
Plantsado na ang Planong Paghihiwalay ng Mag-asawang Ito; Isang Problema pa Pala ang Sasagip sa Kanilang Relasyon
“Sigurado na ba kayo? Mahaba ang proseso ng annulment dito sa bansa natin. Kailangan niyo pang dumalo sa pagdinig na mangyayari at hindi natin hawak ang magiging desisyon ng korte. Matagal ang pinagsamahan ninyo. Hindi biro ang sampung taon bilang kasal,” marahang paliwanag at payo ng abogado sa mag-asawang Lelet at Pancho.
“Wala na ho,” sabay na tugon naman ng mag-asawa. Nagtinginan ang dalawa nang masama at mabilis na ibinaling ang tingin sa kausap na abogado.
Matapos ang kanilang pakikipag-usap sa abogado, sabay na lumabas ang dalawa at halos hindi ito nagpapansinan. Magkahiwalay na umalis ang dalawa mula sa pasilidad na para bang hindi magkakilala. Samantala, nang makauwi na si Lelet sa bahay na kaniyang tinutuluyan, hindi niya mapigilan ang sumigaw dahil sa galit nito sa kaniyang mister.
“Ang kapal kapal ng mukha mo! Talagang ang bilis pa ng sagot mo sa abogado na sigurado ka na ha?! Ikaw itong sumira sa relasyon natin dahil wala kang ginawa kundi sirain ang tiwala ko sa iyo sa lahat ng bagay!” galit na sigaw ni Lelet habang pinaghahahampas ang kaniyang sofa ng mga unan. Kumalma siya nang maalala ang kanilang anak na nasa eskwelahan. Siya nga pala ang nakatoka ngayong buwan. Mabilis siyang nagbihis at nagtungo sa eskwelahan ng kaniyang anak upang ito’y sunduin.
Pababa pa lamang ng sasakyan si Lelet nang marinig niya ang iilang mga bata na nagtatawanan at sumisigaw pa. Naisip niyang baka naroon ang kaniyang anak. Subalit lubhang nagulat ang ginang dahil naroon nga ang anak niya na inuulan naman ng kutya ng kapwa niya estudyante.
“Sabi ng mommy ko huwag daw kita kalaruin kasi iyong daddy mo raw mahilig magpunta sa casino at saka marami raw siyang asawa,” anas ng isang bata habang pinagtatawanan pa ang kaniyang anak.
“Hindi kaya! Sabi ni mommy iyong mama daw ni Tonton mahilig daw magmura at saka masama raw ugali kaya masama rin daw ugali ni Tonton!” sabad naman ng isa pa.
Mga salita na patuloy na ibinabato ng mga bata sa kaniyang anak na nakayuko lang. Umentra siya sa kalagitnaan at tinakpan ang tenga ng kaniyang anak. Nang makarating na sa sasakyan, tiningnan niya ito sa mga mata subalit wala itong emosyon na ipinapakita. Nahabag ang ina sa sinasapit ng bata. Subalit kaunti na lamang at matatapos na rin ang kanilang problema. Niyakap niya ito at saka sila umuwi.
Nagdaan ang isang buwan at sinundo na si Tonton ni Pancho. Siya naman ang nakatoka sa kanilang anak na hanggang ngayon ay hindi makita ang emosyon. Kahit pa tanungin ang bata kung kanino niya mas gustong manatili, lagi lamang sinasagot nito na “kahit kanino”.
Isang tanghali, araw ng Linggo, masayang nagluluto ng kanilang pananghalian si Pancho. Isa kasi siyang kusinero sa isang hotel sa lungsod kaya hilig talaga niya ang pagluluto. Habang siya ay abala na nagluluto sa kusina, narinig niya ang isang malakas na kalabog na nanggaling sa kaniyang silid. Agad siyang umakyat sa taas upang tingnan kung ano ang nangyari dahil wala namang ibang tao sa bahay kundi silang dalawa lamang ng anak.
Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang anak na may mga sugat na nanggaling sa basag na mga frame na nakasabit sa kaniyang silid. Litrato iyon ng kanilang pamilya na sinira-sira ni Tonton. Nang tumingin ito sa kaniya, wala man lang itong emosyon na ipinakita at para lamang itong naglalaro. Agad niyang ginamot ang mga sugat ng anak at itinapon ang mga bubog na nagkalat.
“Masakit ba mga sugat mo, ‘nak? Bakit mo naman sinira litrato natin sa kwarto? May masakit ba sa’yo? Sabihin mo kay daddy,” marahang wika ni Pancho sa kaniyang anak. Tumingin ito sa kaniya nang matagal.
“Wala po,” maliit na tinig ang narinig sa kaniyang anak at bumalik na ito sa kaniyang pagkain. Nag-aalala man ngunit wala namang magawa si Pancho kundi ang maniwala sa anak na masarap na kumakain ng tanghalian.
Dumating ang unang araw ng kanilang pandinig sa korte ukol sa kanilang paghihiwalay ni Lelet. Muli silang nagkita ngunit parang hindi magkakilala. Kahit na magtinginan ay hindi nila magawa dahil sa galit nila sa isa’t isa. Nag-umpisa ang abogado sa pagtanong ng dahilan kung bakit sila maghihiwalay. Unang sumagot si Lelet na kalmado pa noong una.
“Mahilig po siyang magsugal. Inuubos niya ang pera na pinaghihirapan ko at may mga nagsabi rin sa akin na nambababae po ang mister ko na iyan. Isa pa, tamad iyan sa bahay, sa kanila siya ang nagluluto tuwing weekend pero sa bahay namin, ako pa rin kahit na sabado at linggo! Nakakapagod!” sunod-sunod na banggit ni Lelet at halata sa kaniyang mukha ang bugso ng damdamin na puro galit at sama ng loob sa asawa.
“Sino’ng may sabing pera mo yun?! Mas malaki ang sinasahod ko kaysa sa iyo pero wala kang ginawa kundi ipamukha sa akin na isa lang akong kusinero! Dahil gusto mo, mangibang bansa ako para mas malaki ang pera natin. Kapag sabado at linggo, gusto mo akong magluto o kumilos sa bahay? Eh kahit sinong tao ata hindi makakakilos kung simula umaga hanggang pagtulog ko, puro ka pagbubunganga! Ayoko na rin, sawang-sawa na ako at hindi ko na kayang tiisin ang ugali mo!” galit na singhal naman ni Pancho kay Lelet.
Natapos ang unang pagdinig na walang ibang nangyari kundi ang sumbatan at pagbuhos ng sama ng loob ng bawat isa. Subalit nang sila ay makalabas ng silid, agad silang tumakbo sa eskwelahan ni Tonton matapos makatanggap ng isang mensahe mula sa guro nito.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa nalaman dahil dinala sa ospital ang kaklase ni Tonton matapos niya itong saks*kin ng matalim na lapis sa tiyan. Nang tanungin nila ito, wala itong emosyon at paulit ulit lamang sinasabi na, “dapat lang yun sa kaniya, makulit siya at maingay.”
Hindi nagtagal, nagpasiya ang mag-asawa na ipasuri si Tonton sa isang dalubhasa sa pag-iisip. Doon napatunayan at positibo ang malubhang sakit ng bata sa pag-iisip. Nangangailangan ang bata ng masuring gabay at pagmamahal mula sa mga magulang. Resulta raw iyon ng kakulangan sa pagmamahal at kalinga ng isang bata, at ang palagiang pagsaksi nito kung paano mag-away ang mga magulang.
Niyakap ni Pancho nang mahigpit si Lelet na hindi mapigil ang pag-atungal. Sinisisi nila ang kanilang mga sarili dahil nagkaganoon ang kanilang anak.
Mabuti na lamang at hindi pa naman huli ang lahat dahil mabait ang Diyos at binigyan sila ng pangalawang pagkakataon upang makabawi sa anak pati na sa isa’t isa. Ngayon ay ipinapangako nilang aayusin na ang kanilang mga sarili at pagkakasunduin ang kanilang mga pagkakaiba para sa kapakanan ng kanilang pinakamamahal na anak.