Siniraan ng Lalaking Ito ang Kanilang Mayor Upang Manalo Siya sa Eleksyon, Ito ang Kinalabasan ng Masama Niyang Plano

“Ikaw ba ‘yong nakausap ng tauhan ko?” tanong ni Daniel sa dalagang biglang pumasok sa opisina niya, agad lang itong tumango at naupo sa harapan niya, “Alam mo na ba kung anong gagawin mo kapalit ng malaking halaga ng pera?” tanong niya rito saka ininom ang alak na nasa kaniyang baso.

“Hindi pa po. Ang sabi lang po sa akin, sisiraan ko po si mayor at susunod sa lahat ng utos niyo,” tugon nito na ikinainis niya.

“Diyos ko! Kahit kailan talaga, palpak ang mga tauhan ko! Hindi mo lang basta sisiraan si mayor, hija. Papababain natin siya sa kinauupuan niya. Magsasampa tayo ng kaso sa kaniya dahil pinagsamantalahan ka niya, hindi ba?” wika niya pa sa dalaga na ikinalaki ng mga mata nito.

“Ay, naku, hindi po! Hindi po ako pinagsamantalahan ni mayor!” sagot nito na ikinailing niya.

“Pinagsamantalahan ka niya, hija! Iyon ang itatak mo sa isip mo. Ang kasinungalingang iyon ang ipaglalaban mo sa korte, naiintindihan mo?” pamimilit niya rito habang hawak-hawak ang baba nito nang madiin.

“O-opo,” uutal-utal nitong wika dahil sa takot.

“O, ito, kung kulang pa ‘yan, sabihin mo lang sa akin. Siguraduhin mong gagalingan mo ang pag-arte, ha? Kung hindi, malilintikan ang buong pamilya mo sa akin!” pagbabanta niya pa rito kaya ito’y agad lang na napatungo.

Ngayong nalalapit na ang eleksyon, hindi na matahimik ang utak ng tatakbong mayor na si Daniel. Sabik na sabik na siyang maupo at pamunuan ang kanilang lalawigan dahil alam niyang bukod sa marami siyang maaaring makuhang benepisyo rito, malaki-laking pera ang pupwede niyang makuha kapag napagtagumpayan niya ang nalalapit na eleksyon.

Advertisement

Kaya lang, nang mabalitaan niyang muling tatakbong mayor ang pangkasalukuyang namumuno sa kanilang lalawigan, siya’y labis na kinabahan dahil marami itong kaalyado at halos lahat ng kanilang nasasakupan, boto rito dahil sa galing nitong mamuno.

Dito na siya nag-isip ng paraan kung paano ito mapapatalsik at ang tanging paraan pumasok sa isip niya ay ang siraan ito sa madla gamit ang isang menor de edad na talagang magpapanggap na pinagsamantalahan nito.

Pagkatapos niyang kausapin ang dalaga nang araw na ‘yon, agad na niya itong pinadala sa pulisya kasama ang ilan niyang sikretong tauhan upang magsampa ng kaso.

Mayroon pa silang ginawang pekeng palitan ng mga mensahe na maaari nilang gawing ebidensya para mapatunayan ang ginawang pananamantala ng naturang mayor.

At dahil nga may hawak silang ebidensya at menor de edad pa ang dalaga, agad itong inaksyunan ng mga pulis. Pinakalat niya na rin sa social media ang balitang ito na talaga nga namang pinagtampukan ng mga usap-usapan. Labis siyang natuwa nang makitang tila nagdadalawang-isip na ang madla sa muling pagboto sa eleksyon sa naturang mayor. Sabi pa sa isang komento, “Oras na para sa pagbabago, si Daniel ang sunod nating iboto!” na talaga nga namang agad niyang pinagdiwang. 

Kaya lang, matapos niyang magtatatalon dahil sa nabasa niyang komento, siya’y agad na napaayos ng tindig nang may marinig siyang kumakatok sa kaniyang opisina.

“Bukas ‘yan, pasok!” sigaw niya at bigla siyang namula nang makitang mga pulis at ang naturang dalaga ang nakita niyang papasok sa roon.

“Maganda araw sa tatakbong mayor ng aming lalawigan. Gusto po namin kayong paanyayahang ibigay ang panig niyo sa presinto ngayong araw. Napag-alamanan po kasi naming gawa-gawa niyo lang isyung pinakakalat niyo sa internet. Mali pa kayo ng dalagang kinuha dahil isa ito sa mga iskolar at tauhan ni mayor. Bistado na po kayo,” sabi nito na talagang ikinagulat niya.

Advertisement

“Hindi totoo ‘yan! Wala akong ginawang isyu. Nagsisinungaling ‘yang babaeng ‘yan, gusto lang dungisan ang pangalan ko!” tanggi niya pa. 

“Gusto mo bang marinig muli ang usapan natin?” tanong ng dalaga sa kaniya saka ipinarinig ang voice recording ng usapan nila sa hawak nitong selpon dahilan para siya’y mapasigaw na lang sa pagkainis at tahimik na sumama sa mga pulis. 

Nadatnan niya sa presinto ang kanilang pangkasalukuyang mayor na tatawa-tawa sa kaniya. Wika pa nito, “Kung gusto mo talagang maging isang mayor, lumaban ka nang patas, dahil walang masamang sikreto ang hindi nabubunyag.” Pahiyang-pahiya siya. Imbes na ikaangat niya’y iyon pa pala ang makakapagpabagsak sa kaniya.

Napatunayan pa sa korte ang paninirang ginawa niya dahilan para imbis na ang naturang mayor ang mapakulong niya, siya ngayon ang humihimas sa kinakalawang na rehas.