
Tila Walang Pakialam ang Pamilya sa Tatay na Dating Sugarol; Napaluha Sila sa Sinapit Nito Dahil sa Kanilang Kapabayaan
“Ano ba naman ‘yang Tatay mo, tanghali na eh tutulog tulog pa!”
Nabungaran ni Gino ang kaniyang inang naglilitanya nang pumasok siya sa kusina upang mag-almusal.
“Anak, halika na rito bago pa lumamig ang gatas,” yaya ng ina niya nang makita siya nito.
“Tatawagin ko si Tatay. Alam mo naman ‘yun, ‘pag hindi mo tinawag ‘yun, hindi lalabas,” naiiling na wika ng kaniyang Papa.
“Bakit kailangang pang tinatawag? Wala ba siyang paa?” nandidilat na tanong ng kaniyang ina.
Tumayo si Gino. “Ako na po ang pupunta kay Lolo!” mabilis na pagboboluntaryo niya. Bago pa makaimik ang mga ito ay nakalabas na siya ng bahay.
Alam niya kasing makakarinig na naman ng kung ano-ano ang kaniyang Lolo Gerry kapag ang ama niya ang gumising dito.
“‘Lo?” tawag niya matapos kumatok nang tatlong beses.
“Bukas ‘yan,” sagot nito.
Naabutan niya ang Lolo na nakatanaw sa bintana. Mukha itong kanina pa nagising dahil nakaligo na ito at nakabihis.
“‘Lo, tara, labas na po tayo para kumain,” yaya niya sa matanda.
“Maya maya na siguro, apo,” sagot nito habang malayo pa rin ang tingin.
“‘Lo, alam ko pong gutom na kayo. Tara na po at gusto kitang kasabay kumain,” katwiran niya.
Noon lang siya nito nilingon. Napangiti si Gino. Alam niya kasing hindi siya nito matatanggihan.
“Sige na nga, apo.” May tipid na ngiti sa labi nito.
Nang dumating sila sa kusina ay tahimik na kumakain ang kaniyang mga magulang.
Hindi nagpatumpik tumpik ang kaniyang ina at agad na nagpatutsada.
“Ayun, gising na ang hari,” bulong nito, na sapat pa rin ang lakas para marinig nilang lahat, lalo na ng kaniyang Lolo.
Kitang kita niya ang pagbagsak ng balikat ng matanda.
“‘Lo, timplahan kita ng kape?” pag-agaw niya sa atensiyon ng matanda.
Nagtagumpay naman siya nang ngumiti ito. “Sige nga, apo, masarap ka magtimpla ng kape eh,” sagot nito.
Ang kaniyang Mama naman ay nagdadabog na tinapos ang pagkain nito, habang ang kaniyang Papa ay iiling iling lamang, ngunit halatang dismayado rin.
“‘Tay, tumulong tulong ka naman dito sa bahay, para naman may pakinabang kayo,” mahinang sabi ng kaniyang ama.
Sumilay ang pilit na ngiti sa labi ng kaniyang Lolo, ngunit kitang kita sa mga mata nito na nasaktan ito sa sinabi ng kaniyang Papa.
“Oo, sige, anak, pasensiya na,” paghingi nito ng dispensa.
Hindi naman lihim kay Gino ang istorya ng pamilya nila. Galit ang kaniyang mga magulang sa kaniyang Lolo Gerry dahil matagal na panahong nabaon sa utang ang kanilang pamilya dahil sa ad*ksyon ng Lolo niya sa pagsusugal.
Nabayaran na ang lahat ng utang nila subalit tila hindi malimot limot ng kaniyang Mama at Papa ang mga hirap na dinanas nila.
Kaya naman madalas pa rin marinig ni Gino na sinusumbatan ng kaniyang mga magulang ang kaniyang Lolo.
“Saan ho ba kayo nagpupupunta, ‘Tay? Balita ko dumadalas na naman daw ang paglabas labas niyo, ah?” maya maya ay usisa ng kaniyang Papa.
“Saan pa, malamang sa pasugalan!” maya-maya ay sabat ng kaniyang ina.
Napayuko ang matanda bago nagsalita. “Sa tabi tabi lang. Sa mga kumpare ko, kung minsan,” tipid na sagot ng kaniyang Lolo.
Tumayo na ang kaniyang ama.
“Siguraduhin niyo lang na wala kang ginagawang kalokohan, ‘Tay. Malilintikan ka talaga sa akin. Tandaan mo na kami ang nagpapakain sa’yo dito,” tila batang pangaral nito sa ama bago lumabas ng kusina upang pumasok sa opisina.
Muling sumungaw ang lungkot sa mata ng kaniyang Lolo habang tinatanaw ang papalayong bulto ng kaniyang Papa.
“‘Lo, kain na po,” untag niya rito.
Pilit itong ngumiti bago nagsimulang kumain.
Ganoon ang araw-araw na kinakaharap ng kaniyang Lolo. Halos magkulong ito sa kwarto nito nuong maghapon upang hindi ito mapuna ng kaniyang Mama at Papa. Pagdating ng hapon ay lalabas ito at magpupunta kung saan, at gabi na uuwi, kadalasan ay kapag tulog na ang kaniyang mga magulang.
Nalulungkot siya para sa kaniyang Lolo subalit hindi niya rin naman ito mapagtanggol sa kaniyang mga magulang dahil ayaw niya rin naman na sumali sa gulo ng mga matatanda.
Ngunit sa kaniyang malilit na paraan ay pinapakita niya sa kaniyang Lolo na mahal na mahal niya ito.
“Apo, labas lang ako, ha. ‘Wag mo na akong hintayin, ayoko naman napupuyat ka masyado. Sanay naman na ako kumain mag-isa,” paalam ng kaniyang Lolo nang hapon na iyon.
Sa unang pagkakataon ay inusisa niya ito.
“‘Lo, saan po ba kayo napunta? Halos araw araw ho kayo naalis eh.”
Natawa ang matanda. “Sa tabi-tabi lang, hijo.”
“Umuwi po kayo nang maaga, ‘Lo. Baka pagalitan na naman kayo nila Papa,” paalala niya sa matanda.
Kumaway lamang ito bago tuluyang umalis.
Dahil sa paalala ng kaniyang Lolo ay maaga siyang natulog nang gabing iyon. Subalit sa kalagitnaan ng gabi ay nagising siya sa komosyon na gawa ng kaniyang mga magulang.
“Grabe talaga ‘yang Tatay mo, Ferdinand! Hindi na natuto! Masyado na siyang pabigat sa pamilya natin! Dapat diyan pinapabayaan mo na, eh!” galit na satsat ng kaniyang Mama.
Napailing ang kaniyang ama. Bakas din sa mukha nito ang matinding galit.
“Hayaan muna natin siya sa kulungan nang isang gabi. Hayaan nating dun siya matulog para naman magtanda siya!” desisyon ng kaniyang Papa.
Mula sa pakikinig sa kaniyang kwarto ay napatakbo si Gino sa sala.
“Ano pong nangyari? Bakit po nasa kulungan si Lolo?” gulat na usisa niya sa mga magulang.
Marahas na napabuntong hininga ang kaniyang ina bago sumagot.
“‘Yang magaling mong Lolo, kasama sa mga naaresto ng pulis sa pasugalan! Sumasakit ang ulo ko sa matandang ‘yun!” galit na galit na bulalas nito bago nagdadabog na muling pumasok sa kwarto.
“‘Pa, hindi naman po natin papabayaan si Lolo dun, ‘di ba? Puntahan po natin siya,” baling niya sa ama.
“Hindi na, anak. Bukas ng umaga na. Para naman matuto si Tatay at ihinto niya na ang mga kalokohan niya,” malamig na tugon nito.
“Pero kawawa naman po si Lolo! Mainit ang masikip doon!”
Halos maiyak na siya sa pagkumbinsi sa kaniyang ama dahil nag-aalala siya sa kaniyang Lolo. Matanda na ito ay sigurado siyang hindi ito magiging komportable doon. Subalit pinal na ang desisyon ng kaniyang ama.
“Matulog ka na, Gino, kung ayaw mong madamay sa galit ko,” matigas na utos nito bago pumasok na rin sa silid nito.
Masamang masama man ang loob ni Gino sa mga magulang ay wala siyang nagawa kundi hintayin ang umaga para muling makita ang kaniyang Lolo.
Subalit bago pa man sila makaalis ng bahay ay isang tawag mula sa presinto ang natanggap ng kaniyang ama.
Pumanaw na raw ang kaniyang Lolo. Inatake raw ito sa puso kaninang madaling araw.
“Isinugod pa namin sa ospital, ang kaso ay hindi na nailigtas ng doktor,” kwento pa ng pulis na nakausap nila.
Sa unang pagkakataon ay nakita niyang umiyak ang kaniyang ama.
“Sorry, ‘Tay! Hindi ko naman alam na magkakaganito!” lumuluhang bulalas nito habang hawak ang kamay ng pumanaw nitong ama.
Ngunit alam niya na alam nito na kahit anong pagluha pa ang gawin nito ay hindi na nito maibabalik ang panahon at ang buhay ng ama.
Mas lalo pang tumindi ang pagdadalamhati ng kaniyang mga magulang nang ilang araw matapos ang libing ng kaniyang Lolo ay isang ‘di kilalang lalaki ang bumisita sa kanilang bahay.
Gulat na gulat ang mag-anak sa sadya ng abogado.
“Nandito ho ako para ipaalam sa inyo ang tungkol sa huling habilin ni Sir Gerry. Nag-iwan siya nang malaking halaga para sa pag-aaral ng nag-iisa niyang apo na si Gino.”
Nilingon siya ng abogado.
“Hijo, kapag magko-kolehiyo ka na, wala ka nang dapat alalahanin dahil may sapat na halaga na nakatabi ang Lolo mo para sa pag-aaral mo. Inilaan niya talaga ito dahil alam niyang mabigat para sa mga magulang na magpaaral,” pagbabalita nito.
“Paano hong nangyari ‘yun? Saan naman kukuha si Tatay nang ganoon kalaking halaga?” kunot noong tanong ng kaniyang ina.
Napag-alaman nila na sa muling pagpunta punta pala ng kaniyang Lolo sa pasugalan ay sinuwerte ito.
Lahat ng napanalunan nito ay itinabi nito para sa pag-aaral ni Gino.
Bumagsak ang luha sa mga mata ni Gino. Hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataon na magpasalamat sa kaniyang Lolo.
Sa unang araw niya sa kolehiyo ay nagsindi siya ng kandila para sa kaluluwa ng kaniyang Lolo Gerry.
“Lolo, maraming salamat po. Hinding hindi ko po sasayangin ang iniwan niyo para sa akin. Mahal na mahal kita, Lolo Gerry,” bulong niya sa hangin.