Inday TrendingInday Trending
Kinaiinggitan ng Babae ang Sarili Niyang Anak; Hindi Niya Kasi Naranasan ang mga Nararanasan Nito Dahil sa Maaga Niyang Pagbubuntis Noon

Kinaiinggitan ng Babae ang Sarili Niyang Anak; Hindi Niya Kasi Naranasan ang mga Nararanasan Nito Dahil sa Maaga Niyang Pagbubuntis Noon

“Mama, p’wede po ba akong sumama kina Ceejay? Pupunta lang po kami saglit sa bookstore. May bibilhin lang po kaming libro,” paalam ng panganay na anak ni Aling Annie na si Jochelle habang nagtutupi ng damit ang ina.

Agad namang napaangat ng tingin ang ginang. Nakakunot ang kaniyang noo, at halatang hindi naniniwala sa idinadahilan ng anak.

“Ako nga’y huwag mong pinaglololoko, ha, Jochelle? Papunta ka pa lang, pabalik na ako! Alam ko ’yang mga galawang ganiyan ng mga kabataan ngayon. Kunwaring pupunta sa book store, pero makikipagkita lang naman sa boypren!” sagot pa niya sa anak na agad naman iyong pinabulaanan.

“’Ma, hindi po, promise! Bibili lang po talaga kami ng libro. Kailangan po kasi sa school, e,” katuwiran pa ni Jochelle, ngunit muli lang siyang tinapunan nito ng masamang tingin.

“Kapag sinabi kong hindi, hindi! Lumayas ka nga r’yan sa harapan ko’t baka tsinelasin pa kita r’yan!” singhal pa ni Aling Annie sa anak bago nagpatuloy sa kaniyang ginagawa. Sinundan niya ng tingin ang anak na noon ay walang nagawa at bagsak ang balikat na pumasok na lang sa kaniyang silid.

Ang totoo ay makailang beses nang nagpaalam kay Aling Annie si Jochelle tungkol dito, ngunit talagang ayaw lamang niyang payagan ang anak. Katuwiran niya ay hindi niya naman nararanasan ang mga ganoong bagay noong siya ay nasa edad nito kaya ayaw niya itong payagan. Paano ay maaga kasi siyang nag-asawa. Maaga siyang nagbuntis at namulat sa reyalidad kaya naman ayaw rin niyang iparanas sa anak ang mga bagay na hindi niya naranasan noon.

Naiinggit siya. Iyon ang totoo. Dahil hindi na niya magagawa pa ang mga kayang gawin ni Jochelle bilang dalaga. Alam ni Aling Annie na mali ang kaniyang nararamdaman ngunit hindi niya iyon maiwasan.

Dahil doon ay patuloy pang naging mahigpit si Aling Annie sa anak na si Jochelle at napapansin na iyon ng kaniyang asawa kaya naman madalas nila iyong pag-awayan. Ngunit hindi pa rin siya napigil n’on!

At sa patuloy na paghihigpit ni Aling Annie kay Jochelle ay nagsimula tuloy magrebelde ang bata. Natuto itong tumakas sa kanila, at napapansin na rin nilang nag-uumpisa nang magbago ang ugali nito. Naging palasagot ito nang pabalang, nagdadabog na ito sa tuwing uutusan at ni hindi na ito sumasabay sa kanila sa pagkain!

Naaalarma na si Aling Annie, lalo pa at alam niyang siya ang may kasalanan kung bakit nagkakaganito ang kaniyang anak! Ngayon lamang siya natauhan kung kailan malapit nang mahuli ang lahat!

Nagsimula na rin kasing mapariwara si Jochelle. Marami na ang nakakahuli rito na naninigarilyo na ito at umiinom ng alak. Bukod pa roon ay nabalitaan din nilang sakit na ito sa ulo ng kaniyang mga guro, at iyon ay dahil ipinaramdam ni Aling Annie sa kaniya na hindi siya katiwa-tiwala. Tila pinatutunayan nito ang noon ay walang kwentang mga hinala lamang sa kaniya ng ina, dahil kahit anong pagpapatunay nito ng sarili niya ay hindi pa rin iyon nakikita ng ginang.

Dahil doon ay nagsimula na ring lumayo ang loob ng asawa niya sa kaniya at ganoon din ang iba pa nilang anak na alam naman niyang iniidolo ang kanilang ate. Sising-sisi si Aling Annie na hinayaan niya ang sarili na kainin siya ng sarili niyang panghihinayang. Hinayaan niyang maapektuhan n’on ang samahan nila ng kaniyang anak at dahil doon, ngayon ay malapit nang masira ang kanilang pamilya. Ngunit nag-isip si Aling Annie ng paraan. Gagawin niya ang lahat upang maibalik lang ang dating samahan ng kanilang pamilya.

“Mga anak, kakain na!” nakangiting tawag ni Aling Annie sa kaniyang mga anak na noon ay nanonood ng telebisyon sa salas. Gulat namang nilingon siya ng mga ito na tila ba hindi na sila sanay na ganoon siyang makiusap sa mga ito.

“Halina kayo, naghain na ako. Alam kong matagal-tagal na rin noong huli ko kayong ipagluto, kaya hayaan n’yo sanang bumawi si mama sa inyo…” naiiyak pang pagpapatuloy niya bago siya tuluyang mapahagulhol. “Sana, mapatawad n’yo pa ako, lalo ka na, Jochelle… malaki ang kasalanan ko sa inyo pero handa akong gawin ang lahat para maging maayos ulit tayo,” sabi niya pa sa mga ito.

Sandaling binalot ng katahimikan ang paligid ng bahay, ngunit maya-maya pa ay muli na ’yong umingay nang magtakbuhan palapit ang mga anak ni Aling Annie sa kaniya upang yumakap! Napangiti na lang siya, dahil alam niyang kaya pa nilang ayusin ang kanilang samahan. Sisiguraduhin niyang hindi na ulit mangingibabaw ang galit at inggit sa kanilang pamilya.

Advertisement