Hindi Niya Kayang Ibigay ang Nais ng Asawa; Tama ba ang Desisyon Niyang Iwan Ito at Ipaubaya na Lang sa Iba?

“Tingnan mo ang asawa mo. Nakakatuwa, hindi ba? Napakahilig talaga niyan sa bata!”

Naiilang na ngumiti si Nelly sa pahayag ng kaniyang biyenan. Tinanaw niya ang asawa na abala sa pakikipaglaro sa pamangkin nito.

“Ang saya siguro kung magkaroon kayo ng sariling anak, ano? Sigurado akong magiging mabuting ama si Manuel,” segunda naman ng hipag niyang si Jennifer.

Hindi siya umimik. Nahuhulaan niya na kasi kung saan papunta ang usapan at kung ano ang susunod nitong itatanong sa kaniya. Isang tanong na pilit niyang iniiwasan dahil hindi niya kayang sagutin.

“Kailan niyo ba balak magkaroon ng anak? Tatlong taon na rin kayong kasal, pero hanggang ngayon, hindi pa rin kayo nakakabuo,” ani Jennifer.

“Gusto mo bang samahan kitang magpacheck-up? May kakilala akong magaling na doktor,” alok pa nito. 

“‘Wag na po. Hindi na po kailangan!” tarantang pigil niya rito.

Mabuti na lamang at mukhang napansin ng asawa niya na hindi siya komportable sa usapan kaya agad itong lumapit sa kanila para mag-usisa. Bumakas ang pagkadismaya sa mukha nito nang malaman ang pinag-uusapan nila.

Advertisement

“Sabi ko naman sa inyo, ‘wag niyo nang kulitin ang asawa ko tungkol dito. Problema na naming mag-asawa ‘to, ‘Ma,” marahang saway nito sa ina. 

“Pasensya na, Nelly,” wika ng biyenan niya nang balingan siya nito.

“Magpapahinga na muna po ako,” matamlay na paalam niya sa mga ito bago siya dali-daling umalis.

Hindi niya kasi maiwasang masaktan kapag naalala niya ang isang masakit na katotohanan. Dalawang taon na ang nakalipas simula noong malaman niya na hindi siya maaaring magkaroon ng anak kahit na kailan. Kahit na gustuhin niya ay hindi pwede at kung ipipilit niya ay malalagay lamang sa alanganin ang buhay niya.

Sila lamang mag-asawa ang nakakaalam ng lihim na iyon. Dahil sa pangyayaring iyon ay mas lalo lamang tumibay ang desisyon ni Nelly.

Nang gabing iyon ay inabot niya kay Manuel ang mga dokumentong matagal niya nang inihanda. Ngayon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na ibigay rito ang mga dokumentong nagsasabi na nais niya nang makipaghiwalay sa asawa.

“Para saan ‘to? Hindi ‘to magandang biro, Nelly! Anong kalokohan ‘to?” nanlalaki ang matang bulalas nito nang mabasa ang mga dokumento. Bakas sa mata nito ang matinding pagkalito. 

Unti-unting namasa ang mga mata ni Nelly. Mahal na mahal niya ang asawa ngunit dahil hindi niya kayang ibigay ang pangarap nito na magkaanak ay nais niyang makahanap ito ng babaeng tutupad sa pangarap nito. 

Advertisement

“Hindi ko kayang ibigay ang gusto mo, Manuel. Habang hindi pa huli ang lahat, gusto kong makahanap ka ng babaeng papalit sa akin,” lumuluhang paliwanag niya sa asawa.

“Hindi ko kailangan ng anak, Nelly. Pwede naman na tayo lang… Ikaw ang pinakamahalaga sa akin, wala nang iba,” madamdamin nitong saad.

Isang malungkot na ngiti ang pumaskil sa kaniyang labi. Kilala niya si Manuel. Magsisinungaling ito para hindi siya masaktan. Ngunit alam na alam niya ang nilalaman ng puso nito. Alam niya na nais nito na magkaroon ng anak.

Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ng lalaki.

“Sinasabi mo lang ‘yan para hindi ako masaktan, pero hindi mo kailangang gawin ‘yan. Pakiusap, pirmahan mo na lang ‘yan. Gusto ko na sumaya ka sa pamilyang hangad mo.”

Hinubad niya ang singsing na minsang naging simbolo ng kanilang pagmamahalan, isang tanda na buo na ang kaniyang desisyon. Ayaw niya kasi na dumating pa ang panahon na makarinig siya ng mga masasakit na salita mula kay Manuel. Kaya naman inunahan niya na ito.

Durog na durog man ang puso niya habang halos magmakaawa ito na manatili siya ay nagdesisyon siyang umalis at magtungo sa probinsya habang hinihintay niya na pirmahan nito ang mga papeles.

Kinuha na niya ang pagkakataon para pag-isipan ang mga nangyari at timbangin kung tama ba ang kaniyang naging desisyon.

Advertisement

Sa kaniyang pamamalagi sa bahay-bakasyunan at marami siyang nakilala. Ang dalawa sa mga iyon ay ang mag-asawang Lolo Goryo at Lola Belinda, na kalaunan ay naging malapit na sa kaniya. Parati kasing siya ang kumukuha ng litrato na pinapadala ng mag-asawa sa mga naiwan nilang pamilya sa Maynila.

“Ikaw lang ba mag-isa dito, Nelly? Parang hindi ko yata nakikita ang pamilya mo?” isang umaga ay usisa ni Lolo Goryo habang nag-aalmusal sila.

“Wala ka bang kasintahan? Asawa?” dagdag tanong naman ni Lola Belinda.

Naiilang siyang ngumiti. Hindi pa naman sila opisyal na hiwalay ni Manuel kaya tumango siya.

“Mayroon ho akong asawa, kaso ay mukhang malapit na rin pong magwakas ang relasyon namin. Mukhang hindi po lahat ng mag-asawa ay kayang tumanda nang magkasama gaya n’yo,” malungkot na turan niya. 

Dahil na rin sa udyok ng mabait na mag-asawa ay naikwento niya ang pinagdaraanan niyang suliranin.

“Mabuti pa ho kayo at hanggang ngayon ay magkasama pa rin. Ano ho ba ang dapat kong gawin? Mahal ko si Manuel, pero hindi ko kayang ibigay ang gusto niya,” umiiyak niyang paghingi ng payo sa mag-asawa. 

“Hija, ito lang ang itatanong ko sa’yo—noong umalis ka at iniwan mo si Manuel, mukha ba siyang masaya?” seryosong tanong ng matandang lalaki. 

Advertisement

Sandamukal na luha ang muling namalisbis sa pisngi ni Nelly nang maalala ang bigong mukha ng kaniyang asawa habang nagmamakaawa na manatili siya.

Umiling siya. “Hindi po.”

Ngumiti si Lolo Goryo. “Ibig sabihin, walang naging masaya sa desisyon mo. Malungkot ang asawa mo, habang ikaw naman, nag-iiiyak dito. Ito ang lagi mong tatandaan: kapag mahal niyo ang isa’t isa, magiging kuntento na kayo at hindi niyo mararamdaman na may kulang sa pagsasama niyo,” paliwanag nito habang mahigpit ang kapit sa kamay ng asawa. 

“Hindi komplikado ang pagmamahal, hija. Tayo lang ang nagpapahirap sa ating mga sarili,” humahagikhik na dagdag pa ng matandang babae.

Sa sinabi ng mag-asawa ay labis siyang naliwanagan. Babalik siya sa Maynila. Babalik siya kay Manuel. Habang nag-eempake ng kaniyang mga gamit ay paulit-ulit siyang nagdarasal na sana ay hindi pa huli ang lahat, at sana ay muli siyang tanggapin ng asawa.

At natupad naman ang kaniyang munting panalangin.

Dahil hindi pa siya nakakaalis sa tinutuluyan ay isang pamilyar na pigura na ang nasa kaniyang harapan. Walang iba kundi ang kaniyang asawa. Hinanap siya nito.

Hindi niya na napigilan ang kaniyang mga luha. Sinugod niya ito ng mahigpit na yakap habang humihingi ng tawad sa kaniyang mga nasabi.

Advertisement

“Sana ‘wag na ‘wag mong kakalimutan na ikaw lang ang kokompleto sa buhay ko. Hindi ko kailangan ng kahit na ano, basta’t kasama kita,” anas nito bago ibinalik ang singsing sa daliri niya.

Masayang-masaya si Nelly. Noon ay alam niya nang anumang pagsubok ay sabay na nilang haharapin at lalampasan nang magkasama.