Pinagtatawanan ang Binata dahil sa Luma Nitong Sasakyan; Magugulantang ang Lahat kapag Nalaman Nila ang Tunay na Halaga Nito
Napukaw ang atensyon ng ginang na si Alice nang makita niyang nagbibilang ng pera ang kaniyang binatang anak na si Terrence.
“Binibilang mo na naman ‘yang iniipon mo. Ano ba talaga ang gagawin mo sa perang iyan at gan’on ka na lang mag-impok?” pagtataka ng ina.
“Sabi ko naman sa inyo, ‘ma, bibili po ako ng magarang sasakyan. Balak ko pa nga pong kumuha ng isa pang trabaho para mas mabilis na makapag-ipon. Kulang na kulang pa ang perang ito para makabili kahit ng lumang sasakyan,” tugon naman ni Terrence.
“Akala ko ay nagbibiro ka lang noong sabihin mo sa akin na mag-iipon ka para sa isang sasakyan. Makakabili ka naman ng sasakyan sa perang iyan. P’wede kang bumili ng bisikleta,” biro pa ni Alice.
“Ikaw talaga, ‘ma, lagi mo akong niloloko. Basta, balang araw, makakabili rin ako ng sarili nating sasakyan. Hindi ka na maglalakad mula dito papuntang palengke. Ako naman po ang maghahatid sa inyo,” dagdag pa ng binata.
“Kahit walang sasakyan, anak, ay ayos lang sa akin. Basta ipangako mo lang na pagsisikapan mong mapaunlad ang buhay mo. Sana nga ay abutan ko pa ‘yang pagkakaroon mo ng sasakyan,” wika muli ng binata.
Bata pa lang talaga si Terrence ay gusto na nito ng sasakyan. Noon pa lang ay nag-iipon na siya para matupad niya ang pangarap na ito. Labis ang kaniyang pagtitipid para lang kahit paano ay may mailagay siya sa kaniyang alkansya.
Tanging ang inang si Alice na lang ang kasama ni Terrence sa buhay. Bata pa lang kasi siya ay yumao na ang kaniyang ama. Tila naipamana nga ng ama kay Terrence ang hilig sa mga sasakyan.
Malayo rin kasi ang bahay ni Terrence sa kabayanan. Sa palengke naman nagtitinda ang kaniyang ina kaya hirap ito na magpapalit-palit ng mga sasakyan habang dala ang kaniyang mga paninda.
Isang araw, nakaipon na ng animnapung libong piso itong si Terrence. Papunta na sana siya sa isang tindahan ng mga gamit ng sasakyan. Nais kasi niyang malaman kung magkano pa ang kulang niya para makabili.
Halos manlumo itong si Terrence dahil nasa dalawang daang libong piso ang pinakamababang sasakyan na kaniyang nasipat.
“Matagal-tagal na pag-iimpok pa pala ang kailangan kong gawin. Siguro ay kailangan kong maghanap ng iba pang pagkakakitaan,” sambit ni Terrence sa sarili.
Bago lumabas ng tindahan ng sasakyan itong si Terrence ay narinig niya ang isang matandang nagmamakaawa.
“Manong, huwag na po kayong makulit. Hindi nga po kami bumibili ng sasakyan na tulad ng sa inyo dito! Sa iba na lang po kayo lumapit!” saad ng ginoong tagapangasiwa sa isang matanda.
“Kahit lapitan mo lang at tingnan saglit. Kailangang-kailangan ko lang ng pera,” giit ng matanda.
“Naku, dito pa lang ay kitang kita ko na po ang sasakyan n’yo. Kulang na lang ay gasolina at posporo para masilaban na ‘yan! Hindi na po ‘yan mapapakinabangan pa!” sambit muli ng lalaki.
Patuloy sa pagmamakaawa ang matanda. Ngunit pinagtabuyan lamang ito ng mga tauhan ng tindahan ng sasakyan.
Nang makita ito ni Terrence ay agad niyang nilapitan ang matanda.
“A-ano po ang problema, tatang? May maitutulong po ba ako?” saad ng binata.
“Kailangan ko kasi ng pera dahil kailangan kong magbayad ng utang ko sa bangko. Kung hindi ay paaalisin nila ako. May taning na ang buhay ko at ayaw ko namang masawi sa lansangan. Kaya pilit kong binebenta ang sasakyan na ito nang sa gayon ay kahit paano’y may matuluyan pa ako habang naghihintay ng aking oras,” umiiyak na sambit ng matanda.
“Tatang, magkano n’yo po ba ibinibenta ang sasakyan n’yo?” tanong muli ni Terrence.
“Limampung libong piso lang. Nais ko lang maitawid ang hulog ko sa bangko at saka ihahanda ko na rin ang gagamitin sa aking pagkawala,” pagtangis pa ng ginoo.
Tiningnan ni Terrence ang sasakyan ng nakakaawang matanda saka niya tiningnan ang perang naipon na nasa loob ng kaniyang bag.
“Gumagana pa naman po ito, ano, tatang? Sige po, ako na po ang bibili. Bilhin ko po ng animnapung libong piso,” wika ni Terrence.
“Totoo ba ‘yang sinasabi mo, hijo? Talagang bibilhin mo itong lumang sasakyan ko? Kahit na lumang luma na ito ay gumagana pa naman. Maraming maraming salamat sa iyo! Akala ko ay mamamaalam ako sa mundong ito na nasa lansangan!” patuloy sa pag-iyak ang nakakahabag na matanda.
Binili ni Terrence ang sasakyan sa matanda. Nang makita ng tagapangasiwa ng bilihan ng sasakyan ang ginawang ito ni Terrence ay pinagtawanan lang siya nito.
“Para kang nagpamigay ng pera d’yan, Totoy! Nagpa-uto ka naman diyan sa matandang iyan!” natatawang kantiyaw ng ginoo.
Pagkabigay ni Terrence ng pera sa matanda ay ibinigay na rin ng ginoo ang susi ng sasakyan. Sa unang pagkakataon ay natupad na rin ang pangarap ni Terrence na magkaroon ng sariling kotse.
“Hindi man ito ang nasa isip kong sasakyan ay ayos na rin. Kahit paano ay nakatulong,” saad ni Terrence sa sarili.
Nang iuwi niya ang sasakyan ay pinagtitinginan siya ng mga kapitbahay. Nagbubulungan ito dahil natatawa sila sa lumang sasakyan ni Terrence.
“Buti ay umaandar pa ang sasakyang iyan? Parang pupugak-pugak na! Masabi lang na may sasakyan ka, ano? Kung ako ang papipiliin ay maglalakad na lang ako kaysa sumakay sa sasakyan na iyan!” panloloko ng kapitbahay.
Nagulat naman ang inang si Alice nang makita ang sasakyang binili ni Terrence. Agad na ikinuwento ng binata ang nangyari.“Nakakaawa ang matandang iyon kung totoo man ang sinasabi niya. Hayaan mo na at nakagawa ka naman ng mabuti. Saka umaandar naman ang sasakyan na ito. Kahit paano ay magagamit pa,” saad ni Alice.
“Mag-iipon na lang po ulit ako para kahit paano ay maipaayos ko ang kotseng ito,” wika naman ni Terrence.
Sa ilang linggong paggamit ni Terrence ng naturang sasakyan ay samu’t saring pangangantiyaw na ang kaniyang natanggap.
Nang makaipon ay dinala niya ito sa kasa upang ipagawa.
“Bakit hindi mo na lang dalhin sa junk shop ‘yan, hijo? Mag-aaksaya ka lang ng pera diyan!” kantiyaw ng isang lalaki.
Hindi na lamang ito pinansin ni Terrence.
Habang malakas na pinag-uusapan at pinagtatawanan ng ibang tao ang lumang sasakyan ng binata ay may isang lalaki na lumapit sa sasakyan.
“Ikaw ba ang may-ari ng sasakyang ito?” tanong ng ginoo kay Terrence.
“Kung pagtatawanan n’yo lang po ay huwag n’yo na pong tangkain. Hindi na po ako naaapektuhan ng mga sinasabi ng tao. Ang mahalaga sa akin ay umaandar pa naman ito!” depensa ng binata.
“Naku, hindi ko ito kakantiyawan. Alam mo ba na vintage na ang sasakyan na ito? Ilan lamang ang ginawang ganito sa mundo. Milyon milyon ang halaga nito ngayon! At maraming kolektor na tulad ko ang handang magbayad ng mas malaki para lang makuha ito. Nais mo ba itong ipagbili sa akin? Handa akong bayaran ka ng limampung milyong piso para lang dito!” saad ng ginoo.
Akala ng iba ay tila nahihibang lamang ang lalaki hanggang sa ipinakita nito ang kaniyang tarheta. Siya pala mismo ang may-ari ng gasolinahan at kasa kung saan sila naroroon.
Halos malaglag ang mga panga ng mga tao habang ibinibigay ng ginoo ang pera kay Terrence kapalit ng lumang sasakyan na iyon.
Ngunit unang dumapo sa isip ni Terrence ay puntahan ang matandang nagbenta sa kaniya nito upang sana’y matulungan niya. Ngunit nang matunton niya ito’y sumakabilang buhay na pala ang matanda ilang araw na ang nakalipas.
Hindi lubos makapaniwala si Terrence na uuwi siyang isang milyonaryo. Lahat ng kaniyang kapitbahay ay hindi rin makapaniwala sa swerteng dumapo sa kaniya.
Naipagawa na ni Terrence ang munti nilang tahanan. Nakabili na rin siya ng mas magagandang sasakyan. Hindi na rin kailangan pa ng kaniyang ina na magtinda sa palengke.
Hinding-hindi malilimutan ni Terrence ang araw na tinulungan niya ang naghihinagpis na matanda. Habambuhay niyang ipagpapasalamat sa matanda ang magandang buhay na tinatamasa nila ngayon ng kaniyang ina. Dalangin niya ang walang hanggang kapayapaan ng kaluluwa ng matandang ito.