
Binuntis Lang at Iniwan ng Nobyong Seaman ang Babae; Nagulat Siya nang Bigla Itong Nagbalik
Isang taong palang na magkasintahan sina Stephen at Lydia ngunit pumayag na agad ang dalaga na ibigay sa nobyo ang kaniyang iniingatang pagkababae.
“Babe, paano na ito, nakuha mo na ang gusto mo sa akin. Paano na ako?” tanong ni Lydia sa kasintahan.
“Hindi naman kita papabayaan, eh,” tangi nitong sagot.
“P-pero, hindi tayo nag-ingat sa ginawa natin. P-paano kung magbunga ang kapusukan nating ito?”
“Ako ang bahala, babe,” nakangiting tugon ni Stephen sabay halik sa balikat niya na nagpapahiwatig na gusto pa nitong ulitin ang ginawa nila.
“Babe? Tama na ‘yan!” saway niya.
“Gusto ko pa ng isa pang round. Pagbigyan mo na ako, huwag kang mag-alala at ako ang bahala,” ungot ng nobyo.
Hindi napigilan ni Lydia ang sarili, madali siyang nadarang sa ginagawang paghalik sa kaniya ng nobyo. Wala siyang nagawa kundi pagbigyan si Stephen. Mahal na mahal niya ang kasintahan kaya labis ang pagtitiwala niya rito. Naniniwala siya na hindi siya nito papabayaan.
Lumipas ang dalawang linggo at nagpaalam na ang nobyo na sasakay na ito sa barko. Seaman ang trabaho ni Stephen at umpisa na ng paglalayag nito sa dagat. Nangako ang lalaki na sa pagbabalik nito ay magpapakasal na silang dalawa.
Pinanghawakan ni Lydia ang pangakong iyon ni Stephen. Kilala niya ang nobyo, kapag nangako ito ay tinototoo nito kaya panatag siya kahit pa magkalayo sila.
Mabilis na nagdaan ang apat na buwan. Hindi niya inakala na magbubunga ang pagniniig nila ni Stephen. Kasalukuyan siyang nagdadalantao na nalaman din ng kaniyang mga magulang.
“Bakit hindi mo agad sinabi sa amin ang tungkol sa pagbubuntis mo? Anong plano ni Stephen sa iyo at sa inyong magiging anak?” tanong ng amang si Mang Hilario.
“Aba. Hindi kami makakapayag na maging bastardo ang apo namin. Kailangan na pakasalan ka ng lalaking iyon,” sabi pa ng inang si Aling Remedios.
“Huwag po kayong mag-alala, nangako po si Stephen na magpapakasal kami kapag dumating na siya,” sagot niya.
“Dapat lang, anak. Teka, alam na ba niya na magkakaanak na kayo?” tanong ng ina.
“H-hindi pa po. Hindi pa po kami nakakapag-usap, eh. Hayaan niyo at ipapaalam ko sa kaniya. Siguradong matutuwa siya na magkakaroon na kami ng baby,” aniya.
Ngunit ilang linggo na ang nakakaraan ngunit hindi pa tumatawag sa kaniya ang nobyo. Hindi rin ito sumasagot sa mga chat niya. Ang huling pag-uusap nila ay isang buwan na ang nakakalipas. Sinubukan niyang tawagan ang mga magulang, mga kapatid at ang malalapit nitong kaibigan ngunit hindi rin alam ng mga ito kung bakit hindi nagpaparamdam ang nobyo. Sinabi ng mga ito na baka sobrang busy lang ng lalaki sa trabaho nito sa barko.
Sa una ay hindi nag-aalala si Lydia sa hindi pagsagot ni Stephen sa mga tawag at chat niya ngunit isang araw ay nakasalubong niya ang kaibigang si Joyce. Nagulat siya na bigla na lang itong napahagulgol nang makita siya.
“O, bakit ka umiiyak?” tanong niya.
“Nalaman ko kasi na may ibang babae si Edison. Matagal na pala niya akong pinagtataksilan. Ang masakit at hindi ko matanggap ay nabuntis pa niya iyong babae niya,” sumbong ng kaibigan.
Ang tinutukoy nitong Edison ay ang nobyo nitong seaman na nakabuntis ng ibang babae.
“Hindi talaga mapagkakatiwalaan ang mga seaman na ‘yan, mga seamanloloko!” hagulgol pa ni Joyce.
Biglang nakaramdam ng pag-aalala si Lydia. Ilang linggo na siyang hindi kinakausap ni Stephen. Hindi na ito nagpaparamdam sa kaniya. Kahit mga magulang, kaibigan at mga kamag-anak ng lalaki ay hindi alam kung bakit hindi ito nakikipagkomunikasyon sa kaniya. Nabuo na sa isip niya ang paghihinala sa nobyo. Guwapo pa naman at matipuno ang kasintahang si Stephen kaya habulin ito ng mga babae noong nasa kolehiyo pa sila.
“Diyos ko, niloloko rin kaya ako ni Stephen? Baka kaya hindi na niya sinasagot ang mga tawag at chat ko sa kaniya ay dahil may iba siyang kinalolokohang babae?” tanong niya sa isip.
Buong gabi siyang hindi nakatulog. Iniisip niya ang nangyari sa kaibigang si Joyce na niloko ng nobyong seaman. Paano kung malaman niyang niloloko rin siya ng nobyo at may balak na itong iwan siya. Paano na ang sanggol sa sinapupunan niya? Hindi niya napigilan na mapaiyak.
“Buwisit ka, Stephen! Matapos mo akong buntisin ay mukhang may balak kang iwan ako sa ere? Umasa pa naman ako sa pangako mo na pakakasalan ako tapos ay hindi naman pala. Napakasama mo!” ngitngit niya sa isang tabi habang patuloy ang pagdaloy ng luha sa mga mata.
Habang tumatagal ay lumalaki na ang tiyan niya. Hindi na niya maitatago pa ang pagdadalantao niya. Masamang-masama ang loob niya sa nobyo dahil tila kinalimutan na siya nito.
“Hindi bale, kaya kong palakihin na mag-isa ang anak ko. Kaya ko siyang buhayin nang wala ka, Stephen!” sambit niya sa sarili habang hinihimas ang bilugang tiyan. Kahit mahirap ay tanggap na niya ang kapalarang sinapit. Niloko lang pala siya ng lalaking minahal niya at pinagkatiwalaan. Inanakan lang siya nito, iniwan at pinabayaan, pero para sa kaniya ay tuloy pa rin ang buhay niya. Nakasuporta naman sa kaniya ang nanay at tatay niya at mga kaibigan. Handa na niyang kalimutan si Stephen.
Isang araw, habang nakaupo si Lydia sa sofa at nanonood ng TV ay may narinig siyang katok sa pintuan.
“S-sino kaya itong kumakatok? Kakaalis lang nina inay at itay papuntang palengke ah! Saka wala naman akong inaasahang bisita,” aniya.
Kahit hirap na sa paglalakad ay nagawa niyang tumayo at binuksan ang pinto. Laking gulat niya nang makita kung sino ang nasa labas ng kanilang bahay.
“S-Stephen?!”
“Ako nga, babe. Gaya ng ipinangako ko sa iyo, narito na ako,” wika ng lalaki na dala-dala pa ang mga bagahe nito. May bitbit itong malaking pumpon ng mga bulaklak.
Hindi napigilan ni Lydia na mapaluha nang makita ang nobyong kay tagal na hindi nagparamdam sa kaniya.
“A-akala ko ay hindi ka na babalik. Ang akala ko ay tuluyan mo na kaming iniwan at kinalimutan,” hagulgol niya habang hinihimas ang malaking tiyan.
Napatingin si Stephen sa tiyan ng nobya at laking tuwa nito.
“Magkaka-baby na tayo. Magiging tatay na ako?” tanong ng lalaki.
“Oo. Ipinagbubuntis ko ang anak natin. Gustung-gusto ko nang ibalita sa iyo kaso hindi mo sinasagot ang mga tawag at chat ko sa iyo. Inisip ko tuloy na wala ka nang pakialam sa akin at sa ating magiging anak.”
“Hindi ‘yan totoo, babe. Sinadya ko talaga na hindi magparamdam sa iyo dahil gusto kitang sorpresahin. Kinasabwat ko sina mama, papa at mga kapatid ko at mga kaibigan. Sinabi ko sa kanila na huwag ipaalam sa iyo ang mga nangyayari sa akin, pero alam ko ang lahat nang nangyayari sa iyo dahil palagi nila akong tinatawagan para ibalita sa akin. Alam ko rin ang tungkol sa pagdadalantao mo. Sorry kung hindi ako nagparamdam, sorry kung pinag-alala kita, ginawa ko iyon dahil gusto ko na sa aking pagbabalik ay handang-handa na ako para sa ating dalawa at sa ating magiging anak,” hayag ng lalaki.
“Ano? Ibig mong s-sabihin ay matagal mo nang alam ang tungkol sa pagbubuntis ko?” ‘di makapaniwalang tanong ng nobya.
“Oo, babe. Nagtrabaho ako nang mabuti sa barko hanggang sa makaipon ako. Sa maikling panahon ay nakapagpundar na ako ng bahay at lupa para sa ating magiging pamilya. Nakabili na rin ako ng sariling sasakyan at nakapagpatayo na rin ako ng isang maliit na negosyo. Ginamit ko ang sarili kong ipon at kinita sa trabaho para sa kinabukasan natin, mahal ko. Gusto kong maayos na ang lahat bago kita iharap sa dambana. Ngayon na handa na ang lahat ay maitutuloy ko na ang matagal ko nang gustong gawin,” wika ni Stephen habang inilabas sa maliit na kahon ang isang mamahaling singsing at isinuot sa daliri niya. “Will you, marry me, my love?”
Patuloy pa rin sa pagluha si Lydia. Hindi pa rin siya makapaniwala sa lahat ng ginawa ni Stephen para sa kaniya. Inakala niya na kinalimutan na siya nito at pinabayaan ngunit mali pala ang hinala niya. Naghintay lang ito ng tamang pagkakataon para tuparin ang ipinangako nito sa kaniya. Napatunayan niya na totoo ang pagmamahal ng nobyo. Hindi pala lahat ng seaman ay manloloko, mayroon pa ring katulad ni Stephen na tapat at wagas kung magmahal.
Ano pa nga ba ang maisasagot niya.
“Yes, babe. I will marry you!” tugon niya sabay yakap at halik sa labi ni Stephen. Masuyo naman siya nitong ginantihan ng halik.
Ikinasal ang dalawa at ‘di nagtagal ay isinilang na rin ni Lydia ang panganay nilang anak ni Stephen na pinangalanan nilang Liam. Hindi na itinuloy ni Stephen ang pagiging seaman at nagtulungan na lang silang mag-asawa sa itinayong negosyo hanggang sa napaunlad nila ito. Lumipas ang mga taon at biniyayaan ulit sila ng dalawa pang anak at namuhay na masaya at masagana.