Inday TrendingInday Trending
May Kakatwang Tunog Siyang Narinig Mula sa Loob ng Nililinis na Sasakyan; Anong Misteryo ang Bumabalot Dito?

May Kakatwang Tunog Siyang Narinig Mula sa Loob ng Nililinis na Sasakyan; Anong Misteryo ang Bumabalot Dito?

“Mario, bilisan mo nga riyan at may bagong sasakyan na kadarating lang! Tatamad-tamad ka talaga, eh!” narinig niyang galit sigaw ng kaniyang boss na si Eugene mula sa labas.

“Patapos na, Boss Eugene!” balik sigaw niya bago siniguro na kumikinang na sa linis ang sasakyan na inasikaso niya.

Halos dalawang taon na rin siyang nagtatrabaho sa lugar na iyon bilang isang tagalinis ng sasakyan. Bagaman may kaliitan ang sinusweldo niya ay hindi naman siya makaalis sa lugar na iyon dahil iyon ang tumutustos sa pangangailangan nila ng kaniyang nakababatang kapatid.

Tinitiis niya na lang din ang masamang ugali ng kaniyang amo. Wala naman kasi siyang pagpipilian dahil elementarya lang ang natapos niya.

Umaasa at nagdarasal na lang siya na isang araw ay makakaalis din siya sa lugar na iyon.

Nang lumabas siya ay namataan niya ang amo na kausap ang dalawang lalaking nakaitim. Malaki ang katawan ng isa habang payat naman ang isa subalit pawang mukhang siga at walang sinasanto ang dalawa.

“Mario, halika rito, simulan mo na at mukhang matagal tagal mo ring tatrabahuhin ‘to,” tawag sa kaniya ng amo.

Napatingin siya sa sasakyan ng dalawang kustomer. Isa itong itim na sedan na balot ng makapal na putik ang gulong.

“‘Toy, bilisan mo lang ha, nagmamadali kasi kami,” utos ng lalaking malaki ang katawan.

“Wala kang ibang papakialaman ha, bilisan mo ang paglilinis,” paalala pa ng isa.

“Kung anong makita mo o marinig mo, ‘wag kang makikialam kung ayaw mong malintikan,” banta pa ng lalaking payat.

“Areglado, mga boss!” kahit nagtataka ay pahabol na sigaw niya sa dalawang hindi pa gaanong nakalalayo.

Dahil hindi naman ganoon karumi ang katawan ng sasakyan ay hindi naman siya nahirapan. Halos bente minutos lang ang lumipas ay nililinis niya na ang pinakamahirap na parte – ang maputik na gulong ng sasakyan.

Kasalukuyan niyang tinatanggal ang makapal na putik sa gulong nang sasakyan nang makarinig siya nang mahinang pagkatok.

Subalit nang lingunin niya ang paligid ay wala naman siyang nakitang kahit na ano sa pinto.

“Tok! Tok! Tok!”

Nakaramdam na siya nang pagkabahala nang muling marinig ang pagkatok.

Sa pagkakataong iyon kasi, napagtanto niya na tila nanggagaling sa loob ng sasakyan ang kakatwang ingay.

“Bakit tila may tao yata sa loob ng sasakyan?” kinakabahang tanong ni Mario sa sarili.

Napapitlag siya nang sa ikatlong pagkakataon ay marinig niya ang pagkatok.

Noon ay sigurado na siya sa na sa loob nga ng sasakyan nagmumula ang ingay! Sa palagay niya ay likurang bahagi nagmumula ang pagkatok!

Bubuksan niya na sana ang trunk ng sasakyan nang maalala niya ang sinabi ng dalawang may-ari ng kotse.

“Kung anong makita mo o marinig mo, ‘wag kang makikialam kung ayaw mong malintikan.”

Ito ba ang sinasabi ng dalawa? May ginagawa ba ang mga itong ilegal at labag sa batas?

Sa naisip ay lakas loob niyang sinubukang buksan ang sasakyan, subalit naka-lock iyon.

Dali dali siyang humanap ng bagay na makatutulong sa kaniya upang mabuksan ang sasakyan. May pakiramdam kasi siyang may matatagpuan siyang hindi kanais-nais.

“Hoy, Mario! Ano’ng ginawa mo?” sita sa kaniya ng among si Eugene nang makitang pinupwersa niyang buksan ang sasakyan.

“Boss! Parang may tao sa loob! Kanina pa may kumakatok!” nanlalaki ang matang kwento niya sa amo.

“‘Wag mong pakialaman! Labas na tayo diyan! Mamaya niyan balikan pa tayo nung dalawa, nakakatakot pa naman ang mga itsura!” agarang kontra ni Eugene. Bakas sa mata nito ang matinding pagkabahala at inis.

“Hindi, boss! Paano kung kr*minal pala ‘yung mga ‘yun? Sayang naman ang pagkakataon nating makapagligtas ng buhay!” katwiran niya.

“Bahala ka, Mario! Basta labas ako riyan! ‘Pag binuksan mo ‘yan nang hindi alam ng may-ari, pwede tayong idemanda! B0b0 ka ba, at hindi mo alam ‘yun?!” maanghang na pahayag nito.

“Sorry, boss. Hindi ko pwedeng ipagsawalang-bahala ito,” pinal na desisyon niya.

“Aalisin kita sa trabaho! Wala kang silbi!” pahabol na paalala pa ng kaniyang amo subalit hindi na nito mababago ang desisyon niya. Hindi siya maaaring magbingi-bingihan.

Nang mabuksan niya ang trunk ay tila may pumiga sa puso niya nang makita ang isang batang marusing na may busal ang bibig, hilam sa luha ang mga mata nito habang pulang pula ang kamay at paa nito na nakatali ng makapal na lubid.

Nakadama siya ng awa sa bata lalo na’t sa tingin niya ay kaedaran lamang ito ng kapatid niyang si Betty.

“Tubig po!” umiiyak na ungot nito nang tanggalin niya ang tela na nakabusal sa bibig nito.

Agad na binigyan niya ito ng tubig na inisang lagok lang nito sa sobrang pagkauhaw. Tumawag siya ng pulis upang mahuli ang dalawang lalaki na sa kabutihang palad ay wala pa ring alam na nadiskubre na nila ang kr*men ng mga ito.

Nang bumalik ang dalawa ay hindi na nakatakas ang mga ito lalo pa’t malinaw ang ebidensiya, at nahuli ang dalawa sa akto.

“Diyos ko, Nina! Akala ko hindi na kita makikita ulit!” lumuluhang bulalas nang ama ng batang si Nina.

Napag-alaman ni Mario na b*ktima pala ng k*dnap-for-r@nsom ang pamilya. Hinihingan ng limang milyong piso kapalit ng kaligtasan ng bata.

Iyon na sana ang araw na ibibigay ng pamilya ng bata ang pera. Kaya napakalaki ng pasasalamat ng pamilya ng batang si Nina sa kaniya. Hindi rin daw kasi sigurado ng mga ito ang kaligtasan ng bata kahit na mayroon silang ganoon kalaking pera.

“Maraming salamat, Mario. Tatanawin namin itong malaking utang na loob,” sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay wika ng ina ng bata.

“Naku, wala ho ‘yun. Hindi ko naman din ho makakaya na hindi pansinin kung may magagawa naman ako para tumulong,” nahihiyang sagot niya sa magulang ni Nina.

Ang sunod na sinabi ng mga ito ang hindi niya inasahan.

“Hindi namin alam kung nakita mo na sa balita pero mayroon kaming inaalok na gantimpala sa kung sinumang makapagsasabi kung nasaan si Nina,” pagbabalita ng ama ng bata.

“Bibigyan ka namin ng isang milyon bilang pasasalamat.”

Nanlaki ang mata ni Mario sa narinig.

“Ho? Napakalaking halaga naman ho yata nun!” hindi makapaniwalang bulalas niya.

“Walang katumbas na halaga ang buhay ng anak namin. Kaya malaki ang pasasalamat namin na naibalik mo siya sa amin nang ligtas, Mario. Kaya tanggapin mo ang pasasalamat namin.” nakangiting wika ng ina ng bata.

Walang pagsidlan ang ligaya ni Mario. Bukod kasi sa siguradong magkakaroon siya ng pantustos sa kanilang magkapatid, sa wakas ay hindi niya na kailangang tiisin ang masamang ugali ng kaniyang amo.

Tinotoo ng mag-asawa ang pangako. Tumataginting na isang milyon ang ibinigay na pubuya sa kaniya!

Nagkaroon siya ng tiyansang magsimula muli. Nagtayo siya ng sarili niyang palinisan ng sasakyan.

Malaki ang pasasalamat ni Mario. Sino nga ba ang mag-aakala na ang hindi niya pagbubulag-bulagan ang mag-aalis sa kaniya sa kahirapan?

Advertisement