Inday TrendingInday Trending
Pinandirihan ng mga Tao ang Lalaki Dahil sa Ginawa Niya sa May Sakit na Ina; Supalpal ang mga Ito sa Dahilan Niya

Pinandirihan ng mga Tao ang Lalaki Dahil sa Ginawa Niya sa May Sakit na Ina; Supalpal ang mga Ito sa Dahilan Niya

“Inay, sandali na lang at malapit na tayo sa ospital,” nag-aalalang sabi ni Donald sa kaniyang inang si Aling Dina.

Nakakaramdam kasi ng mga sintomas ng kumakalat na virus sa bansa ang ina kaya naisip ni Donald na dalhin na ito sa pinakamalapit na ospital. Mabuti na lang at maayos ang daloy ng mga sasakyan sa kalsada kaya agad silang nakarating sa pupuntahan. Sisenta y singko anyos na si Aling Dina, ang mga kagaya pa naman niya ang sinasabing madaling mahawa ng virus.

Nasa isang pampublikong ospital na sila. Napansin ni Donald na maraming tao na naroon. Hindi masyadong maasikaso ng mga nurse at staff ng ospital ang mga pasyente dahil sa mahaba ang pila. Dahil sa gusto na niyang maasikaso ang ina ay nakiusap siya sa isang nurse na kung maaari ay unahin na sila.

“Nurse, nurse, nahihirapan na sa paghinga ang nanay ko. Grabe rin ang ubo at sipon niya. Sa tingin ko ay sintomas siya ng virus. Baka naman puwedeng asikasuhin niyo na siya? Hirap na talaga siya sa paghinga at hindi na makapagsalita.”

“Naku, sir, pasensiya na po pero may mga mas nauna pong pasyente sa inyo, eh. Maghintay na lamang kayo,” sagot ng babaeng nurse.

“Pero hindi mo ba nakikita na nahihirapan na ang nanay ko? Kailangan na matingnan na siya ng doktor!”

Hindi na napigilan ni Donald na mapasigaw sa sinabi ng nurse. Si Aling Dina naman ay walang ginawa kundi ang umubo. Nakahawak na rin ang mga kamay sa dibdib, halatang hirap na hirap na sa paghinga ngunit wala pa ring ginagawang askyon ang mga staff ng ospital.

Hindi na malaman ni Donald ang gagawin. Naisip niyang dalhin na lang sa ibang ospital ang ina ngunit ilang oras din ang gugugulin kapag umalis sila roon at maghanap ng iba. Patuloy siyang nakiusap sa mga staff ng ospital.

“Nakikiusap ako, baka hindi na kayanin ng nanay ko ang nararamdaman niya. Wala bang doktor na maaaring mag-asikaso sa kaniya? Magbabayad naman ako kahit na magkano!” wika niya sa malakas na tono.

Nilapitan siya ng isang lalaking nurse.

“Sandali na lang sir at matatapos na po ‘yung naunang pasyente sa inyo at kayo na ang susunod. Pasensiya na po, kulang kasi ang mga staff dito sa ospital kaya hindi agad maasikaso ang ibang pasyente,” paliwanag nito.

Walang nagawa ang mag-ina kundi ang maghintay. Pilit na pinapakalma at pinapalakas ng loob ni Donald ang ina habang nakaupo sila sa pinakadulong upuan sa hallway ng ospital.

Habang naghihintay sila ng mga nurse at doktor na mag-aasikaso sa kanila ay bigla na lamang nawalan ng malay si Aling Dina.

“Inay, inay, gumising ka, inay!” hiyaw ni Donald habang niyuyugyog ang ina.

Sa kagustuhang iligtas ang ina ay isinagawa niya rito ang mouth-to-mouth resuscitation. Hindi na niya alintana kung mayroong nakakahawang sakit ang kaniyang ina, ang nais lamang niya ay maisalba ang buhay nito mula sa kapahamakan.

Sa ginawa naman niyang iyon ay labis na nag-alala ang mga taong naroon.

“Hoy, hindi mo dapat ginawa ‘yan! May sintomas ng virus ang nanay mo, tiyak na mahahawa ka sa ginawa mo!” sigaw ng isang matandang lalaki na kasama ng isang pasyente.

“Naku, huwag na huwag kang lalapit sa amin! May virus ka na rin!” sita naman ng isang babaeng pasyente.

“Hinayaan mo na lang sana ang mga doktor na gamutin ang nanay mo!” wika ng isang nurse na nagwisik pa ng alkohol sa harap niya.

Halos layuan at pandirihan siya ng mga pasyente at mga staff ng ospital sa ginawa niya sa kaniyang ina. Maya maya ay may mga nurse at doktor na sumaklolo at inasikaso na sila.

Mangiyak-ngiyak si Donald sa nangyari. Nanginginig ang buo niyang katawan sa sobrang pag-aalala. Hindi na niya nagawang pansinin ang mga taong kumukutya sa ginawa niya.

Ilang oras ang lumipas at nakausap na niya ang doktor na tumingin sa kaniyang ina.

“Waka kang dapat na ipag-alala dahil maayos na ang lagay ng iyong ina. Nawalan siya ng malay dahil sa respiratory complications pero naagapan naman namin iyon kaya okay na siya. Kailangan na lamang niya na magpahinga. Nagsagawa na rin kami ng test kung positibo siya sa kumakalat na virus. Ipapaalam namin sa iyo ang resulta sa lalong madaling panahon. Ipinapayo ko na sumailalim ka rin sa test dahil sa ginawa mo sa iyong ina. Maaaring mahawa ka ng virus kung mayroon nga siya nito. Pero hindi kita masisisi sa ginawa mo, hijo dahil kung nangyari rin iyon sa sarili kong ina ay ganoon din ang gagawin ko,” hayag ng doktor.

Nakahinga nang maluwag si Donald. Napanatag na ang kalooban niya dahil maayos na ang kalagayan ng ina. Nang mapadaan naman siya sa hallway ng ospital kung saan naroon ang mga taong nanghusga sa kaniya ay agad niyang hinarap ang mga ito.

“Huwag niyo akong husgahan dahil sa ginawa ko. Napakahalaga sa akin ng nanay ko kaya lahat ay gagawin ko para sa kaniya. Wala akong pakialam kung mahawa pa ako ng virus na ‘yan, mas importante sa akin na mailigtas ang nanay ko. Kung mangyari sa mga mahal niyo sa buhay ang nangyari sa nanay ko, hindi niyo ba sila ililigtas?” tanong niya sa mga ito.

Hindi nakakibo ang mga taong naroon. Tila napahiya ang mga ito sa tinuran niya.

Nang sumunod na araw ay lumabas na ang resulta ng test nilang mag-ina at pareho silang nag-negatibo sa virus. Patuloy naman na sinusunod ni Aling Dina ang mga payo ng doktor para sa mabilis niyang paggaling.

Laking pasasalamat ni Donald sa Diyos dahil ligtas na ang kaniyang ina at wala naman pala itong malubhang sakit.

Hindi lahat ng tao ay kayang gawin ang ginawa ni Donald. Hindi natin siya masisisi dahil gaya ng isang magulang sa anak, gagawin din ng anak ang lahat para sa magulang kahit pa malagay sa panganib ang sariling buhay.

Advertisement