Minaliit at Hinamak Siya ng Ina ng Lalaking Pakakasalan; Paano Niya Mababago ang Isip Nito?

Pinipigilan man ni Kate ang kaba ay hindi niya maiwasang kumabog ng kaniyang dibdib nang matanaw ang mesa kung saan nakaupo ang pamilya ni Lawrence, ang kaniyang nobyo.

“‘Ma, kinakabahan ako…” bulong niya sa inang si Myrna.

Pinisil nito ang nanlalamig niyang palad.

“‘Wag kang kabahan. Narito ako. Isa pa, sigurado ako na magugustuhan ka nila. Napakabait mo na, napakaganda mo pa!” anito.

Hindi niya maiwasang mapangiti. “Nanay ko po talaga kayo. Grabe ang bilib n’yo sa akin, eh!” komento niya.

Nang dumating sila sa tapat ng mesa na kinauupuan ay tumayo si Lawrence at ama nito upang salubungin sila.

“Salamat sa pagpunta. Ako si Ramon,” pakilala ng ama ni Lawrence. May matamis na ngiti sa labi ng lalaki.

“Ako po si Kate. Nice to meet you po,” kiming sagot niya bago ipinakilala rito ang kaniyang ina.

Advertisement

Nawala ang agam-agam sa dibdib ni Kate nang maayos ang naging palitan ng salita sa pagitan ng kaniyang Mama at ni Ramon.

Mukhang gaya ng kaniyang nobyo ay mabait din ang pamilya nito.

Subalit nagkamali siya. Dahil nang umupo siya sa kaniyang pwesto ay sinalubong siya ng nanunuring mata ng nag-iisang babae sa mesa, na nahulaan niyang ang ina ni Lawrence.

Bumalik ang kaba sa dibdib ni Kate.

“Ako po si Kate. Nice to meet you po, T-tita Lucy,” nauutal pang bati niya sa babae.

Seryosong tumango lamang ito, ngunit hindi nagsalita.

Noon ay naramdaman ni Kate na tila hindi niya makakasundo ang babaeng biyenan.

“Pasensya na kayo sa asawa ko, medyo hindi maganda ang pakiramdam niya, kaya hindi siya gaanong nagsasalita,” paliwanag ni Ramon.

Advertisement

Maya-maya pa ay abala na sila sa pag-uusap tungkol sa nalalapit nilang kasal ni Lawrence.

Nagkaroon sila ng diskusyon tungkol sa gagastusin. Nais kasi ni Lawrence na maging magarbo ang kanilang kasal.

Samantalang ang nais ni Kate ay isa lang simple at pribadong pagtitipon kasama ang kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.

Ikinagulat ng lahat nang magsalita si Lucy sa unang pagkakataon.

“Bakit hindi na lang natin sundin ang gusto ni Lawrence? Kung gusto niya nang bongga, eh ‘di dun tayo sa bongga,” anito.

Natahimik si Kate bago nagkaroon ng lakas ng loob na sumagot.

“T-tita, magastos lang po kasi kung mamahaling kasal pa, kung pwede naman pong simple na lang. Pwede naman po naming ilaan na lang sa iba ang pera na matitipid,” magalang na katwiran niya.

Nakita niya ang pagsimangot nito. At hindi niya inaasahan ang sunod nitong sinabi nang bumaling ito kay Lawrence.

Advertisement

“Ito na nga ang sinasabi ko! Mahirap talaga kapag ang babaeng pakakasalan mo ay hindi natin kauri! Pobre!” walang gatol na bitaw nito ng salita.

“Mama!”

“Lucy!” magkapanabay pang saway rito ni Lawrence at Ramon na pawang gulat na gulat at hiyang-hiya sa inasta ng babae.

Si Kate naman ay piniling hindi magkomento. Ayaw niya na kasi na lumaki pa ang gulo. Pinisil niya ang palad na kaniyang ina na noon ay alam niyang hindi na rin natutuwa sa takbo ng pangyayari.

“Bakit ba kasi sa dinami-dami ng babae, ito pa ang napulot mo, Lawrence? Teacher ang nanay, tapos walang tatay! Ito ba talaga ang gusto mong maging ina ng mga magiging anak mo? Ikaw ang bubuhay riyan!” muli ay umarangkada ang bibig ng ginang.

Bago pa makapagsalita si Kate ay narinig niya na ang malamig na tinig ng kaniyang ina.

“‘Wag na ‘wag mong iinsultuhin ang anak ko sa harapan ko. At lalong ‘wag na ‘wag mong babanggitin ang kawalan niya ng ama na para bang isa iyong malaking kasalanan, dahil hindi mo alam kung bakit hindi na namin kasama ang ama ni Kate,” matigas na wika ng kaniyang Mama.

Namasa ang mata niya sa isang mapait na alaala. Ni minsan ay hindi niya pa naikwento sa kahit kanino ang istoryang iyon, kahit kay Lawrence. Noon nagsimulang magkwento si Myrna.

Advertisement

“Mag-isa kong itinaguyod ang anak ko nang mamat*y ang asawa ko mula sa isang sunog halos 20 taon na ang nakalilipas. Iniligtas niya ang isang batang nakulong sa loob ng gusali. Sa kasamaang palad, hindi na siya nakalabas nang buhay.”

“Namat*y na isang bayani ang asawa ko, kaya ‘wag mong babastusin ang alaala n’ya. Isa pa, ‘wag kang matakot. Namuhay si Kate sa hirap, at hindi n’ya aaksayahin ang pera ng anak mo. Pinalaki ko siyang marangal at may takot sa Diyos,” tuloy-tuloy na litanya ng kaniyang ina.

Namayani ang katahimikan. Maging ang kanina ay mataray na si Lucy ay nakayuko at hindi nagsasalita.

Si Ramon ang unang bumasag sa katahimikan.

“Kate, Myrna, pasensya na kayo, ha. Pagsasabihan ko ang asawa ko mamaya,” hiyang-hiyang sabi nito bago pinukol ng dismayadong tingin ang asawa.

“Nakikiramay ako, Myrna. Isa ngang bayani ang asawa mo. Maaari ko bang malaman ang gusali kung saan siya nasawi? Noon kasing bata pa si Lawrence ay muntik na rin siyang mamat*y dahil sa sunog. Nailigtas siya ng isang bumbero, kaya naman ang laki-laki ng respeto ko sa mga bumbero. Sayang nga at hindi nakaligtas ang nagligtas sa anak ko. Hindi na tuloy namin siya napasalamatan,” maya-maya ay malungkot na kwento ni Ramon.

Sumagot si Myrna.

“Sa Asahi Towers. Sa Makati.”

Advertisement

Kitang-kita ni Kate ang gulat sa mata ng mag-asawang Ramon at Lucy bago nagkatinginan ang mga ito.

“A-anong pangalan ng asawa mo?”

“Roberto Cañete.”

Nagulat si Kate nang maya-maya ay humikbi ang ina ni Lawrence.

“Si R-roberto, ang tatay niyo… siya ang nagligtas kay Lawrence noon…”

Tila may bombang sumabog sa harap ng mag-ina. Wala sa kanila ang nakapagsalita, pilit na pinoproseso ang narinig.

“Patawarin n’yo kami… dahil sa anak namin nawalan kayo ng padre de pamilya. Pero habang buhay kaming magpapasalamat sa pagliligtas niya sa buhay ng anak ko,” sinserong wika ni Ramon. Bakas ang lungkot sa mga mata ng lalaki.

“Sorry. Sorry kung hinusgahan ko ang pamilya n’yo. Sana ay makapagsimula tayo ulit,” buong pagpapakumbabang turan naman ni Lucy. Wala na ang matayog nitong pag-uugali.

Advertisement

“Naiintindihan po namin. Matagal na po ‘yun. At ginawa lang naman po ni Papa ang tungkulin niya sa bayan,” sagot ni Kate.

Nang gabing iyon ay naging malapit ang dalawang pamilya. Sino nga ba naman kasi ang mag-aakala na may koneksyon pala sila sa isa’t isa?

Matapos ang ilang buwang paghahanda ay natuloy na rin ang kasal nina Lawrence at Kate.

Ipinangako ni Lawrence sa harap ng Diyos aalagaan niya si Kate, sa paraang ikasasaya ng ama nito na nagligtas sa kaniya noon.