
May Edad na ang Byudang Ginang na Ito Subalit Kumekerengkeng pa Raw; Matanggap Kaya Ito ng Kaniyang mga Anak?
“’Ma, iyong uniform ko, last na itong suot ko ngayon. Saka pala pasabay na rin daw si Kuya ng uniform niya. Iyong pambayad ng bills ‘ma, due date na ‘yan bukas, pabayad na rin kapag namalengke ka mamaya. Nasa itaas ng ref ang pera. Alis na ako ‘ma, bye, love you!” sunod-sunod na bilin ni Andeng sa kaniyang ina at tuluyang umalis na dahil mahuhuli na siya sa trabaho.
Buntong-hininga naman ang tugon ni Aling Marina habang siya ay nakatutok sa kaniyang selpon at pangiti-ngiti pa. Ilang buwan din ang kaniyang iginugol upang masaulo ang paggamit at pagkalikot ng selpon at internet. Subalit ngayong marunong na siya, naiisip ng kaniyang dalawang anak na tanggalin na ang internet nila dahil hindi na raw ito nakabubuti sa kanilang ina. Ngunit dahil kailangan din nila, minabuti nilang obserbahan pa ang mga kilos ng nanay.
Ilang beses na rin na nasusunog ang sinaing, tambak ang hugasin at nauubusan na ng uniporme ang kaniyang mga anak. Ito raw ay dahil hindi na ganoon kasipag sa gawaing bahay ang kanilang nanay na pitumpu’t pitong taong gulang na rin. Mayroon naman na silang binabayaran na naglalaba ng kanilang damit, ang tanging kailangan lamang at hiling ng kaniyang mga anak ay magkaroon ng pagkain kapag uuwi na sila, maayos na pagkain.
Isang gabi, pagkauwi ng kaniyang mga anak galing opisina, nadatnan nila ang bahay na walang tao, walang pagkain at walang ilaw sa loob. Ilang sandali lamang, nakangiti ang ina na pumasok sa loob.
“Saan kayo galing, ‘ma? Sabi ni Aling Tess wala ka raw sa kanila?” tanong ng anak niyang babae na si Cess.
“Diyan lang sa may mall, kumain ako, may nagyaya kasi,” masayang tugon naman ni Aling Marina.
Hindi man sinabi ng magkapatid ang kanilang pagkadismaya, minabuti na nilang palipasin na lamang ang ginawa ng ina. Subalit malakas na rin ang kutob nila na nakikipagkita ito sa isang lalaki na maaaring nobyo nito. Naririnig kasi nila mula sa silid nito na hanggang madaling araw ay may kausap ito.
Dumaan ang maraming araw na patuloy sa pag-alis si Aling Marina. Tuwing sabado’t linggo rin ay hindi siya mahagilap sa kanilang bahay. Nawalan na ng tagaluto at tagalinis ang buong bahay. Ang malala pa rito, pakiramdam ng magkapatid ay nawalan sila ng ina.
Isang gabi, dumating na ng hatinggabi si Aling Marina. Naroon sa kanilang sala ang dalawa niyang anak na naghihintay sa kaniya. Seryoso ang mga mukha nito at nakatitig sa kaniya.
“’Ma, san ka galing? Palagi kang wala dito sa bahay. Hindi mo man lang sinasabi sa amin kung saan ka nagpunta o sino ang kasama mo. Kung tatawagan ka namin, hindi mo naman sinasagot,” mahinahong wika ni Xander sa kaniyang ina na napatigil sa pag-inom ng tubig nang marinig ang mga salitang iyon sa kaniya.
“Diyan, diyan lang. Teka nga, bakit parang iniimbestigahan ninyo ako? Matanda na ako at ako ang masusunod sa buhay ko ha. Hindi porket kayo na ang nagtatrabaho ngayon eh mamanduhan ninyo ako. Tumigil kayong dalawa diyan at magkakagulo talaga tayo rito,” galit na wika naman ng ale sa kaniyang mga anak.
Nang gabi na iyon, nag-usap ang magkapatid na sundan ang ina kinabukasan dahil wala naman silang pasok. Panigurado kasi na aalis na naman ito dahil araw-araw naman niya itong ginagawa.
Kinabukasan, nagpaalam ang dalawa na mayroon silang kani-kaniyang lakad. Sakto naman at aalis din daw ang kanilang ina. Nagkasundo ang magkapatid na magkita sa kanto kapag nakita nilang lumabas na ng kanilang bahay ang ina.
Pagpatak ng hapon, nakita nilang todo ayos ang kanilang ina. Ang ikli pa ng suot nito at hapit ang kamiseta. Naka-postura rin ang ina na kanilang pinagtataka dahil hindi naman ganoong klase ang kanilang ina.
Napatigil sila sa pagsunod sa ina nang makita na pumasok ito sa isang gusali. Sinundan nila ito hanggang sa marating nila ang silid kung saan pumasok ang ina. Nang kanilang tanungin sa taong naroon, regular daw na pumupunta roon si Aling Marina… upang maging malusog ang kaniyang pangangatawan. Si Aling Marina pala ay araw-araw na nagzu-Zumba tuwing hapon!
Halos matawa sa kanilang mga sarili ang dalawa at hinintay na matapos ang ina. Paglabas nito ay muli nilang sinundan ang ale. Bumili ito ng bulaklak at prutas sa palengke at saka diretsong nagtungo sa sementeryo kung saan nakalibing ang kanilang ama.
Lubos na naawa ang magkapatid sa ina at pinagsisisihan kung paano nila hinusgahan ang sariling nanay. Pagkauwi ni Marina sa bahay, nagulat siya nang makita na malinis ang bahay at nagluluto ang kaniyang mga anak sa kusina.
“Oh, anong meron? Himala ata at nagluto kayo!” nagtatakang wika ng ina sa kaniyang mga anak.
“Wala po, ‘ma. Gusto ka lang namin mapasalamatan at mailibre ng isang araw na hindi ka mapapagod sa amin ni kuya,” tugon naman ng kaniyang bunsong anak.
Natuwa si Aling Marina sa ikinilos ng magkapatid at kumain nang masaya at payapa ang buong pamilya. Naisip ng magkapatid na baka nangungulila na sa pagmamahal ang kanilang ina kung kaya’t nararapat lamang na ituring nila itong espesyal dahil nag-iisa na lamang ito na kanilang magulang.

