Inday TrendingInday Trending
Nilihim ng Babae sa Kaniyang Asawa ang Pagiging Baog Niya, Lingid sa Kaniyang Kaalaman ay May Ginagawa Pala Itong Kabalbalan

Nilihim ng Babae sa Kaniyang Asawa ang Pagiging Baog Niya, Lingid sa Kaniyang Kaalaman ay May Ginagawa Pala Itong Kabalbalan

Bilog-bilog ang pawis sa noo ang makikita sa mukha ng tatlumpu’t isang taong gulang na si Jane habang hawak niya sa kaniyang kamay ang pregnancy test na unti-unti niyang sinisilip. Hinihiling na sana ay makita ang dalawang guhit na limang taon na niyang hinihintay.

Ngunit nang kaniyang tanggaling ang mga kamay na nakatakip, iisang guhit lamang ang kaniyang nasilayan. Napuno na naman ng pagkadismaya ang mukha ni Jane. Sinubukan na kasi niya ang lahat ng paraan maging mga ipinagbabawal na pamamaraan ngunit hanggang ngayon ay bigo pa rin siya. Maya-maya’y maririnig ang katok sa pintuan ng banyo.

“Ma’am? Ma’am Jane? Ayos lang ho ba kayo diyan? Ma’am?” paulit-ulit na tanong ng kasambahay na si Mel. Napansin kasi nitong mag-iisang oras na sa banyo ang kaniyang amo na si Jane at isa pa, nais sana niyang humingi ng ilang buwang pahinga dahil lumalaki na rin ang kaniyang tiyan bunga ng pagdadalantao.

“H-ha? Ehh… Oo naman. Ayos lang ako dito, may inaayos lang ako,” nagmamadaling sagot ni Jane habang madali rin siya sa pagliligpit ng mga kalat upang walang maiwang bakas ng pregnancy kit at kumaripas ito palabas ng banyo.

Tatlong buwan na rin nung malaman niya na walang pag-asa na magdalang tao siya mula sa kaniyang doktor. Nanlumo siya sa nalamang iyon ngunit hindi niya iyon pinaalam sa kaniyang limang taon nang asawa na si Ali. Kahit hindi kasi sabihin ng asawa, alam ni Jane na sabik na sabik ng magkaroon ng anak si Ali subalit hindi niya iyon maibigay sa limang taong pagsasama nila bilang mag asawa. Halos nanlamig na rin ito sa kaniya at pakiramdam nga niya ay wala siyang kwentang babae pati na asawa.

Napabuntong hininga na lamang si Jane nang maalala ang kaniyang asawa na si Allen. Ikinatatakot niyang mawala ito sa kaniya at sumama na lamang sa iba. Nakatulala siya sa kanilang kusina habang nag-iisip ng iba pang mga paraan upang magkaroon lamang ng anak. Maya-maya pa’y lumapit sa kaniya si Mel na halos nangangamba sa kaniyang sasabihin.

Isang taon pa lamang ito kila Jane na namamasukan bilang kasambahay. Balingkinitan ito at may maamong mukha. Kahit na bente uno pa lamang, marami na siyang naranasang trabaho dahil sa hirap ng buhay ng kaniyang pamilya.

“Ma’am?” mahinahong wika nito habang patuloy sa paglapit sa kaniyang amo na si Jane na bigla namang napatigil sa pag-iisip at binaling ang atensiyon kay Mel.

“Ano ‘yon? May sasabihin ka?” sagot nito na may mahinahong tono.

“Alam ko pong nakakahiya, ma’am, pero hihingi po sana ako ng leave ma’am. Kahit ilang buwan lang po sana…” biglang napatungo si Mel habang nagpapaalam kay Jane na wari bang napupuno siya ng hiya.

“H-ha? Bakit naman? May nangyari ba sa nanay mo o sa mga kapatid mo sa probinsya? Ano’ng nangyari? May maitutulong ba kami? Sabihin mo lang, Mel at huwag kang mahiya,” tugon ni Jane na may pag-aalala kay Mel. Itinuring na rin kasi niyang kapamilya ito at parang isang nakababatang kapatid.

Nagsimula nang ibuhos ni Mel ang kaniyang luha at agad naman siyang pinaupo ni Jane at ikinuha ng tubig. Maya-maya ay dumating si Allen na kakagaling lamang ng office. Nadatnan niya ang kasambahay at asawa na nasa kusina. Nang mga oras na iyon, biglang napatigil sa pag-iyak ang kasambahay. Muli siyang tinanong ng mag-asawa kung ano’ng problema.

“Nabuntis po ako… Pero hindi ko po kakayanin… Hindi ko po alam dahil may sakit din si nanay at kailangan niyang ma-operahan… ” kasunod ay ang pagbuhos ng luha ng kasmabahay na si Mel. Hindi pa siya handa at alam niyang mas magiging mahirap ang buhay niya, ng kaniyang pamilya sa probinsya at ng magiging anak. Punong-puno siya ng takot at lungkot sa nangyari. Wika niya’y nabuntis siya ng nobyong nakilala lamang online ngunit hindi na niya ito makontak.

Nang gabing iyon, lubos na nahabag si Jane sa nangyari kay Mel at hindi niya alam kung ano ang gagawin. Nais niyang tumulong ngunit kahit siya ay hindi niya alam ang gagawin. Nangako naman ang mag-asawang tutulong anuman ang maging desisyon nito.

“Kung bilhin ko na lang kaya ang anak ni Mel?” isang kaisipan ang biglang dumapo sa isip ni Jane. Ngunit agad niya itong binalewala dahil alam niyang hindi iyon tama subalit kung magkaroon man ng pagkakataon ay gagawin niya iyon magkaroon lamang ng anak. Yumakap siya sa asawang si Allen na natutulog na ng mga oras na iyon. Bigla na naman siyang nalungkot at naiyak, sinisisi ang Diyos kung bakit ang ibang babae’y nagkakaroon ng anak na hindi naman nila ninanais gayong siya na matagal ng ipinapanalanging magka-anak ay hindi siya mabiyayaan ng anak.

Hating gabi nang maalimpungatan si Jane sa kaniyang pagtulog. Nang kapain ang kama, wala roon si Allen marahil ay nasa kaniyang study room at nagtatrabaho. Una siyang nagpunta agad sa kusina upang uminom ng tubig. Pabalik na sana siya sa kaniyang higaan nang marinig ang tinig ng isang umiiyak na babae. Naringgan niyang boses iyon ni Mel kaya naman mabilis siyang pumunta sa likod ng bahay upang patahanin ang kasambahay.

Subalit laking gulat niya nang marinig ang pag-uusap ng kaniyang asawa na si Allen at si Mel.

“Sir, hindi ko naman po sana kailangan, pero hindi ko po kayang mawala si nanay at magutom ang mga kapatid ko…” atungal na wika ni Mel kay Allen.

“Naiintindihan ko. Kaya nga inalok kita na bigyan mo lang kami ng anak ni Jane ay bibigyan kita ng malaking halaga para magkaroon kayo ng negosyo at hindi kana mangamuhan pa, ‘di ba? Basta hindi dapat malaman ito ni Jane…” pangungumbinsi ni Allen sa umiiyak na kasambahay.

Unang papasok sana ng bahay si Allen matapos nilang mag-usap ni Mel ngunit natagpuan niyang umiiyak at nakaupo sa sahig ang asawang si Jane. Tumitig ito sa kaniya na punong-puno ng luha ang mga mata.

“Bakit, Allen? Ganoon na ba ako kawalang kwenta para sumira ka ng buhay ng ibang tao para sa sarili mong kaligayahan?” umiiyak na wika ni Jane sa kaniyang asawa.

Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Allen at ni Mel. Agad namang humingi ng tawad ang kasambahay at pumasok kaagad sa kaniyang silid. Naiwan naman ang mag-asawang nag-uusap sa kanilang sala.

“I’m sorry, Jane… Hindi ko naman sadyang saktan ka… Nalaman ko yung diagnosis mo sa doktor na wala nang pag-asang mag dalantao ka kaya ko lang ‘to nagawa. Promise, Jane, mahal na mahal kita at ayokong mawala ka sakin… At ayoko na ring nakikita kang malungkot mag-isa dito sa bahay…” paliwanag naman ni Allen sa kaniyang asawa. Subalit walang tugon doon si Jane. Sobra siyang nasaktan sa ginawang iyon ni Allen. Kahit na hindi siya niloko nito, pakiramdam niya ay napaka walang kwenta niyang babae at asawa.

Umalis kinabukasan si Mel upang tumigil muna sa tiyahin ni Allen at maalagaan siya sa kaniyang pagbubuntis. Ngunit hindi pa rin maayos ang relasyon ng mag-asawang Jane at Allen. Buong akala nila’y susi ang pagkakaroon ng anak upang lubusan na silang maging masaya subalit nagkamali sila.

Lumipas ang ilang mga buwan at dumating ang araw ng panganganak ni Mel. Nakarating ang balita sa mag-asawa at mabilis silang nagpunta sa ospital.

Makalipas ang ilang oras, dumating ang doktor upang ibalitang maayos na naipanganak ang batang lalaki ngunit sa kasamaang palad, binawian naman ng buhay si Mel dahil hindi niya kinaya ang panganganak.

Isang buwan ang nakakalipas, dumating ang isang sulat sa bahay nina Jane.

“Ma’am Jane… Isinulat ko po itong liham na ‘to para kung anuman po ang mangyari, masabi ko sa huling sandali ang salitang patawad at salamat… Patawad po sa desisyon kong gamitin si Sir Allen para matulungan ang pamilya ko. Ngunit salamat po kasi itinuring mo akong kapatid… Maging masaya po sana kayo, kayo na po ang bahala sa baby natin… Nagmamahal, Mel.”

Binuhat ni Jane ang kaniyang baby na pinangalanan niyang Melvin at tumungo sa kaniyang asawa na nasa kabilang kwarto. Napuno ng emosyon ang silid na iyon. Humingi sila ng tawad sa isa’t isa at muli, nangakong mamumuhay ng tapat at puno ng pagmamahal bilang isang buong pamilya.

Advertisement