Kinupit at Ipinang-Gimik ng Binatilyo ang Perang Gagamitin Sana sa Pagpapa-Check Up ng Kaniyang Ina; Kapahamakan Pala ang Idudulot N’on sa Kanila
Gustong-gustong sumama ng binatilyong si Philip sa gimik ng kanilang barkadahan, ngunit hindi niya alam kung saan siya kukuha ng perang ipang-aambag sa mga ito. Ang usapan pa naman ay magkakaniya-kaniya silang dala ng pagkain, bukod sa perang ambagan para sa pag-aarkila nila ng isang pribadong swimming pool.
“Anak, maghugas ka na ng plato. Hindi ko kayang kumilos ngayon dahil ilang araw nang masama ang pakiramdam ko,” utos ng ina ni Philip matapos nilang mananghalian nang araw na ’yon.
“Ano ba ’yan!” kakamot-kamot sa ulong tugon naman niya bago padabog na sinunod ang inang bagaman hindi na nagsalita sa iniakto niya ay napailing na lamang.
Problemado ang binatilyo kaya naman ganoon na lang ang pagkaburyong niya nang utusan siya ng ina. Lalo pa at hindi siya binigyan nito kanina nang subukan niyang manghingi ng pera. Sabi kasi nito ay nag-iipon daw siya ng pampa-check up dahil talagang iba na ang nararamdaman nito. Ngunit tila hindi iyon pumapasok sa utak ng binatilyo. Ang nasa isip niya lang ay pinagdamutan siya ng ina!
Buong maghapong nakasimangot si Philip. Kada utos ng kaniyang ina ay inaangilan at pinagdadabugan niya ito, kaya naman nang mapuno ito’y nakatikim na siya ng matinding sermon. Ngunit ang walang kadalaang binatilyo ay nagkulong pa sa kaniyang kwarto at hindi kumain ng hapunan! Magdamag siyang nagmukmok dahil sa sobrang inis.
Dahil doon, isang masamang ideya ang nabuo sa kaniyang isip. Hinintay niyang sumapit ang hating-gabi upang masigurong nahihimbing na sa pagtulog ang kaniyang ina. Pagkatapos ay tahimik siyang pumasok sa silid nito at nagtungo sa lagayan nito ng pera… kinupit niya ang pampa-check up na gagamitin sana nito bukas!
Hanap nang hanap si Aling Merida sa kaniyang pera, ngunit talagang wala nang laman ang kaniyang pitaka nang siya ay magising nang umagang iyon. Alam niyang si Philip ang kumuha n’on, ngunit pilit namang itinatanggi iyon ng kaniyang anak. Halos manlumo pa ang ginang dahil ang perang ilang linggo rin niyang pinakatatago ay nawala. Hindi tuloy siya makapagpapa-check up sa doktor, bagkus ay kumonsulta na lamang siya sa clinic sa kanilang barangay na nang mga panahong iyon ay walang nakatokang doktor, dahil ito ay nakabakasyon.
Ilang araw pa ang lumipas at sumapit na ang araw ng gimik nina Philip. Tuwang-tuwa siya dahil talagang may pang-ambag na siya sa kanilang swimming. Masayang-masaya siya dahil sa wakas ay nasunod din ang kaniyang gusto! Akala niya ay hindi na matutuloy ito.
Sinulit ni Philip ang araw na ’yon. Nagpakasasa siya sa perang kaniyang kinupit sa ina at nagpakasaya, kasama ang kaniyang mga kabarkada. Hapon na nang siya ay umuwi sa kanilang bahay… ngunit gano’n na lang ang kaniyang pagtataka nang maabutang nagkakagulo ang kanilang mga kapitbahay sa tapat ng kanilang bakuran…
“Aling Delia, ano hong meron?” tanong ni Philip sa isa sa kanilang mga kapitbahay na naroon at nakikipag-usap.
“Naku, Philip, saan ka ba nanggaling na bata ka?! Bakit iniwan mong mag-isa ang mama mo? Masama na pala ang pakiramdam n’on!” tila tarantang tanong naman nito kaya naman nag-umpisang kumabog ang dibdib ni Philip.
“B-bakit ho, Aling Delia? A-ano ho ba ang nangyari kay mama?” kabadong tanong niya ulit sa ginang.
“Hayun siya at isinugod sa ospital! Mabuti na lang at nakita no’ng nagde-deliver ng tubig sa inyo ang mama mo na nakahandusay sa may pintuan at nadala agad siya sa ospital! Na-mild stroke daw ang mama mo!” balita naman ni Aling Delia na noon ay nakapagpabagsak naman sa balikat ni Philip!
Dali-dali siyang nagtatakbo papasok sa kanilang bahay upang iwan ang kaniyang gamit. Dumiretso siya sa sakayan ng jeep at agad na nagtungo sa ospital kung nasaan ang kaniyang ina! Umiiyak si Philip. Hindi niya alam ang gagawin niya! Alam niyang kasalanan niya ang nangyari kaya naman takot na takot siya!
“M-mama!” Napaluhod si Philip nang makita ang kaniyang mama na nakahiga sa isang hospital bed. Naroon na rin ang kaniyang tiyahin at lola na nagbabantay dito.
“Mama, sorry po!” umiiyak na sambit ni Philip. Hindi niya maatim na tingnan ang ina sa hitsura nito ngayon, bagaman kahit papaano ay bumuti na ang kalagayan nito. Paralisado ang kalahati ng katawan nito at hindi makapagsalita nang tuwid.
Pinagsisihan ni Philip ang kaniyang ginawa. Bumawi siya sa ina. Inalagaan niya ito nang mabuti hanggang sa muling manumbalik ang lakas nito. Napagtanto kasi ni Philip na walang papantay sa sayang kayang ibigay sa kaniya ng kaniyang ina. Mula noon ay palagi nang inuuna ni Philip ang kaniyang pamilya kaysa sa kaniyang mga kabarkada. Nangako rin siya na hindi na uulitin pa ang ginawang kasalanang muntik nang magpahamak sa buhay ng kaniyang mama.