
Hindi Makayanan ng Dalaga na Tingnan ang Singsing na Ibinigay sa Kaniya ng Manlolokong Mapapangasawa; Ito Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tagumpay
Walang mapaglagyan ang kaligayahan ni Joy habang tinitingnan niya ang singsing na bigay sa kaniya ng kaniyang nobyo. Makalipas kasi ng limang taong relasyon nila ay inaya na rin siya nito na magpakasal.
Habang nangangarap sa kawalan ay nakita si Joy ng kaniyang inang si Dulce.
“Sigurado ka na ba sa pagpapakasal mo kay Miguel? Baka mamaya ay nabibigla ka lang dahil maganda ang set up ng proposal niya sa iyo,” tanong ng ginang.
“‘Ma, alam n’yo naman kung gaano ko kamahal si Miguel. Siya talaga ang gusto kong makasama. Saka kayo na rin ang nagsabi kung hahanap ako ng lalaki ay ‘yung tiyak na akong may magandang kinabukasan. May kaya ang pamilya ni Miguel at tiyak akong mabibigyan niya ng magandang buhay ang magiging pamilya namin,” tugon naman ng dalaga.
“Noong sinabi ko sa iyo ‘yun, ang ibig ko lang sabihin ay huwag kang kumuha ng mapapangasawa na kung sinu-sino. Joy, baka nakakalimutan mong ilang beses ka nang niloko niyang si Miguel. Wala kang ginawa kung hindi patawarin ang lalaking iyan. Baka mamaya kung kailan na kayo kasal ay saka siya muling magloko,” dagdag pa ng ina.
“Tiwala po ako kay Miguel, ‘ma. Alam kong nagbago na po siya. Kung hindi siya seryoso sa kasal namin ay bakit niya ako bibigyan ng mamahaling singsing? Ang singsing po na ito ang tanda ng tunay niyang pagmamahal sa akin. Baka napagtanto rin niyang ako ang nararapat sa kaniya dahil mapagtiis ako,” paliwanag pa ng dalaga.
Hindi naman kompyansa si Dulce sa sinasabi ng anak. Kahit na masama ang kaniyang kutob ay hindi niya mapigilan ang kaniyang anak mula sa pagpapakasal sa kasintahan. Alam niyang nakapagdesisyon na ito. Ayaw rin naman ng ginang na maging kontrabida siya sa buhay ng anak.
Isang araw ay nakipagkita si Joy kay Miguel para ayusin ang kanilang kasal.
“Pumunta na tayo sa munisipyo nang sa gayon ay maayos na natin ang mga papeles na kailangan. Saka tayo pumunta sa simbahan para makapagbigay na ng down payment,” wika ni Joy sa mapapangasawa.
“Joy, nagpunta lang ako dito para sabihin sa iyo na hindi ako makakasama. P’wede bang ikaw na lang ang umasikaso ng lahat ng ‘yan, Joy. Hindi ko kasi p’wedeng iwan ang trabaho ko. Pasensya ka na,” pakiusap ni Miguel.
“S-sige, ako na lang ang lalakad. Isasama ko na lang ‘yung bunsong kapatid ko na si Liezel,” saad naman ng dalaga.
Nagmamadaling umalis si Miguel upang makabalik sa trabaho. Habang si Joy ay naiwang nag-iisa. Bumalik na rin ito sa kanilang bahay.
“Sana sinabi na lang niya kaagad na hindi siya makakasama para naisama na agad kita, Liezel. Tapos nakalakad na agad tayo para maayos na ‘yung mga papeles na kailangan,” naiinis na sambit ni Joy.
“Hindi kaya isang senyales ‘yan, ate, para isipin mo ulit kung talagang gusto mong magpakasal sa kaniya? Kasi tingin talaga namin ni mama hindi naman siya seryoso sa’yo. Hindi ba, siya na rin ang nagsabi noon na kailangan na niyang mag-asawa para makuha na niya ang mana niya? Baka naman totoo ang sinasabi niya?” wika naman ng nakababatang kapatid.
“Hindi ko maintindihan sa inyo kung bakit hindi na lang kayo maging masaya para sa akin. Mahal ako ni Miguel at mahal ko rin siya. Abala lang talaga siya ngayon kaya hindi siya makakasama. Ano, sasamahan mo ba ako o sesermunan na lang tulad ni mama?” sambit muli ni Joy.
Nagtungo na sina Joy at Liezel sa munisipyo para ayusin ang mga papeles na kakailanganin sa kasal.
Habang papunta naman sila sa simbahan ay saktong nakita ni Joy si Miguel na palabas ng kaniyang sasakyan. Nagulat siya nang buksan ng nobyo ang isang pinto at inalalayan ang isang babae na makababa ng kotse.
Malambing ang dalawa at talagang hindi mo mapagkakaila na may relasyon sila.
Bumaba ng sinasakyang taxi sina Joy at Liezel. Dahil sa sobrang sama ng loob ay hindi na nagdalawang-isip pa ang dalaga na sugurin ang kasintahan.
“Ito ba ang pinagkakaabalahan mo, Miguel, kaya hindi mo man lang ako masamahan na ayusin ang kasal natin?” sita ni Joy.
Gulat na gulat naman si Miguel nang makita niya sa kaniyang harapan si Joy at ang kapatid nito.
“H-hayaan mo muna akong magpaliwanag, Joy. Umupo ka muna at huwag kang mag-eskandalo dito!” sambit naman ni Miguel.
“Ayaw mo ng eskandalo pero niloloko mo ako nang harapan? Akala ko ba ay nagbago ka na? Akala ko ba ay hindi mo na ako lolokohin pa? Ang kapal talaga ng mukha mo, Miguel. Dapat ay nakinig na lang ako sa mama ko, noon pa!” umiiyak na sambit ni Joy.
“Sige, tutal ayaw mo lang din naman tumigil sa pag-eeskandalo. Aaminin ko na, oo, karelasyon ko itong si Cindy. Hindi kasi tulad mo, hindi siya boring. Saka napilitan lang naman akong ayain ka ng kasal dahil ikaw ang gusto ng lolo ko na mapangasawa ko. Tinatakot niya ako na hindi nya ibibigay sa akin ang mana ko kung hindi ikaw ang pakakasalan ko. Pero ngayong nakaratay na siya ay wala na siyang magagawa pa. Mapupunta pa rin sa akin ang mana ko at pwede ko pang pakasalan itong si Cindy!” bulyaw pa ni Miguel.
Halos pagsakluban ng langit at lupa itong si Joy dahil sa mga sinabing ito ni Miguel.
“Ito na ang huling pagkakataong gagamitin mo ako, Miguel. Kahit kailan ay hindi na ako magpapaloko sa iyo! Ito na ang singsing mo, hindi ko na ito kailangan pa!” sambit pa ng dalaga.
“Sa iyo na ‘yan! Wala nang halaga sa akin ‘yan. Tanggapin mo na lang bilang kabayaran ko sa lahat ng sama ng loob na nadala ko sa iyo. Ngayon ay patas na tayo, Joy. Saka tandaan mo, kahit kailan ay hinding-hindi na ako lalapit pang muli sa’yo dahil nasa akin na ang lahat ng gusto ko!” giit pa ng nobyo.
Naiwang luhaan si Joy nang mga sandaling iyon. Hindi naman alam ni Liezel ang kaniyang gagawin upang kalamayin ang kalooban ng nasasaktan na ate.
Dahil sa lubos na kahihiyan na inabot ni Joy ay nagkulong na lamang ito ng kwarto. Hindi na ito pumasok pa sa trabaho at walang ginawa kung hindi umiyak na lamang.
“Joy, anak, huwag mo namang hayaang magkasakit ka. Hindi pa tapos ang buhay, anak. Ang dapat mong gawin ngayon ay pagtuunan ang sarili mo. Mabuti ngang hindi ka nakasal sa kaniya dahil kung nagkataon ay mas mahirap ang kahaharapin mo,” saad ni Dulce sa anak.
“Ang sakit lang, ‘ma. Hindi ko alam kasi kung ano ang mali sa akin, bakit palagi na lang niya akong niloloko. Ako naman si tanga, lagi na lang akong nagpapatawad,” pagtangis ng dalaga.
“May mga bagay kasi na kahit ipilit natin ay hindi inilaan para sa atin ng Diyos. Bumangon ka, anak. Huwag mong hayaang malugmok ka ng pagsubok na ito. Hayaan mo na kung ano man ang sasabihin sa iyo ng mga tao. Buhay mo naman ito, anak. Ikaw ang dapat humawak nito. Ipagpasa-Diyos mo na lang ang lahat,” payo pa ng ina.
Habang tinitingnan ni Joy ang masasayang larawan ng dating nobyo ay napagtanto niyang hindi nga siya ang dapat na malugmok dahil wala naman siyang ginagawang masama.
Kinuha niya ang singsing mula sa taguan at agad niya itong ibinenta.
“Binenta ko po ang singsing, ‘ma, para magsimula ng panibagong buhay. Magtatayo po ako ng isang negosyo. Magtitinda po ako ng mga damit at bag na ako po mismo ang magdidisenyo. Alam kong hindi madali ang pagnenegosyo pero hindi po ako susuko,” saad ng dalaga.
Hindi akalain ni Joy na papatok ang negosyong kaniyang pinasok. Lalo na kapag nalalaman ng mga kababaihan ang kwento sa likod ng pagsisimula niya ng negosyo. Tila naging isang magandang ehemplo pa si Joy para sa mga kababaihang nadapa at pilit na bumabangon sa buhay.
Makalipas ang ilang taon ay tuluyan nang lumago ang negosyo ni Joy at unti-unti na siyang nagtagumpay. Isang pamilyar na mukha ang natagpuan niya sa labas ng kaniyang tanggapan.
“Miguel, anong ginagawa mo rito?” saad ni Joy nang makita ang dating nobyo.
“Gusto ko lang sanang humingi ng tawad para sa lahat ng nagawa kong kasalan sa’yo, Joy. Tama ka nga, ikaw ang para sa akin. Simula nang nawala ka ay kung anu-ano na ang nangyari sa buhay ko. Si Cindy, niloko lang niya ako. Tinangay niya ang lahat ng pera ko. Mula noong maghirap ako ay hindi na ako nakakita pa ng tunay na pagmamahal tulad ng ibinigay mo sa akin. Kaya patawarin mo ako, Joy. Sana ay may pagkakataon pa na mapatunayan ko sa iyo na tunay na akong nagbago,” pagtangis ng binata.
“Miguel, matagal na kitang pinatawad kahit na hindi basta-basta ang ginawa mo sa akin. Iniwan mo ako sa ere. Wala akong hinangad sa iyo noon kung hindi makasama ka. Ngayong nasa maayos na ako at ikaw naman ang nasa ibaba ay muli kang babalik? Pero kahit paano ay nagpapasalamat pa rin ako sa iyo dahil kung hindi dahil sa singsing na ibinigay mo sa akin ay hindi ko mararating ang kinaroroonan ko ngayon. Patawarin mo ako pero hindi ko na hahayaan pang makapasok ang tulad mo sa buhay ko. Isa pa, ikinasal na ako, Miguel. Ikinasal na ako sa isang lalaking hindi lang ako basta kailangan. Naikasal ako sa isang lalaking alam kong mahal na mahal ako ano man ang katayuan ko sa buhay. Umalis ka na at hindi na kita nais makita pa kahit kailan,” mariing sambit ni Joy.
Sa pagkakataong iyon ay tumalikod si Joy sa luhaang si Miguel nang may ngiti sa kaniyang mga labi. Matagal na inasam ni Joy na mapagtanto ni Miguel ang tunay niyang halaga. Ngayon ay magkaiba na sila ng sitwasyon. Ang singsing na naging simbolo ng sakit at pighati dahil sa naudlot na pag-iisang dibdib sana nila ni Miguel ang siyang nag-angat sa kaniya sa tagumpay.
Ipinagpapasalamat ni Joy na sumunod siya sa payo ng kaniyang ina na bumangon mula sa pagkakalugmok.