga bata kapag sinukuan din natin sila.”
Lalo namang napahagulhol ang lalaki nang maalala ang kaniyang anak. “Tama ka, pare! Hindi ko dapat tinangkang sukuan din ang anak ko! Salamat at dumating ka. Iniligtas mo ang buhay naming mag-ama!” hinging pasasalamat pa nito sa kaniya nang matantong mali ang kaniyang nagawa. Bahagya na rin kasi itong nahulasan dahil sa kapeng barakong ipinainom niya rito.
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ay inihatid niya muna ang lalaki sa ospital kung nasaan daw ang anak nito. Ipinanganak kasing kulang sa buwan ang anak nito kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakalalabas ng ospital.
“Sige, pare, iwan na kita rito. Kung kailangan mo ng kausap ay tawagan mo lang ako. Huwag mo nang uulitin ang ginawa mo, ha?” paalala pa ni Nicolo sa lalaki bago siya nagpaalam dito. Ibinigay niya rito ang kaniyang pangalan pati na rin ang kaniyang numero upang kung sakaling kailanganin muli nito ng kausap ay mabilis siya nitong mako-contact.
Hindi naman na nakarinig ng kahit ano si Nicolo tungkol sa naturang lalaki pagkatapos no’n. Ilang linggo na rin ang lumipas. Ngunit hindi inaasahan ni Nicolo na nang araw na iyon, sa kaniyang pag-uwi ay isang sorpresa ang aabutan niya sa kanilang bahay!
Namatataan niya kasi roon ang lalaking tinulungan niya noon sa tulay, at dala nito ang kaniyang anak. Nakasuot ito ngayon ng magarang damit at nagpakilala ito bilang may-ari ng iba’t ibang branch ng isang sikat na supermarket! Dala nito ang balitang kukunin siya nito bilang partner sa pagtatayo nitong muli ng isa na namang branch na anito’y si Nicolo mismo ang mamamahala.
Iyon ay pasasalamat daw nito para sa kaniyang pagtulong na muli nitong makita ang halaga ng buhay para sa kaniyang anak. Hindi akalain ni Nicolo na dahil lamang sa pagtulong niyang ’yon ay makakamit niya ang ganitong klaseng biyaya!