Inday TrendingInday Trending
Labis ang Pag-iingat ng Dalaga sa Kaniyang Buhok; Isang Bata ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

Labis ang Pag-iingat ng Dalaga sa Kaniyang Buhok; Isang Bata ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

Halos lahat ay napapalingon sa tuwing makikita ang dalagang si Mira. Bukod kasi sa magandang mukha nito at mala-sutlang kutis ay nakakabighani rin ang ganda ng kaniyang buhok. Tila lahat ng babae ay nag-aasam na sana ay kasing ganda ng buhok ni Mira ang sa kanila.

Ito rin ang dahilan kung bakit nabighani sa kaniya ang kasintahang si Joshua. Matagal nang may pagtingin si Mira sa binata ngunit nahihiya siyang sabihin ito. Kaya naman nang magdalaga ay talagang inayos ni Mira ang kaniyang sarili.

Unang pag-ibig niya si Joshua kaya gusto sana niyang ito na rin ang kaniyang makatuluyan.

“Nakikita mo ba kung ilang tao na ang napapalingon dahil sa kagandahan mo, Mira? Napakaswerte ko talaga dahil napakaganda ng nobya ko!” pagmamalaki ni Joshua.

“Hindi kasi alam ng mga babae na ang sikreto lang naman upang maganda kang tingnan ay maging maayos ang buhok mo. Pero noon pa man ay sinasabi na ng mama ko na iba raw talaga ang bagsak ng buhok ko. Pang komersyal daw talaga,” saad naman ni Mira.

“Ano kaya ang itsura mo kung wala kang buhok, ano? Subukan mo ngang magpaikli ng buhok para malaman natin,” wika muli ng binata.

“Tigilan mo nga ako, Joshua. Baka kapag nagpagupit ako ay manghinayang ka. Baka mamaya ay ikahiya mo na ako! Saka isa pa baka mamaya ay magtampo ang buhok ko,” tugon naman ng dalaga.

Labis na pinakaiingatan ni Mira ang kaniyang buhok dahil alam niyang ito ang dahilan kung bakit napaibig sa kaniya si Joshua.

Isang beses sa isang linggo kung magpunta ng salon itong si Mira. Madalas mo rin siyang makikitang nagsusuklay. Hindi nito hinahayaan na malagyan ng dumi ang kaniyang buhok. Kung anu-ano ring pampaganda ang pinapahid niya rito para manatili ang ganda ng bagsak at haba ng buhok.

Isang araw, nagkukwentuhan sa isang kainan malapit sa eskwelahan itong si Mira at ang kaibigan niyang si Celine.

“Huwag mong sabihin sa akin na pupunta ka na naman ng salon ngayong Linggo? Kakapunta mo lang ng salon noong nakaraan, a?” saad ng kaibigan.

“Alam mo namang kailangan kong mapanatiling maganda ang buhok ko. Baka mamaya kapag pumangit na ang buhok ko ay maging pangit na rin ang tingin sa akin ni Joshua. Baka mamaya ay ipagpalit niya ako. Alam mo naman kung gaano ko siya kamahal,” saad naman ng dalaga.

“Sa tingin mo ba ay buhok mo lang ang mahal niya? Hindi ba dapat kung totoo ‘yang palagay mo ay lalo ka nang umiwas sa kaniya dahil panlabas na kaanyuan mo lang ang gusto niya kung gayon?” sambit naman ni Celine.

“Basta, gusto ko lagi akong maganda sa paningin niya. Kay tagal kong inasam na mahalin niya rin ako. Nasa elementarya pa lang tayo ay crush ko na iyang si Joshua. Gusto ko ay siya na ang mapangasawa ko, at gagawin ko ang lahat para matupad ko ‘yun!” muling wika ni Mira.

Maya-maya ay may isang batang lumapit sa dalaga at nabighani sa buhok nito. Hindi maiwasan ng batang pulubi na hawakan ang buhok ni Mira. Agad namang iniwas ni Mira ang buhok sa maruming kamay ng bata.

“Ano ba? Hindi mo ba alam na hindi tama ang basta ka na lang nanghahawak ng buhok ng may buhok? Isa pa, ang dumi-dumi ng kamay mo! Baka kung ano pang mikrobyo ang mapunta sa akin!” pagtataray ni Mira.

“P-pasensiya na po kayo. Hindi ko lang po maiwasan na magandahan sa buhok mo, ate. Ano po kaya ang pakiramdam ng may gan’yang buhok? Saka paano po kayo nagkaroon ng gan’yang kagandang buhok?” patuloy sa pagtatanong ang batang pulubi.

“Tigilan mo nga ako, bata! S’yempre inaalagaan ko ang buhok ko! Lagi akong naliligo, hindi katulad mo. Kaya siguro may takip ang ulo mo ay hindi mo kayang ipakita ang buhok mong marumi!” saad pa ng dalaga.

Napayuko lamang ang bata dahil sa sinabing ito ni Mira.

“Ano pa ang ginagawa mo rito, bata? Umalis ka na! Saka tigilan mo ang paghawak sa buhok ng may buhok!” muling sambit ni Mira.

“Ate, baka gusto n’yo na lang pong bumili ng sampaguita sa akin? Magiging malaking tulong po ito sa amin ng nanay ko,” pakiusap ng bata.

Hindi pinaunlakan ni Mira ang alok ng bata. Imbes na tulungan ay itinaboy niya ito.

“Ikaw naman, napakasungit mo. Sana’y ‘di mo na lang sinigawan ang bata. Natuwa lang naman sa buhok mo,” saad ng kaibigang si Celine.

“Dapat malaman niyang hindi tama ang ginagawa niya! Hay, gusto ko na tuloy pumunta ng salon para mahugasan ang buhok ko!” sambit muli ni Mira.

Nang hapon ding iyon, pagtapos ng klase ay nagmamadaling umalis si Mira patungong salon. Sa kaniyang paghihintay ng masasakyan ay nakita niya ang batang pulubing humawak ng kaniyang buhok. Kasama nito ang kaniyang ina.

Pinagmamasdan ni Mira ang mag-ina nang biglang tanggalin ng ginang ang balabal sa ulo ng bata. Nanlaki ang mga mata ni Mira nang makita niyang wala palang buhok ang bata.

Mabigat ang pakiramdam ni Mira sa ginawa niya sa kaawa-awang bata. Kaya bago pumunta ng salon ay nilapitan niya ang mag-ina upang humingi ng tawad.

“Hindi ko alam na gan’yan pala ang kalagayan mo. Pasensya ka na sa akin, a. Ito ang isang daang piso, sana kahit paano ay makatulong sa inyo ngayong araw. Kailan ka pa nawalan ng buhok?” tanong ng dalaga.

“Maraming salamat sa bigay mo! Malaking tulong nga ito!” galak na galak na pasasalamat ng ginang.

“Mula noon, hindi na siya tinubuan pa ng buhok dahil sa kaniyang karamdaman. Awa ng Diyos, kahit paano ay binibigyan pa rin siya ng kalakasan at narito pa rin siya sa aking tabi. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag nawala siya. Kaya nga kahit mabigat sa loob ko ay sinasama ko siya sa pagtitinda ng sampaguita. Ito lang kasi ang tanging paraan upang maitawid namin ang pang-araw-araw namin,” naluluhang kwento ng ina ng bata.

Mula nang araw na iyon ay palagi nang binibigyan ni Mira ang mag-ina ng kaunting tulong. Napalapit na rin sa kaniya ang batang si Jessa. Minsan ay ipinagbabaon pa niya ito ng sandwich at ibinibili ng tsokolate sa grocery.

Labis naman ang pasasalamat ng mag-ina sa kabutihan ni Mira.

“Alam mo, ate, hindi ka lang maganda, mabait ka pa. Pasensiya ka na talaga sa akin kung hinawakan ko ang buhok mo nang marumi ‘yung kamay ko. Hindi ko kasi matiis, ang ganda ganda kasi ng buhok mo! Pangarap ko na magkaroon ako ng tunay na buhok tulad niyan!” wika naman ng bata.

Naluluha si Mira dahil napakasimple lamang ng pangarap ng bata.

Isang araw ay nagulat na lamang ang lahat nang pumasok si Mira na sobrang iksi ng buhok. Maging ang kaniyang nobyo ay gulat na gulat rin.

“A-anong ginawa mo sa buhok mo, Mira? Bakit ka nagpagupit?” sambit ni Joshua.

“Bakit? Ayaw mo na ba sa akin dahil wala na ang mahaba kong buhok? Talaga bang minahal mo lang ako dahil sa buhok ko, Joshua?” tanong ng dalaga.

“H-hindi, hindi totoo ‘yan! Nagtataka lang ako dahil biglaan naman ata ang desisyon mong ito. Hindi ko lang akalain na bigla kang magpapagupit dahil alam ko kung gaano kahalaga sa iyo ang buhok mo,” sambit ng binata.

“May mas mahalaga pa kasi kaysa sa buhok ko. Ang tuparin ang pangarap ng isang batang napalapit na sa akin,” saad ni Mira.

Ilang saglit pa ay nariyan na ang batang si Jessa kasama ang kaniyang ina. Masayang-masaya ang mag-ina lalo na si Jessa dahil sa kaniyang bagong buhok.

“Maraming salamat, Ate Mira. Hindi ko akalain na kaya mong isakripisyo ang buhok mo para lang sa akin. Sana po ay tumubo pa nang mas mahaba at mas maganda ang buhok n’yo. Hinding hindi ko po ito makakalimutan, ate!” umiiyak na sambit ng bata habang niyayakap si Mira.

“Buhok lang ‘yan, Jessa. Mas maswerte ako at nakilala kita. Dahil sa’yo ay nag-iba talaga ang pananaw ko sa buhay,” saad naman ni Mira.

“Ikaw, Joshua, tatanggapin ko kung ayaw mo na sa akin dahil maikli na ang buhok ko,” ani MIra sa binata.

“Nahihibang ka na ba, Mira? Hindi kita nagustuhan dahil lamang sa buhok mo o sa taglay mong kagandahan. Para sa akin ay bonus na lang iyon. Nabighani ako dahil masaya kang kasama at mapagmahal ka. Pero dahil sa ginawa mong ito, lalo kong napatunayan na tama ang babaeng minahal ko. Lalo akong nahuhulog sa iyo, Mira,” sagot ng lalaki.

“Maganda pa rin ba ako sa paningin mo, Joshua?” nakangiting tanong ni Mira.

“Wala nang mas maganda pa kaysa sa iyo, Mira,” tugon naman ng binata.

Hindi akalain ni Mira na lalong titibay ang pag-iibigan nila ng kaniyang kasintahan dahil lamang sa pagbibigay niya ng kaniyang buhok sa batang si Jessa.

Samantala, walang mapagsidlan ang kaligayahan ni Jessa ngayong natupad na niya ang pangarap na magkaroon ng magandang buhok. Salamat sa mabuting kalooban ni Mira.

Nanatiling magkaibigan sina Mira at Jessa.

Nang makatapos ng pag-aaral si Mira ay tinulungan niya ang mag-ina sa kanilang pamumuhay.

Advertisement