
Malambot ang Puso ng Dalaga sa mga Bata; Isang Mapait na Karanasan Pala ang Dahilan Niyon
“’Nay Feliz! Pakiayos nga ho muna iyong mga pinamili ko, salamat ho!” sabi ni Geneva habang hawak sa isang kamay ang isang gusgusing bata na tahimik na umiiyak.
“Oh, sino na naman iyang kasama mo? Napaano ‘yan, ‘nak?” nag-aalalang tanong ng kasambahay. Anak ang turing niya sa among si Geneva at tila ba parang ina na rin ang turing nito sa kaniya kahit ‘di sila magkadugo.
“Ewan ko nga ho at nakita ko lang sa daan na nakaupo sa isang gilid at umiiyak. Maga ang mukha, mukhang sinuntok eh. Kawawa naman yung bata kaya’t dinala ko dito upang bigyan ng first-aid at pakainin,” sagot naman nito.
Napabuntong-hininga na lang si Feliz at napakunot ang noo sa pag-aalala. Likas talaga na malambot ang puso ni Geneva sa mga bata kaya sanay na siya na laging may bitbit itong batang kalye upang paliguan at pakainin. Ngunit ilang beses na rin itong napahamak dahil doon. Nitong nakaraan lang ay ninakawan ito ng isang batang kinupkop sa kalye. Noon ay muntik na ring malagay sa panganib ang buhay nito dahil sa ginawang pagtulong sa isang dalagang inaapi.
Ang mga pangyayaring iyon sa nakaraan naman ang dahilan kung bakit naging matigas ang puso niya sa mga bata. Kaya tuwing nag-uuwi ito ng batang napulot sa kalye ay ‘di niya pigilang maging mapaghinala.
Si Geneva naman ay walang sinayang na sandali at inasikaso ang pampaligo ng bata. Nang makapagbihis ito ng malinis na damit ay doon nila mas nakita ang mga peklat, sugat, at mga pasa sa patpatin nitong katawan. Awang-awa si Geneva. Akala nila ay apat o limang taon lang ito dahil sa liit nito, ngunit iyon pala ay pitong taon na ito.
“Huwag niyo na po ako ibalik sa kalye, parang awa niyo na po. Pwede po akong maging tagatapon ng basura niyo, o kahit ano pong ipagawa niyo. Kahit doon na lang din po ako matulog sa tabi ng bahay ng aso basta huwag niyo lang po akong ibalik doon ulit,” naiiyak na sabi ni Bebe.
Agad naman itong inalo ni Geneva. Napagisip-isip niyang siguro ay panahon na rin para mag-ampon na siya. Madalas kasi ay inihahatid niya lang sa ampunan ang mga batang tinutulungan niya sa kalye. Nang sabihin niya ang desisyon kay Nanay Feliz ay nagulat siya sa disgusto nito.
“Pero Geneva! Hindi ka na ba nadala sa mga nangyari dati? Siguro naman ay sapat na na tulong iyang pagpapakain mo, bakit ba kailangan mo pang kupkupin?” nag-aalalang sabi ni Feliz.
Malungkot na ngiti lang ang sagot ni Geneva. Limang taon na silang magkasama ni Nanay Feliz ngunit ‘di niya pa naibabahagi dito ang isa sa mga mapapait na nangyari sa kaniya noon. Hinawakan niya ang kamay nito at nagsimulang ikwento ang kaniyang nakaraan. Lumaki siya sa isang broken family at mayroon siyang nakababatang kapatid. Sa sobrang pagkalulong ng kaniyang ama sa alak at bisyo ay pati ang kapatid niyang si Jacob ay ipinagbili nito. Ang pangyayaring iyon ang nagtulak sa kaniya upang lumayas sa poder ng ama at magsikap. Nang makaluwag sa buhay ay wala siyang ibang ginawa kundi hanapin ang kapatid.
“Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ho akong mahahanap ko si Jacob. Kaya tuwing nakakakita ako ng batang kalye, naaalala ko ang kapatid ko. Kung nasaan na ba siya, kumain na ba siya, o kung… kung buhay pa siya,” napahagulgol si Geneva. Wala namang nasabi si Feliz sa mga narinig. Inalo na lamang niya ang dalaga. Nang kumalma ito ay nagpaalam na papasok na sa trabaho.
Naiwan naman si Feliz kasama ang tahimik na bata. Pinaupo niya lang ito sa isang tabi ngunit panaka-nakang binabantayan ang kilos nito. Mukhang mabait naman ang bata at nagpresinta pang tumulong sa kaniya, na tinanggihan naman niya.
Nagulat siya nang sa kinahapunan ay may isang lalaki ang sakay ng isang puting van ang pumunta sa kanilang bahay at kinukuha ang bata.
“Ako ho ang tiyo ni Bebe. Kawawa nga ho iyan dahil ‘di tinatrato nang maayos ng ama. Sige ho, mauna na kami, salamat po sa pag-aaruga sa kaniya,” sabi ng lalaking nagpakilalang si Reynold. Nag-alangan naman si Feliz dahil mukhang takot dito si Bebe.
“Huwag kang mag-alala Bebe, hindi ka naman kita ihahatid sa papa mo. Pupunta tayo sa mama mo, halika dali,” sabi ni Reynold saka inakay na ang bata. Nagsuspetsa si Feliz sa mga pangyayari at naisip si Geneva. Alam niyang kung naroon ang dalaga ay hindi ito papayag na basta ibigay sa estranghero si Bebe. Alam niyang maaaring delikado ang mga pangyayari kaya’t nagkunwari siyang pupunta sa kusina upang ikuha ang mga ito ng inumin pero ang totoo, tatawag niya si Geneva at ipapaalam ang nangyayari. Mahigpit na tumanggi si Reynold na tila nagmamadali ngunit nagpumilit si Feliz.
Tinanong niya ito ng maraming tanong upang pigilan ang pag-alis nito. Hanggang sa tila ‘di na nakapagtimpi pa ang lalaki at naglabas ng armas at itinutok sa kaniya!
“Ang kulit mong matanda ka eh ‘no! Ano ha?!” napapikit at napadasal na lang si Feliz. Hindi niya akalaing ibubuwis niya ang buhay para sa isang batang ‘di niya kilala. Ang nasa isip niya lang ay si Geneva.
Nang mga sandalin iyon, nagulat siya nang makarinig ng putukan. Natumba siya sa sahig at matagal na ‘di nakagalaw dahil sa takot. Natauhan lang siya nang marinig ang boses ni Geneva. Nag-aalalang niyakap siya nito.
Mabuti at wala namang nasaktan maliban sa kr*minal na si Reynold. Parte pala ito ng isang malaking sindikato sa Maynila na gumagamit ng mga kabataan upang kumita ng pera. Isa si Bebe sa mga batang naging daan upang matunton nila ang mastermind sa likod ng operasyon.
Magkahalong pag-aalala at pasasalamat ang nadama ni Geneva.
“Bakit niyo po iyon ginawa?” tanong ng dalaga, alam niya namang ‘di malapit ang puso ng matanda sa mga bata.
“Alam mo ‘nak, kapag mahal natin ang isang tao, ang mahalaga sa kanila ay mahalaga na rin sa atin,” sabi ni Feliz. Naiiyak na yakap naman ang tugon ni Geneva. Isang mahalagang leksiyon iyon sa kaniya. Higit sa lahat, gumaan ang kaniyang puso sa isipin na hindi siya nag-iisa sa kaniyang paghahanap sa nawawalang kapatid.