Inday TrendingInday Trending
Nang Pumanaw ang Anak ng Mag-Asawa, ang Akala Nila ay Tuluyan na Itong Nawala; Isang Hiling ang Magbabalik sa Alaala Nito

Nang Pumanaw ang Anak ng Mag-Asawa, ang Akala Nila ay Tuluyan na Itong Nawala; Isang Hiling ang Magbabalik sa Alaala Nito

“Hindi ‘yan totoo! Mabubuhay pa ang anak natin!” hagulgol ni Noreen habang kausap ang asawang si Fidel nang malamang may taning na ang buhay ng anak nilang si Rhea.

Labing dalawang taong gulang pa lang ang bata ngunit nagkaroon na ito ng malubhang karamdaman sa buto kaya nga hindi na ito makatayo at makalakad. Buong araw itong nakaratay sa higaan.

Ayon sa doktor na tumitingin sa lagay ng kaisa-isa nilang anak, hindi na raw magtatagal ang buhay nito. Malubha na ang sakit nito at hindi na kakayanin ng murang katawan ng bata ang lumaban pa kaya kailangan na raw nilang ihanda ang kanilang sarili. Para sa mag-asawang Noreen at Fidel, napakasakit at napakahirap malaman na ang kanilang pinakamamahal na anak ay malapit nang magpaalam lalo na kay Noreen dahil isa siyang ina.

“Napakabata pa ni Rhea. Hindi niya dapat nararanasan ito. Kawawa naman ang anak natin,” wika niya sa asawa.

“Hindi ko rin matanggap na nangyayari ito sa kaniya. Sa tingin ko’y may dahilan ang Diyos kung bakit natin ito pinagdadaanan,” sagot ni Fidel sabay yakap sa kaniya.

Ngunit kahit alam na ng kanilang anak ang napipintong paglisan ay napakapositibo pa rin nitong pinaalalahanan ang mga magulang.

“Mama, papa, tanggap ko na po ang mangyayari sa akin. Alam ko po na hindi na ako magtatagal dahil sa sakit ko kaya gusto kong sulitin ang mga natitira kong araw na kasama kayo. Huwag na po kayong malungkot. Ayokong nakikita kayong nalulungkot at umiiyak,” sabi ng kanilang anak na si Rhea na halatang hirap na sa pagsasalita.

Hindi napigilan ng mag-asawa na mapaluha sa sinabing iyon ng bata. Kahit parang dinudurog ang kanilang mga puso ay pinagbigyan pa rin nila ang hiling nito.

“Sige, anak. Mula ngayon ay hindi na kami malulungkot ng papa mo. Gagawin naming masaya at espesyal ang bawat araw na kapiling ka namin,” tugon ni Noreen habang hawak ang mga kamay ng anak.

“Talaga po? P-pero mayroon pa po akong isa pang hiling…”

“A-ano ‘yon, anak?” tanong naman ni Fidel.

Nang sumunod na araw ay napadaan si Noreen sa maliit na kapilya ng ospital kung saan naka-confine si Rhea. Naisip niyang dumiretso roon para magdasal. Ipapanalangin niya na sana ay pahabain pa ang buhay ng kaniyang anak ngunit habang nasa kalagitnaan siya ng pagdarasal ay nakarinig siya nang malakas na pag-iyak ng isang babae. Nakita niya ang babae na panay ang pag-iyak habang nakaupo sa likod ng kapilya. Agad niya itong nilapitan.

“Miss, anong problema? Bakit ka umiiyak?” tanong niya.

Nag-angat ng ulo ang babae sa pagkakayuko.

“Nabangga ang sinasakyang school bus ng anak ko at siya ay lubhang napuruhan sa nangyaring aksidente. Ang sabi ng doktor ay baka hindi na raw siya makakita,” kwento ng babae habang patuloy ang pag-iyak.

Nakaramdam ng matinding awa si Noreen sa pinagdadaanan ng babae na nagpakilalang si Emma. Sinabi rin nito na bata pa ang anak na babae na labing isang taong gulang lamang na mas bata ng isang taon sa anak niyang si Rhea. Naiintindihan niya ang nararamdaman nito dahil tulad ng babae ay isa rin siyang ina.

“Manalig ka sa Diyos at walang imposible. Hayaan mo at isasama ko sa aking mga dasal ang iyong anak,” wika niya sa kausap.

Nang maghiwalay sila ng landas ng babae ay tila nakaramdam siya ng kapanatagan sa kaniyang dibdib. Kahit pala may sarili siyang suliraning kinakaharap ay nagawa pa niyang palakasin ang loob ng isang kagaya niyang ina. Sa nangyaring iyon ay mas nagkaroon siya ng tibay ng loob para sa kaniyang anak.

Nang araw na iyon ay hindi siya nagpakita ng kalungkutan sa harap ni Rhea. Maging ang asawang si Fidel ay masiglang hinarap ang kanilang anak sa tuwing nagigising ito. Mas mahaba kasi ang pagtulog nito kaysa sa mga oras na gising kaya sinusulit nila kapag gising ang bata. Masaya naman si Rhea sa pagiging masayahin ng mga magulang. Hindi na niya nakikita ang kalungkutang pilit na ikinukubli ng mga ito. Mas gusto iyon ni Rhea. Mas magaan sa pakiramdam niya ang ganoong gawi ng mama at papa niya.

Isang gabi habang binabasahan ng kwento ni Noreen ang anak ay naglambing ito sa kaniya.

“Mama, kantahan mo naman ako ng paborito ko.”

Sa tuwing bago matulog ang anak ay palagi niya itong kinakantahan.

“Sige, anak. Kakantahan ka na ni mama.”

Habang kumakanta si Noreen ay dahan-dahan nang ipinikit ni Rhea ang mga mata. Wala siyang kamalay-malay na iyon na pala ang huling beses na makikita niyang ipipikit ng anak ang mga mata nito. Nang matapos siyang kumanta ay napansin niyang hindi na humihinga si Rhea. Huminto na ang pagtibok ng puso ng bata. Nakita rin niyang payapa na ang mukha nito at wala na ang hirap na nararamdaman. Wala na ang anak niya.

“R-Rhea, Rhea, anak ko!”

Labis ang pagdadalamhati ng mag-asawa sa pagpanaw ng kanilang unica hija. Mas masakit ang nararamdamang pangungulila ni Fidel, hindi man lang niya nakasama ang anak sa huling hininga nito dahil nasa trabaho siya nang ito’y tuluyang lumisan.

“Iniwan na tayo ni Rhea, Fidel. Hindi ko yata alam kung paano ipagpapatuloy ang buhay na wala ang ating anak,” wika ni Noreen.

“Magpakatatag ka, mahal ko. Malulungkot si Rhea kapag nakita niya tayong umiiyak. At saka hindi naman talaga siya nawala. Nag-iwan siya ng isang alaala dahil sa kaniyang hiling,” sambit ni Fidel sa asawa.

Makalipas ang ilang linggo at matapos na maihatid sa huling hantungan ang anak ay may ‘di inaasahang mga bisita ang dumalaw sa kanilang bahay.

“Magandang araw po!” bati ng isang babae. May kasama itong bata.

“O, kayo pala! Kumusta na kayo? Kumusta ka na, hija?” masayang tanong ni Noreen.

“Narito po kaming mag-ina dahil gusto naming magpasalamat sa inyong mag-asawa at sa inyong anak. Napakaganda ng regalong ibinigay niya sa aking anak,” sagot ng babae.

“Maraming salamat po sa inyo at kay Ate Rhea dahil ipinagkaloob niya po sa akin ang kaniyang mga mata,” wika naman ng bata.

Muling napaluha ang mag-asawa, hindi dahil sa kalungkutan kundi sa labis na kasiyahan. May isang batang nabigyan ng pagkakataon na makakita dahil sa mga mata ni Rhea na idinonate nito. Iyon ang isa pang kahilingan noon ni Rhea sa kanila, ang ibigay ang mga mata nito sa nangangailangan. At ang masuwerteng bata na nakatanggap ng magandang handog mula kay Rhea ay ang anak ni Emma na si Diana. Si Emma ang babaeng nakilala ni Noreen sa kapilya ng ospital na umiiyak dahil sa anak nitong naaksidente. Napag-alaman nila na maari pang makakita ang bata sa pamamagitan ng organ donor.

Panatag na sina Noreen at Fidel, hindi man nila kasama ang anak na si Rhea ay may isang buhay naman silang nabigyan ng panibagong pag-asa. Sa mga mata ni Rhea na nasa batang si Diana ay mananatiling buhay ang alaala ng kanilang nag-iisang anghel.

Advertisement