Inday TrendingInday Trending
Lumipat ang Bagong Kasal sa Lumang Mansyong Ipinamana sa Lalaki; Magtagal Kaya Sila Rito Kung may Marinig Silang mga Yabag Tuwing Gabi?

Lumipat ang Bagong Kasal sa Lumang Mansyong Ipinamana sa Lalaki; Magtagal Kaya Sila Rito Kung may Marinig Silang mga Yabag Tuwing Gabi?

Hindi malaman ng bagong kasal na sina Martin at Andrea kung ano ang mararamdaman nang makita ang mala-mansyong bahay na ipinamana kay Martin ng kaniyang nasirang lolo, na isang haciendero.

Hindi maitatangging maganda naman ang bahay, lalo na ang pinaghalong konsepto ng makabago at sinaunang estilo, lalo na ang mga bintanang Capiz, subalit dahil matagal nang walang tumitira dito, hindi maiwasan ng bagong kasal na hindi makaramdam ng pag-aalangan. Parang nakakatakot kasi.

Lalo na nang pumasok sila sa loob nito. Lumangitngit ang malaking pinto. Nakatakip ng puting kumot ang mga babasaging muwebles, gayundin ang mga kasangkapang karamihan ay antigo na.

“M-Maganda naman ang bago nating titirhan Martin, kaya lang, parang medyo… nakakatakot?” pahayag ni Andrea sa kaniyang mister.

“Masasanay rin tayo. Sayang ang bahay na ito kung ipaparenta natin. Kabilin-bilinan ni Lolo Warlito sa kaniyang last will and testament na bawal na bawal itong ibenta. Kaysa naman sa bumili tayo ng bagong bahay, ipunin na lang natin, o kaya gamitin natin sa renobasyon ng mansyong ito,” tugon naman ni Martin.

Sumang-ayon naman si Andrea. Tama naman ito. Isa pa, balak nilang mag-ipon para kung sakaling magka-anak na sila, hindi na sila magkakaproblema sa mga gastusin sa panganganak, at iba pa nilang mga pangangailangan.

Kaya naman, matiyaga nilang ipinalinis ang naturang mansyon, at tumulong na rin sila upang makatipid-tipid. Makalipas lamang ang dalawang araw ay malinis na sa loob.

“Saka na lamang tayo bumili ng ibang mga gamit. Puwede pa namang magamit ang mga kasangkapang narito. Siguro bili na lang tayo ng refrigerator, kalan, microwave oven, washing machine, at iba pang mas kailangan,” mungkahi ni Martin.

Sa unang gabi ng kanilang pagtulog sa mansyong iyon, hindi makatulog si Andrea. Kahit na nasa loob sila ng kanilang kuwarto, pakiramdam niya ay may iba silang kasama sa bahay na iyon. Hindi niya mapigilang hindi pangalisagan ng mga balahibo, lalo na kapag nakikita niya ang luma at malaking kuwadro sa sala kung saan makikita ang pinta kay Lolo Warlito.

Makalipas ang tatlong araw, sa tuwing naiiwan si Andrea dahil kailangang magtrabaho ni Martin, nararamdaman ni Andrea na tila ba may nakatingin sa kaniya.

Tila may mga matang nagmamasid sa kaniya.

Tila may mga yabag siyang naririnig, lalo na sa may bandang kusina.

“Martin, honey, kumuha kaya tayo ng kasambahay? Para lang may makatuwang ako sa mga gawaing-bahay rito,” minsan ay mungkahi ni Andrea. Ang totoo, kayang-kaya naman niya ang mga gawaing-bahay. Gusto lamang niyang magkaroon ng kasama. Nahihiya naman siyang sabihin na para bang pinamumugaran ng kung anong elemento ang bahay na iyon.

“Wala tayong budget, honey. Pero sige gagawan natin ng paraan,” sagot naman ni Martin.

“Ako na’ng bahala. Kakausapin ko na lamang si Tiya Mameng na samahan ako rito.”

“Si Tiya Mameng? Yung naikuwento mong kaanak mo na may pagka-albularyo?”

“Oo siya nga. Kailangan daw niya ng trabaho eh. Siya na lang, at least kamag-anak ko pa.”

Pumayag naman si Martin. Nakahinga naman nang maluwag si Andrea. Ang totoo niyan, nais niyang ipasuri kay Tiya Mameng kung tama ba ang kaniyang haka-hakang may multong nananahan sa loob ng mansyon.

Hindi na siya nagulat sa mga sinabi ng kaniyang Tiya Mameng nang masilayan ang mansyon.

“Malakas ang bad vibes ko sa mansyon na ito, Andrea. May mga kasama kayong hindi nakikita. Kailangang mapaalis sila,” sabi sa kaniya ni Tiya Mameng habang nakatingin sila sa kabuuan ng mansyon.

“G-ganoon po ba? Tama nga ang hinala ko. Lagi kasi akong nakakarinig ng mga yabag ng paa, parang may naglalakad, sa bandang kusina. Pakiramdam ko rin, may mga matang nakatingin sa akin. Matutulungan mo ba ako Tiya Mameng na mapaalis sila?”

“Halika’t gagawin ko ang makakaya ko,” saad na lamang ni Tiya Mameng.

Inihanda na ni Tiya Mameng ang mga kinakailangan para sa orasyon ng pagpapaalis sa mga multo. Inilabas niya ang mga kandila, insenso, at isang libretang itim. Nagsimulang umusal ng dasal si Tiya Mameng. Nakaramdam na naman ng pagtayo ng kaniyang mga balahibo si Andrea.

Maya-maya, may nabasag na pinggan sa bandang kusina.

“Tiya Mameng…”

“Espiritu iyan… huwag kang lalapit…” at lalong nilakasan ni Tiya Mameng ang kaniyang pagdarasal ng orasyon habang nakapikit.

Mas narinig ni Andrea ang malakas na mga yabag, parang sa isang natatarantang tao, kaya naman naglakas-loob siyang magtungo sa kusina. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa kaniyang nakita.

“S-Sino ka? Anong ginagawa mo sa bahay namin?!”

Hindi isang multo o ano pa mang elemento ang nakita niya, kundi isang binatilyo, na nang makita siya ay nagtatatakbong papasok sa isang maliit na siwang na nasa bandang likuran ng kusina. Nilapitan niya ito. Ngayon lamang niya napansin na may nakatagong pinto rito. Nang buksan niya ito, nakita niyang lagusan ito, at may hagdanan pababa. Nakasunod na pala sa kaniya si Tiya Mameng.

“May basement pala ang bahay na ito. Alam ba ito ni Martin?” usisa ni Tiya Mameng.

Hindi na sumagot pa si Andrea. Lakas-loob siyang bumaba. Umingit ang lumang hagdanang gawa sa kahoy at lawanit pababa.

Pagdating sa ibaba, tumambad sa kaniya ang malaking basement na may mga gamit. Gulat na gulat ang binatilyong nakita niya. May kasama siyang matandang lalaki.

“Ano’ng ginagawa ninyo rito?” gulat na gulat na tanong ni Andrea.

“M-Ma’am, hayaan po ninyo kaming magpaliwanag…” naiiyak na pakiusap ng binatilyo.

Ipinaliwanag ng binatilyo na noong abandonado pa ang naturang bahay, minabuti nilang tirhan muna ito. Dati pala silang mga palaboy-laboy. Nang dumating sina Martin at Andrea, minabuti ng mag-lolo na magtago sa ilalim ng basement. Sila pa ang naririnig ng mag-asawa na palakad-lakad tuwing gabi.

Nang dumating si Martin, agad niyang ipinakilala ang mag-lolo. Ipinaliwanag ni Andrea ang sitwasyon. Mabuti na lamang at hindi nagalit si Martin; bagkus, pumayag pa itong manatili ang mag-lolo sa kanilang poder, hindi na sa basement, kundi sa isa sa mga silid na naroon.

Bukod doon, hinayaan din nila ang mag-lolo na magsilbi sa kanilang bahay bilang hardinero at utusan, upang matustusan ang kanilang pangangailangan, at makapag-aral ang binatilyo, na nagnanais daw na matapos ang kaniyang hayskul.

Advertisement