Inday TrendingInday Trending
Siniraan ng Babaeng Ito sa Kaniyang Nobyo ang Kaniyang Kaibigan sa Takot na Baka Maagawan Siya; Mas Malaki pala ang Mawawala sa Kaniya dahil Doon

Siniraan ng Babaeng Ito sa Kaniyang Nobyo ang Kaniyang Kaibigan sa Takot na Baka Maagawan Siya; Mas Malaki pala ang Mawawala sa Kaniya dahil Doon

Ikaapat na anibersaryo na nina Kelcee at ng kaniyang nobyong si Dean. Naglalakad ang dalawa sa isang food park kung saan nila napiling maglaan ng oras para sa isa’t isa, nang hindi inaasahan ay namataan niyang naroon din ang kaniyang mga kaibigang sina Myla at Ara, kasama ang isa pa nilang kaibigang si Lorelei na hindi niya inaasahang nakabalik na pala ng bansa.

Akmang aayain sana ni Kelcee ang nobyo sa kabilang direksyon upang iwasan ang mga kaibigan, ngunit huli na ang lahat dahil namataan na rin sila ni Dean at ito pa mismo ang unang bumati sa kaniyang mga kaibigan.

“Myra, Ara!” tawag nito sa pangalan ng dalawa na agad namang kumaway sa kanila nang malingunan sila ng mga ito.

“Oy, Kelcee, Dean, nandito rin pala kayo!” nakangiting ani Myla sa kanila nang makalapit ang mga ito sa kanilang pwesto.

“Oo, anniversary kasi namin, e,” nakangiting sagot naman ni Dean sabay akbay sa kaniya.

“Teka, boyfriend mo siya, Kelcee?” Biglang sumingit si Lorelei sa usapan. Alinlangan namang tumango si Kelcee.

“O-oo, Kelcee… maiba ako, nakabalik ka na pala,” tangkang pag-iiba naman niya sa kanilang paksa dahil hindi siya kumportable sa klase ng tinging ipinupukol ni Dean sa kaibigan niyang si Lorelei.

“Kararating ko lang kahapon. Sinundo lang talaga ako ng dalawang ’to dahil na-miss daw nila ako. Akala ko nga, kasama ka, e. Na-miss ko pa naman kayong tatlo—pero mukhang valid naman ang dahilan ng hindi mo pagpunta. May boyfriend ka na pala, ha?” Makahulugan siyang tiningnan ni Lorelei matapos nitong sabihin ’yon, nanunukso. Bukod tangi kasing ito lang ang hindi nakakaalam na may nobyo na siya.

“N-naku, oo. Apat na taon na kami ngayon. Hindi ko ba nasabi sa ’yo?” pagmamaang-maangan pa ni Kelcee.

“Hindi, e… pero p’wede mo naman kaming ipakilala sa isa’t isa ngayon. Aba, gusto ko ring makilala ang bumihag sa puso ng kaibigan kong pihikan, ano!” sabi pa nito, kaya naman kahit ayaw niya ay napilitan siyang ipakilala sa isa’t isa sina Dean at Lorelei, pagkatapos ay nagmamadali na niyang hinila si Dean palayo sa mga ito.

Ang totoo ay sinadya niya talagang hindi ipakilala ang nobyo sa kaibigang si Lorelei sa loob ng apat na taon dahil sa takot na baka matulad lang ito sa mga lalaking dati na niyang nagustuhan. Paano kasi, sa tuwing magkakagusto siya noon sa isang lalaki ay napupunta naman ang atensyon ng mga ito kay Lorelei. Si Lorelei na siyang mas maganda, mas matalino, mas mabait at ’di hamak na mas may sinabi sa buhay, kaysa sa kaniya. At ngayon ay binabagabag siya ng kaniyang isip. Paano kung dahil sa pagkikita nilang iyon kanina ay mahulog ang kaniyang nobyo kay Lorelei? Parang hindi niya yata kakayanin kung mangyayari ’yon.

Nag-isip si Kelcee. Hindi nagtagal ay nakabuo siya ng isang masamang ideya upang hindi mangyari ang kinatatakutan niya. Nang sumunod na pagkikita nila ng nobyo ay siniraan niya si Lorelei kay Dean. Nag-imbento siya ng mga bagay na hindi naman totoo upang mapaniwala ang kaniyang nobyo na masamang tao si Lorelei at hindi niya dapat ito pagkatiwalaan.

Naging payapa naman ang kaniyang damdamin matapos iyon, lalo na nang makita niyang naniniwala talaga sa mga sinabi niya si Dean. Ngayon ay wala na siyang dapat ipag-alala dahil sa mga mata nito, si Lorelei ay isang hamak na bayarang babae sa ibang bansa, na bagaman may pinag-aralan ay mas piniling magpakababa para lang sa pera. Iyon ang mga bagay na itinanim niya sa utak ng nobyo.

Ngunit hindi nagtagal ang panloloko niyang ito, dahil walang lihim na hindi nabubunyag. Isang araw, nagulat na lang si Kelcee nang bigla siyang akusahan ni Dean bilang isang sinungaling! Nalaman kasi nito na si Lorelei pala ay isang sikat na modelo sa ibang bansa, na kilala rin dahil sa kaniyang iba’t ibang proyektong tungkol sa pagtulong sa mga naghihirap na mamamayan sa Pinas! Nabalita kasi sa telebisyon na isa si Lorelei sa mga personalidad na may pinakamaraming charity works, kaya naman dahil doon ay nalaman ni Dean ang totoo.

“Nagsinungaling ka sa akin dahil iniisip mong lolokohin kita kapag nakilala ko si Lorelei? Ganoon ba kababaw ang tingin mo sa pagmamahal ko sa ’yo? Kung gano’n lang din naman, maghiwalay na muna tayo.”

Halos hindi malaman ni Kelcee ang gagawin, ngunit wala siyang nagawa nang talikuran siya ni Dean. Talagang nasaktan ito sa ginawa niya, bukod pa sa talagang nadismaya ito sa ugaling ipinakita niya. Sising-sisi naman si Kelcee sa kaniyang nagawa. Alam niyang nagkamali siya. Nagpadala siya sa matinding insekyuridad. Tuloy, imbes na mapabuti ang kanilang relasyon ay lalo iyong nawala.

Mabuti na lamang at talaga palang mahal siya ni Dean. Kalaunan ay hindi rin siya natiis nito, bagaman hiniling nito na humingi siya ng tawad kay Lorelei na agad naman niyang ginawa. Pagkatapos ay nangako siya sa kanila na kailan man ay hindi na ulit siya magpapadala sa walang kwentang pagseselos at labis na insekyuridad.

Advertisement