
Kinukutya ng mga Kaklase ang Trabaho ng Nanay ng Dalaga; Tameme ang mga Ito Nang Sumapit ang Pagtatapos Nila
Sabik na si Mariel dahil sa nalalapit niyang pagtatapos sa kolehiyo. Sa wakas at nagbunga rin ang kaniyang pagsusumikap sa pag-aaral. Mula nang pumanaw ang kaniyang ama ay ang inang si Marichu na ang nagtaguyod sa kaniyang pag-aaral. Nagtatrabaho ito bilang isang call center agent sa Makati. Night shift ang schedule ng ina sa pinagtatrabahuhang BPO company kaya siguradong makapupunta ito sa graduation niya.
“Ngayon pa lang ay binabati na kita, anak. Matutupad na ang pangarap mong maging abogado,” masayang sabi ng ina.
“Thank you, mama, para sa iyo ito! Sisikapin kong makapasa sa bar exam. Umpisa pa lang ito sa katuparan ng mga pangarap natin,” sagot ni Mariel.
Ang balak talaga niya, kapag isa na siyang ganap na abogado ay pahihintuin na niya sa pagtatrabaho ang ina. Ilang taon na ring naghahanapbuhay ang ina mairaos lang ang pag-aaral niya. Gusto niya na siya naman ang magtatrabaho para sa kanilang dalawa. Panahon na para makapagpahinga ang mama niya at siya naman ang magpalasap dito ng kaginhawaan.
Kung ipinagmamalaki ni Mariel ang trabaho ng ina, labis naman na pangungutya at panghahamak ang bukambibig ng mga kaklase niya patungkol sa pagiging call center agent ng ina.
“Ang cheap naman ng trabaho ng mama mo. Pati pangalan ng BPO company na pinapasukan niya ay hindi man lang kilala? Mabuti pa ang mommy ko, manager sa isang kilalang bangko,” wika ng kaklase niyang si Julia.
“Ako naman, doktora ang mama ko sa isang kilalang pribadong ospital. Kaya nga tuwang-tuwa ako nang malaman kong pupunta siya sa graduation natin. Sikat pa naman ang mama ko sa social media dahil sa mga vlog niya. Sabik na akong ipakilala siya sa mga teacher natin,” sabad naman ng kaklase niyang si Kiara.
“Abogado naman ang mommy ko. Alam niyo ba na nagtapos din siya rito sa school natin? Kaya kilalang-kilala na siya ng mga teacher dito. Kaya ako, gusto kong maging katulad ng mama ko,” hirit pa ng kaklase niyang si Roselyn.
“Eh, ikaw, Mariel, isa lamang hamak na call center agent ang mama mo tapos ay sa cheap na kumpanya pa nagtatrabaho. Anong panama ng trabaho ng mama mo sa mga trabaho ng mama namin?” patuloy na pangungutya ni Julia.
“Tiyak na walang sinabi ang mama mo sa mga mama namin. Lalo na sa darating na graduation ay mas kaiinggitan sila ng ibang mga magulang na pupunta roon,” dagdag pa ni Roselyn.
“Alam ko naman na magaganda ang mga trabaho ng mga mama niyo, pero kahit isang call center agent lang ang mama ko, ipinagmamalaki ko pa rin ang trabaho niya dahil sa trabaho niyang iyon, nagawa niya akong mapagtapos sa pag-aral. At isa pa, hindi biro ang maging isang call center agent, marami silang isinasakripisyo para mabigyan lang nang maayos na buhay ang kanilang mga pamilya. Kaya para sa akin, saludo ako kay mama dahil isa siyang ulirang ina,” makahulugang sagot ni Mariel.
Hindi naman nakasagot ang tatlo niyang sosyalerang kaklase. Tila tinablan ang mga ito sa sinabi niya.
Nang sumapit ang araw ng pagtatapos ay tuwang-tuwa ang mga mag-aaral at mga magulang na nagsidalo. Masaya rin si Mariel dahil kasama niya sa pinaka-espesyal niyang araw ang kaniyang ina. Hindi siya nito binigo. Kahit wala pang tulog at pahinga ang mama niya dahil galing ito sa trabaho ay pinaghandaan talaga nito ang graduation niya. Isinuot pa nga nito ang pinakapaborito nitong damit.
“Thank you, mama, at nakasama ka sa graduation ko.”
“Hindi maaari na hindi ako pumunta sa espesyal na araw mo, anak. Gusto kong masaksihan na unti-unti mo nang natutupad ang mga pangarap mo,” sagot ng ina.
Maya-maya ay napansin niya na malungkot ang tatlo niyang kaklase na sina Julia, Kiara at Roselyn.
Napag-alaman niya na hindi makakarating ang mga ina ng tatlo. Hindi raw makakapunta ang mama ni Julia dahil may importante itong meeting na pupuntahan. Ang mommy naman ni Kiara ay hindi makakadalo dahil maraming mga pasyente na inaasikaso sa ospital. Hindi makakarating ang mama ni Roselyn dahil may importante itong kasong hahawakan sa araw na iyon kaya labis ang panghihinayang ng tatlo. Laking inggit din ng mga mapanukso niyang kaklase dahil nakapunta ang mama niya sa graduation nila samantalang ang mga ito ay nganga.
Napagtanto ni Mariel na napakasuwerte niya dahil mahal na mahal talaga siya ng mama niya. Kahit hindi isang manager ng bangko, doktor at abogado ang trabaho ng mama niya ay nagawa pa rin nitong maglaan ng oras at panahon na makapunta sa graduation niya.
Nang matanggap ni Mariel ang kaniyang diploma at medalya ay agad niya itong inialay sa kaniyang ina.
“Para sa iyo ang aking tagumpay, mama. Para sa akin, ikaw ang the best na mama. Kahit kailan ay hinding-hindi kita ipagpapalit sa iba. I love you!” aniya at isinabit sa ina ang medalyang kaniyang natanggap.
“Salamat, anak. Ipinagmamalaki kita. Mahal na mahal din kita. Congratulations!” tugon ng ina sabay yakap nang mahigpit sa kaniya.
Hindi nasusukat sa uri ng trabaho ang pagiging ina. Ang mahalaga ay naipapakita at naipapadama ng isang ina ang pagmamahal at suporta sa kanilang mga anak.