Ayaw Magtiwala ng Lalaki sa Doktor na may ‘Bingot’ sa Labi; Sa Huli ay Hindi Niya Inaasahang Mapapahiya Siya sa Ipakikita Nito
“Malala na ang lagay ng anak n’yo, Mr. Aguilar. Kailangan n’ya nang maoperahan sa lalong madaling panahon,” anang doktor na kaharap ngayon ni Denver sa pribadong silid ng kaniyang anak matapos nila itong isugod kahapon sa ospital na ’yon. Malala na kasi ang karamdaman nito kaya naman unti-unti na nitong pinapahina ang katawan ng bata.
“At sino ang mag-oopera sa anak ko? Ikaw?” Tumawa si Denver matapos niyang sabihin ’yon. “Ayoko. Gusto ko ng ibang doktor,” sabi pa niya na agad namang kinondena ng isa pang doktor na kasama nito.
“Pero, Mr. Aguilar, si Dr. Valencia ho ang pinakamagaling na surgeon namin sa ospital na ito,” pag-iimporma pa nito. Nagbabakasakaling magbago pa ang kaniyang isip, samantalang ang doktor na si Dr. Valencia ay tahimik lang na nakatingin sa kaniya.
“Pinakamagaling? Sino’ng maniniwalang ang isang bingot na katulad niya ay isang magaling na doktor sa pag-oopera? ’Yong sarili niya nga, hindi niya maayos, e!” katuwiran pa niya na walang pakundangan sa mararamdaman ng kaharap.
“Wala namang kinalaman ang pagkakaroon ko ng ganito sa pagiging doktor ko, Mr. Aguilar. Isa pa’y desisyon ko kung bakit hindi ko ito ipinaoopera. Marami na akong pinagdaanang taong katulad mo, noong nag-uumpisa pa lang ako. Mga taong hindi binibigyang halaga ang kakayahan ko dahil mayroon akong kapansanan… ngunit kinaya ko at nakarating ako sa posisyon ko ngayon. Sabihin na nating ipinapaalala ng bingot na ito sa akin kung gaano ako katatag at kahusay na doktor ngayon, Mr. Aguilar,” puno ng kompiyansang sagot naman ni Dr. Valencia sa mapanghusgang pasiyente.
Totoo ang lahat ng iyon. Totoo ring mas pinili ni Dr. Valencia na huwag nang ipaopera pa ang kaniyang bingot, bilang paalala sa kaniyang mga pinagdaanan sa buhay. Tutal ay hindi naman apektado nito ang linaw ng kaniyang pagsasalita at tanggap naman siya ng kaniyang asawa’t dalawang anak.
Ngunit sa kabila ng paliwanag na ’yon ay tinawanan lamang ni Denver ang doktor. “Wala akong pakialam, Dr. Valencia. Ayoko sa ’yo! Bigyan n’yo ng ibang doktor ang anak ko!” aniya pa.
Ngunit isang tinig ang nakapagpalingon sa kanilang lahat. “Daddy, gusto ko po si Dr. Valencia. Please, hayaan n’yo po siyang tulungan ako,” anang kaniyang anak na noon ay gising na pala.
“Pero anak—” akmang tututulan pa rin ni Denver ang kagustuhan ng kaniyang anak, nang putulin ng bata ang kaniyang sinasabi.
“Please, daddy? Alam kong pagagalingin ako ni Dr. Valencia,” sabi pa nito. Nagsusumamo ang mukha ng bata.
Magsasalita pa sana si Denver ngunit nataranta na ang lahat nang bigla na lang nawalan ng malay ang bata! Bigla itong nangisay habang tumitirik ang mga mata nito!
“Wala na tayong panahon, Mr. Aguilar! Magdesisyon ka na!”
Wala nang nagawa pa si Denver kundi ang pumayag sa gusto ng anak. Wala na rin kasi siya sa wisyo upang mag-isip dahil sa sobrang pag-aalala!
Nagsimula ang operasyon. Pakiramdam ni Denver ay napakatagal nang nasa operating room ng kanyang anak kasama ang doktor na may bingot sa labi, at hindi niya maiwasang magduda kung lalabas pa ba nang buhay doon ang kaniyang anak. Wala siyang tiwala sa doktor dahil para sa kaniya ay hindi katiwa-tiwala ang hitsura nito. Kundi lang talaga dahil sa kaniyang anak ay hindi niya papayagang ito ang gumamot dito!
Ayaw man ni Denver ay inihanda na niya ang kaniyang sarili sa pinakamalalang posibilidad na maaaring mangyari… at ipinangako niyang sisiguraduhin niyang pagbabayaran ng Dr. Valenciang ’yon ang kapalpakang gagawin nito!
Ngunit tila hindi magaling manghula si Denver. Makalipas kasi ang ilang oras na paghihintay ay lumabas na sa operating room ang doktor upang ihatid sa kanila ng kaniyang asawa ang balitang, galing na ang kanilang anak at malayo na ito sa tiyak na kapahamakan!
Pakiramdam ni Denver ay nabunutan siya ng tinik sa lalamunan. Ilang doktor na ang nalapitan nila sa kalagayan ng anak niya, ngunit palaging sinasabi ng mga ito na wala nang pag-asa pang gumaling ang bata. Pagkatapos, itong hindi niya pinagkatiwalaaang doktor pa ang nagligtas sa buhay ng kaniyang prinsesa!
Napahiya si Denver at inaamin niya iyon. Ngayon ay napalitan na ng labis na pasasalamat ang pagdududang kaniyang nararamdaman kanina lang!
Napagtanto niya na tunay ngang hindi natin maaaring husgahan ang kakayahan ng isang tao base lang sa kaniyang panlabas na anyo.