
Hinusgahan at Siniraan ng Magkapatid ang Kanilang Kuya na May Kinakasamang Dalawang Babae sa Iisang Bubong; Tameme Sila sa Katotohanang Sasambulat sa Kanila
“Nasisiraan na yata ng ulo ‘yang si Kuya Gelo, eh!” inis na sabi ng kapatid na si Charina.
“Hindi na nahiya at talagang lantaran niyang ibinabalandra ang kabit na kasama ang tanga niyang asawa. Ano na lang ang sasabihin ng iba pa nating kamag-anak kapag nalaman ang kalokohang ginagawa niya?” mapapailing na wika naman ni Valerie na mas nakababatang kapatid.
Kalat na kalat na kasi ang pagkakaroon ng lalaki ng dalawang kinakasama na hindi matanggap ng kanyang mga kapatid. Tatlong taon nang nagsasama ang nakatatanda nilang kapatid na si Gelo at ang asawa nitong si Rudelyn. Kahit ‘di nakatapos sa pag-aaral ang lalaki ay masipag naman ito kaya nakapagpundar ng negosyong bigasan at nakabili ng lupang sakahan at taniman ng mga gulay. Mabait si Gelo at mapagbigay sa kanyang mga kapatid at kaanak. Mula nang pumanaw ang kanilang mga magulang ay ito na ang naging sandalan nila kapag kinakapos sila sa pera. Habang ang misis naman nito ay huwaran at maasikasong maybahay, ngunit nawala ang respeto ng mga kapatid nang may malaman ang mga ito tungkol sa lalaki. Biglang naging tampulan ng tsismis ng mga ito si Gelo at ang asawa na maging sa ibang tao ay ipinagkakalat nila.
“Ano? May ibang babae si Gelo?!” gulat na tanong ng kapitbahay nilang si Manang Cely.
“Oo, ang matindi pa ay parang walang pakialam ang hipag kong hilaw. Ikinuwento nga sa akin ni Ate Charina na kadalasan, eh, sabay pang namamalengke si Rudelyn at ang kabit ni kuya. Teka, N-Nikita, Nikita ang pangalan nung babae, eh. Sinasamahan pa ng g*go naming kapatid ang dalawang hitad. Minsan pa ay nakita ko silang magkakasamang naglalakad pauwi na magkakahawak pa ng kamay, sinabi ko nga kay ate kaya ayun, nanggagalaiti sa galit dahil kukuha na lang ng kabit, eh menor de edad pa! Itong g*ga kong hipag ay pumayag naman na magkakasama sila sa iisang bubong!” sumbong ni Valerie sa tsismosang matanda.
Iiling-iling si Manang Cely. “Grabe naman ang kapatid niyo! Puwede ninyong isumbong ‘yan kay Raffy Tulfo! Aba, napaka-imoral ng ginagawa nila! Akala ko sa KMJS ko lang napapanood ang mga gan’yan, ‘yon pala sa pamilya ninyo ay nangyayari ang gan’yang kabab*yan! At Nikita pa ang pangalan nung kabet, huh! Pangalan pa lang pang pokp*k na!”
“Ewan ko ba, bigla na lang sumulpot ang babaeng ‘yon. Ang pakilala sa amin ay pinsan ng aking hipag na naulila na raw kaya kinupkop nilang mag-asawa. Pero iba ang ang nakikita namin ni ate, masyado silang close na tatlo lalung-lalo na ang many*k naming kapatid at ang kabit na ‘yon!” sabi pa ni Venus.
“Kawawa naman iyang si Rudelyn. Siguro ay ganoon kamahal ang mister. Wala na lang nagawa kaya pumayag na may kahati,” wika pa ni Manang Cely.
“’Di ko alam kung ano’ng ipinakain ng babaeng ‘yon sa tatanga-tanga kong hipag. Ito namang kapatid namin walang konsensiya! Sa bahay pa nilang mag-asawa pinatira ang malanding babae niya. Sa tingin nga namin, eh hindi ‘yan ang unang beses na nambabae siya. Napagod na ang misis kaya ayun nakisakay na lang sa agos ng kamunduhan niya,” saad pa ni Valerie na panay ang paninira sa sariling kapatid.
“Diyos na mahabagin talaga! Nakakadiri, ang hal*y!” tugon ni Manang Cely na medyo napalakas pa ang boses na walang pakialam kung may iba pang makarinig.
Hanggang isang araw ay nabalitaan ng magkapatid na isinugod sa pagamutan si Gelo at ikinagulat nila na mayroon itong malubhang karamdaman. Imbes na kaawaan ay sinisi pa ito ng mga kapatid at pinandirihan. Sa isip nila ay iyon na ang karma nito sa kabab*yang ginagawa. Mas gusto nga nila na mamat*y na ang kuya nila para sa kanila ipamana ang negosyo nitong bigasan at malaking ektarya ng lupang sakahan at taniman ng gulay. Sa kanila lang naman daw dapat mapunta iyon dahil sila ang kadugo nito.
Sa ilang araw na nanatili sa pagamutan si Gelo ay ang asawa nitong si Rudelyn at si Nikita ang kasama nito. Pinagtutulungan ng dalawang babae na alagaan ang lalaki. Samantalang ang mga kapatid ay hindi man lang nagawang dumalaw. Itinakwil na nila ito dahil sa sobrang kahihiyang ibinigay sa kanilang pamilya.
Sa bahay ng magkapatid ay nagtsitsismisan pa rin ang dalawa tungkol sa nangyari sa kuya nila.
“Ayan ang napala ni kuya! Ang tindi ng karma ‘di ba? Iyan ang kabayaran sa kahihiyang ginawa niya sa atin,” natatawang sabi ni Charina.
“Sinabi mo pa, ate. Masuwerte pa nga siya at hindi siya iniiwan ni Rudelyn kahit nagkasakit siya. Kung ako ‘yan iiwan ko iyan, magsama na sila nung kabit niya!” segunda pa ni Valerie.
“Ang kapal din ng mukha nung babae, nagkasakit na nga si kuya ay nagsusumiksik pa rin doon. Akala niya siguro kapag namat*y si kuya ay may mapapala siya,” hirit pa ni Charina.
Makalipas ang ilang linggo ay hindi na kinaya pa ni Gelo ang karamdaman at binawian na ito ng buhay. Nagdiwang ang mga kapatid niya sa kanyang pagkawala. Sa wakas ay sa kanila na mapupunta ang bigasan at lupain nito. Agad silang pumunta sa libing ng kapatid at kunwaring nakikiramay. Isinama nila roon ang kapitbahay nilang si Manang Cely na nakikiusyoso rin. Napansin nila na panay ang pagtangis ng dalawang babaeng naiwan ng lalaki sa harap ng kabaong nito. Gusto na lamang matawa ng magkapatid at ni Manang Cely sa dramang iyon ng “mistress at ng legal wife”. Kinausap pa nila ng palihim si Rudelyn nang mapansin nilang nag-iisa na itong nakaupo at hindi kasama si Nikita.
“Nakikiramay kami, Rudelyn. Kawawa naman si kuya, maagang pumanaw. Sana kasi ay hindi na nagloko at kumabit sa iba para hindi ‘yan nangyari sa kanya. Mabuti na lang at hindi mo siya iniwan kahit pa alam mong may babae siya at kasama niyo pa sa bahay,” wika ni Charina.
“Oo nga, hipag. Kung ako sa iyo palayasin mo na ang Nikitang ‘yan ngayong wala na si kuya, huwag mong hayaan na tumira pa siya rito,” sabad ni Valerie.
Napatitig sa dalawa ang babae. Dahil nagluluksa ay mas minabuti nitong manahimik na lang para sa namayapang asawa.
Hanggang sa sumapit ang araw ng libing. Present pa rin ang magkapatid na Charina at Valerie pati na rin si Manang Cely na nagyaya pa ng iba pang tsismosa sa paghatid kay Gelo sa huling hantungan. Sinabi ng pari na magbebendisyon na maaaring magbigay ng huling mensahe ang asawa ng namayapa. Nang marinig iyon ng magkapatid at mga tsismosa nilang kapitbahay ay agad na nagbulungan ang mga ito. Sino kaya sa dalawang babae ni Gelo ang magsasalita? Ang tunay na asawa o ang kabit? Baka magsabunutan pa ang dalawa kung sino ang mauunang magbigay ng mensahe. Ngunit si Rudelyn ang tumayo sa harap at nagsalita.
“Magandang araw po. Nagpapasalamat po ako sa inyong lahat na dumalo at nakiramay sa paglisan ng aking pinakamamahal na asawa,” bungad ng babae.
Sa litanya pa lang ni Rudelyn ay gusto nang humagalpak ng tawa ng magkapatid na Charina at Valerie. Sa isip nila ay bulag na talaga sa pagmamahal ang babae dahil nagawa nitong sikmurain ang pangangabit ng kapatid nila sa iba.
“B-bago po ang lahat, may nais lang po akong sabihin sa inyo, lalung-lalo na po sa pamilya ng aking asawa. Alam niyo po nung una pa lang ay mahal ko na talaga si Gelo. Siya ang nag-iisang lalaking inibig ko sa aking buhay. Siya rin ang first boyfriend ko kaya nga nang malaman kong may pagtingin din siya sa akin ay laking tuwa ko. Ngunit mayroon akong hindi sinabi sa inyo na gusto kong ipagtapat ngayon. B-bago ko siya nakilala ay naging b-biktima ako ng karah*san. Pinagsamant*lahan ako ng ‘di kilalang lalaki noong disi-otso anyos lamang ako at n-nagbunga ang kahay*pang iyon. Kahit alam ni Gelo na may anak na ako at hindi na birhen ay tinanggap at minahal niya pa rin ako sa kabila ng madilim kong nakaraan. Minahal niya at itinuring na tunay na anak ang aking anak, at siya ay walang iba kundi si Nikita,” bunyag ng babae.
Lahat ay napanganga sa isiniwalat ni Rudelyn. Pati ang magkapatid na Charina at Valerie ay halos atakehin sa puso sa katotohanang sumambulat sa mga mukha nila. Maging si Manang Cely at mga tsismosang kapitbahay ay natulala.
“Hindi lumaki sa akin si Nikita. Pinalaki siya ng aking mga magulang sa probinsya ngunit nang malaman ni Gelo ang tungkol sa kanya ay sa amin niya ito pinatira. Binihisan, pinakain, pinag-aaral niya ang anak ko kahit hindi niya ito kadugo. Hindi naman lingid sa kanya ang naririnig niyang mga tsismis at panghuhusga ng ibang tao at ng sarili niyang pamilya na may iba siyang babae na pinatuloy sa bahay namin na ang totoo ay ang aking anak na kinupkop niya’t minahal na parang dugo’t laman niya. Tiniis niya lahat para protektahan kami ng aking anak dahil kapag nalaman ng pamilya niya na isang disgrasyadang babae ang napangasawa niya ay baka apihin kami at palayasin. Sabi niya’y mas mabuting siya na lang ang maging masama sa paningin ng iba. Matagal ko nang gustong ibunyag ang totoo tungkol sa amin ni Nikita ngunit palagi niya akong pinipigilan. Napakabuting tao ni Gelo, hanggang sa magkasakit siya at bawian ng buhay ay kapakanan pa rin naming mag-ina ang iniisip niya,” sabi pa ni Rudelyn na hindi na napigilang mapahagulgol.
Napa-iyak na rin si Nikita sa sinabi ng ina at lumapit dito.
“Totoo po ang lahat ng sinabi ni mama. Nagpapasalamat po ako kay Tito Gelo dahil sa kabila ng lahat ay itinuring niya akong tunay na anak. Mahal na mahal ko po si tito,” anito na halos maglupasay na rin sa kakaiyak.
Bumuhos ang luha sa libing ni Gelo. Hiyang-hiya ang magkapatid na Charina at Valerie na hindi na matingnan ang mag-ina. Sising-sisi naman si Manang Cely at iba pang kapitbahay sa lahat ng sinabi nila kay Gelo. Humingi sila ng tawad sa mga paninira nila at umusal ng panalangin para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng lalaki.
Bukod sa kahihiyan ay napa-iyak din sa sobrang panghihinayang ang magkapatid nang malamang hindi sa kanila ipinamana ng kanilang kuya ang bigasan at lupain nito. Iniwan ni Gelo ang lahat ng pinaghirapan sa mag-inang Rudelyn at Nikita na mas nag-ukol ng malasakit at pagmamahal sa lalaki noong nabubuhay pa ito kumpara sa sariling pamilya na nagawa pa itong siraan sa ibang tao at husgahan kaysa inalam ang totoo.