Takot Mahusgahan ang Dalagang Ito Kaya Ayaw Niyang Magpinta Para sa Iba, Napilitan Siyang Gawin Ito Para sa Ina

“Hija, anak, gusto raw magpagawa ng kumare ko sa’yo ng painting. Nakita niya kasi itong mga gawa mo, nagalingan siya sa’yo. Pinapatanong niya sa akin kung magkano ba raw ang presyo mo sa ganito kalaking painting. Ilalagay niya raw sa…” hindi na pinatapos ni Babi ang sinasabi ng kaniyang ina, isang umaga habang pinaghahain siya nito ng almusal. 

“Hindi ko po kayang magpinta para sa iba, mama. Kinakabahan po ako. Baka pangit ang kalabasan at mahusgahan pa ako. Libangan ko lang po ‘yan, mama, hindi ba’t sinabi ko na po ‘yon sa’yo?” inis niyang sagot sa ina habang mabilis na kinakain ang pagkaing binigay nito. 

“Pero, anak, sayang naman kasi ‘yong talento mo kung hindi mo ibabahagi sa iba. Pwede ka pang magkapera dahil d’yan kaysa kinukubli mo lang dito sa bahay natin,” pangaral nito na lalo niya pang ikinaiinis.

“Ayoko nga po, mama, hindi naman ako magaling, eh. Hindi kabenta-benta ‘yang mga gawa ko,” sabi niya saka agad na tumayo sa lamesang pinagkakainan.

“Anak, magkaroon ka ng tiwala sa sarili mo. Ang ganda-ganda kaya…” hindi na ito muling nakatapos magsalita matapos niyang magdabog.

“Hindi maganda, mama, parang elementaryang bata ang nagpinta! Alis na po ako,” tuloy-tuloy niyang sabi saka mabilis nang umalis upang huwag nang kulitin ng ina.

Walang bilib sa sariling talento at abilidad ang dalagang si Babi. Magaling man siyang gumuhit at magpinta, palagi niya itong tinatago sa iba. Takot kasi siyang makatanggap o makarinig ng masamang mga komento.

Ilang beses man siyang kinukumbinsi ng kaniyang ina na kailangan niyang ipagmalaki ang kaniyang talento dahil nakikitaan siya nito ng malaking potensyal, lagi lang niya itong kinagagalitan. 

Advertisement

Lalo na ngayong napadalaw ang isa sa mga mayayamang kumare nito sa kanilang bahay at nakita ang mga guhit at pinta niyang nakasabit sa kanilang sala. Gusto man nitong magpinta siya para sa naturang ginang kapalit ng pera, kaniya itong tinanggihan dahil sa takot na nararamdaman. 

Nang araw na iyon, dahil sa inis sa ina, agad na siyang nagtungo sa paaralan upang huwag nang marinig ang pangungulit nito.

Kaya lang, bago pa tuluyang magsimula ang una niyang klase, siya’y nakatanggap ng tawag mula rito. Noong una’y ayaw niya itong sagutin dahil nga bukod sa mag-uumpisa na ang kanilang klase, sigurado siyang kukulitin lang siya nitong magpinta ngunit nang panay ang tawag at text nito sa kaniya, napilitan na siyang sagutin ang tawag nito upang pagsabihan.

Ngunit pagsagot niya, hindi kilalang boses ang kaniyang narinig.

“Magtungo ka rito sa ospital, hija, inatake ang nanay mo. Mabuti na lang at muli akong dumalaw sa inyo,” wika ng naturang ginang dahilan para siya’y mapahangos sa ospital.

Pagkarating na pagkarating niya roon, agad siyang sinalubong ng kumare ng kaniyang ina. Agad nitong binalita na natuklasan ng mga doktor na may sakit pala ito sa puso at kailangan nila ng malaking halaga ng pera upang ito’y maoperahan.

Mangiyakngiyak niyang hinawakan ang kamay ng ina. Desisyon niya na lang ang hinihintay upang ito’y operahan na ngunit siya’y nagdadalawang isip dahil nga wala naman silang malaking ipon. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng pera pangbayad sa naturang operasyon.

Hanggang sa pumasok sa isip niya ang kagustuhan ng ginang na naghihintay sa kaniya sa labas. Doon niya agad na napagdesisyunan na ipipinta niya kung ano mang gusto nito, gaano man kalaki, para lang maoperahan at madugtungan ang buhay ng kaniyang ina. 

Advertisement

Pagkasabing-pagkasabi niya nito sa naturang ginang, ngumiti lang ito at agad na sumang-ayon sa kaniya. Agad nang pinasok sa operating room ang nanay niya pagkatapos ng kanilang kasunduan. Sa kabutihang palad, pagkalipas ng ilang oras, naging matagumpay naman ang operasyon. 

Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang pagsubok niya dahil habang nagpapagaling ito sa ospital, pinilit niya ang sariling magpinta para sa isang tao sa unang pagkakataon.

Labis man siyang nahirapan, inisip niya na ang lahat ng ito ay para sa kaniyang ina dahilan para paglipas lang ng tatlong araw, nakagawa siya ng isang napakalaking painting para sa ginang.

Dekalibre ang ganda nito dahilan para labis na matuwa ang ginang at siya’y bigyan ng humigit kumulang kalahating milyong piso para rito!

“Sobra-sobra po ito, hindi pa po ako propesyonal!” sabi niya rito matapos makita ang tsekeng bigay nito. “Kulang pa nga ‘yan, hija, dahil alam ko ang kinaharap mong hirap para magawa ‘to. Ipagpatuloy mo na ang pagpipinta para sa iba, ha, tiyak, maiaangat mo sa yaman ang nanay mo. Bayad na nga pala ang bill niya sa ospital, wala ka nang aalahanin, hija,” sabi pa nito na labis niyang ikinalambot sa sobrang tuwa.

Ikinuwento niya ang lahat ng ito nang tuluyang makalabas sa ospital ang kaniyang ina at simula noon, sunod-sunod na siyang tumanggap ng mga order na painting mula sa iba’t ibang tao na naging dahilan ng kaniyang pagsikat.

“Salamat, mama, naniwala ka sa kakayahan ko!” sabi niya sa ina, isang araw nang makatapos siya ng halos limang painting na order ng isang kilalang personalidad.