Naglalayas ang Ginang na Ito sa Tuwing Nagtatalo Silang Mag-asawa, Nanlambot Siya nang Wala na Siyang Mauwian

“Letty, baka naman pupwedeng sa’yo naman ‘tong si bunso. Kaninang tanghali pa ito nasa akin, ni hindi mo pa nga ito napapas*so. Mamaya ka na magselpon, kanina ka pa nakababad d’yan,” wika ni Anthony sa kaniyang asawa, isang gabi nang makaramdam na siya ng pagod kakaalaga sa kanilang anak.

“Aba, parang kasalanan ko na habol sa’yo at ayaw sa akin n’yang batang ‘yan, ha? Malamang magseselpon ako dahil wala naman akong magawa! Naglilibang lang ‘yong tao, makapagsalita ka riyan!” sigaw ni Letty dito saka padabog na kinuha ang kaniyang anak.

“Diyos ko, Letty, pinagsabihan ka lang, gan’yan na agad ang pinakita mong ugali! Anong sinasabi mong wala kang magawa? Tingnan mo nga kung gaano kakalat sa kusina dahil sa mga binibida mong luto mo sa social media! Gustong-gusto mong nakakakuha ng atensyon sa iba, eh, napapabayaan mo na ang anak natin!” pangaral pa nito sa kaniya na lalo niyang ikinainis dahilan para kaniyang ibaba sa sofa ang anak niyang umiiyak at magsimulang mag-empake ng kaniyang mga damit at gamit. 

“Sumosobra ka na talaga, ha! Huwag mo akong mahahabol-habol!” bulyaw niya pa rito.

“Ano, lalayas ka na naman at sisiraan ako sa buong pamilya mo?” tanong nito na hindi niya inimik at siya’y agad na umalis nang makuha na niya ang mga kailangang gamit.

Ang paglalayas ang palaging nakikitang paraan ni Letty upang siya’y amuhin ng kaniyang mister sa tuwing sila’y nag-aaway. Kahit na siya ang may kasalanan, gusto niyang ito ang magpapakumbaba at maglalambing kagaya noong sila’y magkasintahan pa lamang. 

Sa tuwing mapagsasabihan pa siya nito, imbis na makinig sa asawa lalo na kung tungkol sa isang taong gulang nilang anak, magagalit pa siya rito at agad itong sisigawan.

Kapag hindi pa siya agad na inamo nito, siya’y agad-agad na mag-eempake ng gamit, iiwang ngumangawa ang anak, at saka lalayas sa kanilang bahay. Karaniwan siyang umuuwi sa kaniyang mga magulang tuwing ginagawa niya ito at doon niya labis na sisiraan ang kaniyang asawa. 

Advertisement

Ginagawa niya ito dahil alam niyang hindi siya matitiis ng asawa at siya’y agad na susunduin kinabukasan upang mapas*so ang kanilang anak. Malakas ang loob niyang mag-inarte dahil sigurado siyang hindi kailanman mapapagod ang lalaki sa ugali niya katulad ng sumpaan nila sa altar. 

Nang gabing iyon, katulad ng nakasanayan niya, siya’y agad na dumiretso sa bahay ng kaniyang mga magulang at doon naghimutok. Kagaya dati, siya’y bahagyang kumalma nang makitang nanggagalaiti sa galit ang kaniyang mga magulang. Pakiramdam niya, kahit na siya ang mali, may kakampi pa rin siya.

Kaya lang, lumipas na ang ilang araw, hindi pa rin siya sinusundo ng kaniyang asawa dahilan para siya’y magtaka na.

“Hanggang kailan ba ako titiisin ng mokong na ‘yon? Hindi ba siya naaawa sa anak namin?” sabi niya sa sarili saka na siya nakapagdesisyon na umuwi sa kanilang bahay.

Kaya lang, pagkadating niya sa kanilang bahay, siya’y agad na nagtaka nang makitang tila walang tao sa loob nito. Malinis ang kanilang harapan, sarado ang pintuan at mga bintana, at walang bukas na ilaw kahit gabi na.

Ito ang dahilan para magpasiya na siyang tawagan ang kaniyang asawa ngunit kahit ilang tawag at mensahe ang kaniyang pinadala, ni isa sa mga ito, wala itong sinagot.

Doon na siya nagtanong-tanong sa kanilang mga kapitbahay at kaniyang napag-alamanang mag-iisang linggo na raw simula nang umalis ang asawa niya bitbit-bitbit ang kanilang anak na talaga nga namang ikinaguho ng mundo niya. Litong-lito siya kung saan niya unang pwedeng hanapin ang kaniyang mag-ama. Mangiyakngiyak siyang naglalakad nang hindi alam kung saan siya tutungo.

“Ganito pala ang pakiramdam ng malayasan, ang sakit-sakit pala,” iyak niya habang naglalakad.

Advertisement

Maya maya pa, siya’y napadaan sa bahay ng pinsan ng kaniyang asawa at halos manlambot siya nang makitang pinapas*so nito ang kaniyang anak. 

“Diyos ko! Nandito lang pala kayo!” hikbi niya saka agad na niyakap ang anak.

“Dito ko muna sila pinatuloy ni Anthony dahil lumayas ka raw at walang mainom na gatas ang anak mo. Mabuti’t may gatas pa ako kahit malaki na ang anak ko. Bilang ina, ang anak mo dapat ang prayoridad mo, Letty, hindi ang ibang bagay, hindi ang tampong nararamdaman mo,” pangaral nito sa kaniya dahilan para siya’y muling maiyak at yakapin ang asawang nakatingin lamang sa kaniya.

Doon na niya pinangako rito na hindi na mauulit ang gawain niyang iyon at mas pagtutuunan na ng pansin ang kanilang anak at syempre, ang kanilang relasyon na agad naman nitong tinanggap. 

Simula noon, lumalim na ang pagmamahalan nila ng kaniyang asawa, napalapit pa sa kaniya ang anak na dati’y sa ama lamang habol at panatag. Para sa kaniya, ito ang pinakamagandang tagumpay na naabot niya sa buhay niya bilang isang ina at asawa.