Ginamit ng Ginang na Ito ang Anak upang Makautang, Pinambili Niya ng Sasakyan ang Perang Natanggap

“Hello, mars? Kumusta ka na? Ang tagal na nating hindi nakakapag-usap, ha? Mayaman ka na ba riyan sa Amerika?” patawa-tawang bungad ni Angel sa matalik na kaibigan nang ito’y tawagan niya.

“Naku, ikaw talaga! Hindi ka pa rin nagbabago! Ayos lang naman ako, ito, nakakaraos araw-araw sa tulong ng ‘Kano kong asawa! Kayo, kumusta na kayo riyan ng mga anak mo?” pangungumusta nito dahilan para agad niya nang sabihin ang sadya niya. 

“Ito nga, eh, may problema ako. Katatapos lang kasi sa hayskul ng anak ko, tapos hindi ko sigurado kung maipapasok ko siya sa kolehiyo dahil wala akong pera. Naaawa nga ako sa kaniya, eh,” daing niya rito habang nangingilid ang mga luha. “Wala bang trabaho ang asawa mo?” tanong nito.

“Meron naman, mars, kaya lang eksakto lang ang kinikita niya sa pang-araw-araw naming gastusin. Alam kong mapapahiram mo ako, mars, walang-wala na talaga akong malapitan. Pangako, ibabalik ko agad sa isang buwan, hihiram ng pera sa bangko ang asawa ko. Ayoko lang talagang mapag-iwan ang anak ko dahil isa siya sa mga pag-asa ko para umasenso,” pagdadrama niya rito sa gitna ng mga hikbi.

“Walang problema, mars, basta sumunod ka sa pinag-usapan natin, ha? Ipapadala ko na agad ang pera ngayon, ‘wag ka nang umiyak d’yan,” nakangiting sabi nito na labis niyang ikinatuwa. 

Sa kagustuhang makabili ng ginang na si Angel ng isang sasakyan upang makapagyabang sa kaniyang mga kapitbahay, kung sino-sino ang kaniyang nilapitan para lamang makalikom ng pera. 

Alam niyang hindi ito kayang bilhin ng asawa niya lalo pa’t isa lamang itong trabahador sa isang pabrika dahilan para maghanap siya ng ibang paraan upang matugunan ang kagustuhan niya. 

Dito niya naisip na gawing dahilan ang pag-aaral ng kaniyang panganay na anak kahit wala naman talaga siyang balak na pag-aralin ito upang siya’y kaawaan ng mga taong gusto niyang utangan. Kaya lang, sa lahat ng nilapitan niya, ni isa, walang nagpahiram sa kaniya dahil sa krisis na kinakaharap ngayon ng bansa. 

Advertisement

Sakto namang nakita niya ang matalik niyang kaibigang nasa ibang bansa habang siya’y naghahanap ng taong malalapitan sa social media at laking tuwa niya nang agad itong magpahiram ng malaking halaga ng pera upang masagot ang pag-aaral ng kaniyang anak.

Nang matanggap na niya ang perang pinadala nito, agad niyang binili ang nakitang sasakyan sa social media. Hindi man ito bago katulad ng pinapangarap niyang kotse, ayos na ayos na ito upang makuha niya ang atensyon ng mga kapitbahay nilang walang bilib sa kaniya. 

Katulad ng kagustuhan niya, siya nga’y naging tampok sa kanilang barangay nang iuwi niya sa kanilang bahay ang naturang sasakyan. Kahit asawa’t mga anak niya, gulat na gulat na siya’y lulan nito. Sabi niya sa mga ito, ito raw ay bigay ng kumare niya sa ibang bansa dahilan para labis na matuwa ang mga ito.

Lumipas ang mga araw na halos araw-araw niyang pinapansyal ang kaniyang buong pamilya kung saan-saang lugar gamit ang sasakyang ito.

Todo lagay din siya ng litrato sa social media upang mas marami pang tao ang makakita ng tagumpay na nakamit niya.

Hanggang sa dumating na ang araw na ipinangako niya sa kaniyang kaibigan. Pinapadalhan man siya nito ng mensahe at tinatawagan, ni isa sa mga ito, wala siyang sinasagot dahil wala pa siyang maipangbabayad. 

“Para namang tatakbuhan ‘to, eh, akala ko ba mayaman ka na, bakit kinukulit mo ako sa utang ko?” sabi niya sa sarili habang pinagmamasdan ang tawag ng kaibigan na pinili niyang hindi sagutin. 

Muli na sana siyang aalis gamit ang sasakyan nang marinig niyang may kausap ang panganay niyang anak. Siya’y agad na kinabahan nang marinig niyang sabi nito, “Hindi raw po ako mapag-aaral nila mama, eh, bakit niyo po natanong, tita?”

Advertisement

Agad siyang lumabas ng kanilang bahay at siya’y nanlamig nang makita niyang ito ang kumare niya.

“Ah, eh, kumusta na, mars? Ikaw naman, sinadya mo pa talaga ako!” uutal-utal niyang wika nang siya’y makita nito. 

“Akala ko ba pag-aaralin mo siya kaya ka nangutang? Ano, ginamit mo ang anak mo para lang makautang at makabili ng sasakyan?” galit nitong tanong na narinig ng kaniyang anak.

“Totoo po ba ‘yon, mama? Akala ko po ba bigay ni tita ‘yon sa’yo?” sabat nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga na lang.

“Ibalik mo na ang pera ko, Angel, kung hindi, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko!” pagbabanta nito na narinig ng mga tsismosa niyang kapitbahay at siya’y sinimulang pagbulungan.

Narinig din ng kaniyang asawa at ibang mga anak ang usapang iyon dahilan para siya’y labis na kagalitan ng mga ito.

“Hindi naman natin kailangan ng sasakyan, Angel, bakit inuna mo pa ‘yan? Bakit nangutang ka pa para riyan?” galit na sigaw ng kaniyang asawa.

Kaya naman, kahit ayaw niyang ibenta ang naturang sasakyan, binenta niya na rin ito sa iba upang agad na makabayad sa kumare niya. Agad niya na ring sinuyo ang asawa’t mga anak at nangakong siya’y magbabanat ng buto upang tuluyang mapag-aral sa kolehiyo ang panganay. 

Advertisement

Kaniya nga itong tinupad at namasukan bilang isang serbidora sa isang kainan. Sa ganoong paraan, siya’y nakaipon ng pera pangkolehiyo ng anak na labis nitong ikinasaya. “Pangako, hinding-hindi ko na uulitin ang pagkakamaling iyon. Pasensiya na talaga kayo at binigyan ko pa kayo ng kahihiyan,” saad niya sa buong pamilya.

“‘Wag kang mag-alala, mama. Balang araw, kapag nakapagtapos na ako at nakapag-ipon, tutuparin ko ang matagal mo nang pinapangarap na sasakyan,” nakangiting sagot naman sa kaniya ng panganay na anak.