Isang Bata ang Tinulungan ng Binatilyo; Marami ang Natuwa sa Bibong Bata

Sa gitna ng tirik na araw ay masigasig na nagtatawag ng kustomer ang tindero ng buko juice na si Niño. Iyon lang kasi ang alam niyang paraan para makatulong sa kaniyang ina na hirap na hirap na sa pagiging labandera.

Ngunit hindi pala ganoon kadali ang lahat! Karamihan kasi sa mga kasabayan niya ay mga beterano nang tindero. Samantalang nagsisimula pa lang siya.

Sa isang linggo niyang pagsubok sa pagtitinda ay halos maubos na ang boses niya kasisigaw para makakuha ng kustomer subalit bigo pa rin siya.

Ni wala ngang makalapit sa kaniya maliban sa mangilan-ngilan dahil mahigpit talaga ang kompetisyon.

“Boy, hindi ka ba napapagod? Isang linggo ka na rito, hindi ka naman nakakabenta,” maya-maya ay narinig niyang komento ng katabi niya sa pwesto na si Mang Boy.

“Hindi po. Hindi po ako susuko,” determinadong sagot niya.

Nang dumating ang katanghaliang tapat ay dumami ang taong bumibili dahil sa mainit na panahon.

Nakabenta man si Niño ay hindi niya pa rin magawang maging masaya.

Advertisement

Nabawi niya lang ang puhunan, ngunit hindi naman siya kumita.

Tahimik siyang nagmumuni-muni nang makarinig ng komosyon mula sa ‘di-kalayuan.

“Hoy! Batang may tililing! Umalis ka rito! Baka hindi ako makabenta!”

Nakita niya ang isang batang lalaki na marusing. Nahinuha niya na isa ito sa mga batang palaboy na naninirahan sa kalye.

Sinunod-sunod ng bata ang bawat tindera’t tindero, habang nakasahod ang kamay. Subalit wala ni isa ang nagbibigay atensyon dito.

“Nanghihingi yata ng maiinom…” sa isip-isip ng binatilyo habang minamasdan ang bata.

Hindi niya maiwasang maawa sa bata lalo pa’t tila kaedaran lang nito ang bunso niyang kapatid.

“Alis! Alis dito, hindi ka naliligo!” patuloy na pagtataboy ng iba sa bata.

Advertisement

Tila naman wala lamang iyon sa bata at tatawa-tawa lang.

Sa dinami-dami ng pwesto doon ay wala ni isa man ang pinagbigyan ang bata.

Kaya naman nang mapatapat ang bata kay Niño ay walang pagdadalawang-isip na binigyan niya ito ng itininda niyang buko juice.

“T-talamat po, Kuya!” nagtatatalon pang wika nito, dahilan upang bahagyang matapon ang hawak nitong juice.

“‘Oh, ‘wag kang tumalon, natatapon!” natatawang puna niya.

Hagikhik lamang ang isinagot ng bata.

Hindi maiwasan ni Niño na mapangiti. Tila kasi napakababaw ng kaligayahan nito at tawa lang nang tawa.

Muli niyang narinig ang komento ng katabing kapwa tindero na si Mang Boy.

Advertisement

“Naku, dapat hindi mo binigyan! Aaraw-arawin ka ng batang ‘yan. Wala ka na ngang benta!” naiiling na komento nito.

Umiling si Niño bago ngumiti.

“Wala hong problema, Mang Boy! Hindi ko naman ikalulugi ang isang baso ng buko juice. Kesa naman pagdamutan ko ang bata,” katwiran niya.

Naagaw ng bata ang atensyon niya nang sumigaw ito.

“Kuya! Tenkyu!” sabi ng bata bago ito nagtatakbo palayo.

Kinabukasan, hindi na nagulat si Niño nang bumalik ang bata, nakasahod ang kamay.

“Anong pangalan mo?” usisa niya.

“Totoy!” bibong sagot nito bago humagikhik.

Advertisement

Tuwang-tuwa ito nang iniabot niya ang isang baso ng buko juice.

Habang nilalagok ng bata ang inumin ay isang sikat na tugtog ang umalingawngaw mula sa isa sa mga tindahan.

Nagulat siya nang inilapag ng bata ang hawak nitong inumin bago walang ano-anong umindak sa tugtog.

Naaliw na pinanood ni Niño ang batang si Totoy na tila kabisadong-kabisado ang sayaw. Hindi niya rin maiwasang mapansin na may talento sa pagsasayaw ang bata.

Bago pa niya mamalayan ay unti-unting dumami ang nanonood kay Totoy na masigasig na sumasayaw.

Narinig niya pa ang natutuwang komento ng iilan.

“Ang galing nung bata! Bibo!”

“Video-han mo, dali! Nakakatuwa naman.”

Advertisement

Nang makita ang kumpulan ng tao ay hindi nagdalawang-isip ang maabilidad na si Niño. Ginamit niya ang pagkakataon upang makabenta.

“Buko juice po, buko juice! Limang piso lang!” malakas na sigaw niya.

Sa gulat niya ay isa-isang nagsilapitan sa kaniya ang mga naroon at isa-isang bumili ng buko juice.

Sa kulang-kulang isang oras na pagsasayaw ng bibong bata, sa unang pagkakataon ay nasimot ang tinda ni Niño. Kay laki ng kinita niya!

Bilang pasasalamat kay Totoy ay inabutan niya rin ito ng pambili ng pagkain.

“Tenkyu, Kuya!” anito bago nagtatakbo.

Simula noong araw na iyon ay naging regular nang tagpo ang bibong batang sumasayaw sa tapat ng pwesto ni Niño. Naging dahilan iyon upang katuwaan ang bata at magdala ng maraming suki sa kaniya.

Araw-araw ay umuuwing nakangiti si Niño dahil sa malaki niyang kita sa pagtitinda ng buko juice. Ngunit ni minsan man ay hindi niya nakalimutang bahaginan ang batang nagdala sa kaniya ng swerte—ang bibong bata na si Totoy.