Hinuhusgahan ng Ginang na Ito ang Aleng may Alagang mga Askal, Inggit at Pangongonsenya ang Naramdaman Niya sa Huli

“Diyos ko, Aling Marites! Ilan na ang mga aso mo ngayon? Mas marami pa yata ‘yan sa kinikita mo sa pamamasura araw-araw, eh! Hindi ka ba napapagod alagaan ‘yan sila? Baliw ka na yata, eh!” panghuhusga ni Cynthia sa aleng nag-aalaga ng mga aso sa tapat ng kanilang bahay.

“Hindi ako baliw, Cynthia. Alam mo namang wala na ako ni isang kapamilya. Sila na lang ang kasama ko sa buhay at sila ang tanging nakapagpapasaya sa akin,” pangangatwiran nito habang hinihinamas-himas ang mga alagang aso.

“Iyon na nga, eh, wala ka nang pamilya. Edi sana, sarili mo na lang ang alagaan mo! Nahihibang ka na talaga, ni wala ka ngang bahay tapos mag-aalaga ka pa ng sangkatutak na aso! Minsan pa, nakakakalat ‘yan sa tapat ng bahay namin at doon dumudumi!” reklamo niya pa rito dahilan para ito’y mapatungo.

“Pasensya ka na kung ganoon. Hayaan mo, araw-araw akong maglilinis doon,” mahinahon nitong sagot, bigla naman siyang inangilan ng ilan sa mga aso nito na labis niyang ikinagalit.

“Kung ako sa’yo, iligaw mo na ‘yan lahat at sarili mo na lang ang atupagin mo!” payo niya pa rito saka tinandyakan ang asong umaangil na ikinagulat ng ale.

Ayon sa ginang na si Cynthia, nahihibang na raw ang aleng nagtayo ng barung-barong sa bakanteng lote sa tapat ng kaniyang bahay. Halos dalawangpung aso kasi ang inaalagaan nito na pawang mga napulot lang sa lansangan habang ito’y naghahanap ng kalakal at makakain sa mga basura.

Dumodoble pa ang inis niya tuwing umaga dahil mga dumi ng aso ng naturang ale ang sumasalubong sa kaniya dahilan para halos araw-araw, sadyain niya ito sa barung-barong nito upang pagsabihan, at husgahan. 

Kapag matitiyempuhan niyang wala ang ale sa barung-barong nito at pawang mga nagtatahulang aso ang madadatnan niya, minsan ay sinasaktan niya ang ilan sa mga aso nito dahil sa galit niya.

Advertisement

Nang araw na iyon, matapos niyang kausapin ang matanda, agad na siyang pumasok sa kanilang bahay upang ipagpatuloy ang pagpapahinga. Kaya lang, kakahiga niya pa lang nang muli na namang sabay-sabay na magtahulan ang mga asong ito na labis niyang ikinagalit.

Lalabas pa lang sana siya bitbit-bitbit ang mahabang patpat na ginagamit niyang pamalo sa mga ito, nang siya’y biglang napatigil nang mapansing may tatlong malalaking sasakyan ang nasa tapat ng kaniyang bahay.”Mukhang narito na ang may-ari ng lupa, ha? Sa wakas, mapapaalis na ang aleng ‘yan pati ang mga perwisyo niyang aso!” sabi niya pa saka agad na lumabas upang makiisyoso.

Ngunit agad siyang nagtaka nang makitang nagbababa ng sandamakmak na mga pagkain ng aso, bigas, grocery items, at ilang mga gamit pangpagawa ng bahay ang mga kalalakihan na lulan ng naturang sasakyan.

Nang tanungin niya ang isa sa mga ito, agad na nanlaki ang mga mata niya nang malamang ang aleng ito ay sumikat sa social media dahil sa kabaitan sa mga aso at ngayo’y tutulungan ng isang programa sa telebisyon.

“Nabili na rin po ng programa namin ang lupang iyan para kay lola. Huwag po kayong mag-alala, dahil gagawin naming komportable ang mga aso para huwag na kayong magambala katulad ng daing ni lola. Nahihiya na raw siya sa’yo, ma’am, eh,” kwento ng direktor sa kaniya na agad niyang ikinahiya.

Magkahalong pangongonsenya at inggit ang nararamdaman niya para sa naturang matanda. Lalo pa nang araw-araw itong dagsain ng mga tao galing sa iba’t ibang parte ng bansa para magbigay ng tulong. 

Minsan siyang nakita ng matanda na nakatanaw sa kaniyang bintana dahilan para siya’y tawagin nito. 

“Ito, Cynthia, sa’yo na lang. Pasensya ka na sa abalang nagagawa namin ng mga aso ko sa’yo dati, ha? Hayaan mo, babawi talaga ako sa’yo,” nakangiti nitong sabi saka iniabot sa kaniya ang isang malaking kahon na may laman na mga pagkain.

Advertisement

“Sigurado ka bang ibibigay mo ‘to sa akin lahat?” tanong niya rito habang namamangha sa kabaitan nito.

“Oo, para mapatunayan ko rin sa’yo na hindi ako nahihibang!” biro nito saka tumawa nang malakas na ikinakonsensya niya.

Hindi na niya sinayang ang pagkakataon na humingi ng tawad sa ale. Tumango-tango lang ito at sinabing siya’y naiintindihan nito na labis niyang ikinatuwa.

Doon niya napagdesisyunang tulungan ang matanda sa pag-aalaga ng mga aso. Hindi para siya’y makatanggap din ng biyaya, kung hindi para makabawi rito at sa mga mababait nitong alagang aso.