Inday TrendingInday Trending
Ginamit ng Babae ang Sanggol Upang Perahan ang Kaniyang Nobyong may Asawa; May Malalaman Siyang Labis na Gugulantang sa Kaniya

Ginamit ng Babae ang Sanggol Upang Perahan ang Kaniyang Nobyong may Asawa; May Malalaman Siyang Labis na Gugulantang sa Kaniya

“David, tutal pitong taon na rin naman tayong nag-di-date. Nais ko sanang bigyan mo na ako ng anak. Hindi na ako bumabata. Mahaba na rin ang pitong taon na inilaan ko sa’yo,” deretsahang wika ni Shanen sa nobyong si David.

Pitong taon… pitong taon na rin ang tinagal ng relasyon nilang patago. May asawa na si David at mayroon itong tatlong anak sa asawa. Inuuwian lamang siya ni David, kapag nakalusot ito sa asawa na may business trip kunyari itong pupuntahan o ano-anong rason, makasama lamang siya ng lalaki.

“Ngunit alam mo naman Shanen, na wala sa plano natin ang anak,” wika ni David.

“Mamili ka David, bibigyan mo ako ng anak o maghihiwalay tayo?!” Matigas na wika ni Shanen.

Makalipas ang isang buwan ay nalaman ni Shanen na nagdadalantao siya. Labis-labis ang tuwang kaniyang naramdaman ng sa wakas ay nangyari na rin ang gusto niya.

“Kapag nailabas na kita anak, malamang tayo na ang pipiliin ng papa mo. Iiwan na niya ang pamilya niya at magiging buong pamilya na tayo,” masayang kausap ni Shanen sa sarili habang panay ang himas sa sinapupunan.

Masaya naman niyang ibinalita ang bagay na iyon kay David na kabaliktaran ang naging reaksyon ng nobyo.

“Bakit mukhang hindi ka masayang buntis na ako?” Takang tanong niya.

“Nangyari na ang gusto mo Shanen, alam mo naman na hindi ko kayang ipagpalit ang pamilya ko. Masaya akong kapiling ka, pero mas mahalaga pa rin para sa’kin ang pamilya ko,” malungkot na sambit ni David.

“Anong ibig mong sabihin David? Hanggang sa pagkapanganak ko’y pangalawa pa rin kami ng anak mo sa’yo,” inis na wika ni Shanen.

“Iyon naman kasi talaga ang usapan natin ‘di ba? Alam mo naman sa simula pa lang na may pamilya ako,” muling wika ni David. “Itigil na natin ito. Tutal natupad ko na ang hiling mo, sana maging masaya ka na d’yan. Huwag kang mag-aalala hindi ko pababayaan ang anak ko sa’yo. Pero sana manatili pa ring lihim ang lahat ng ito,” nakikiusap na wika ni David saka siya tuluyang tinalikuran.

Sa inis ni Shanen kay David ay naisip niyang gamitin ang ipinagbubuntis upang hingan ng pera sa David, t’wing may nais siyang bilhing damit, sapatos at kahit anong naisin niya. Wala namang magawa si David kung ‘di ang bigyan siya, lalo na kapag isinisingit na niya sa usapan ang plano niyang pag-amin sa asawa nito.

“Mas okay ang ganitong buhay. Daig ko pa ang pensyonada sa ganitong sitwasyon,” humahalakhak na wika ni Shanen.

Mabilis na lumipas ang araw at buwan. Ngayon ay kabuwanan na ni Shanen. Maayos naman niyang nailabas ang kaniyang anak na babae. Isang buwan na siya sa ospital ngunit ni minsan hindi man lang dumalaw sa kaniya si David.

“Ang ganda-ganda mo naman, anak. Sigurado akong matutuwa ang papa mo kapag nakita ka niya,” masayang kausap ni Shanen sa anak na ngayon ay mahimbing na natutulog sa kaniyang bisig.

Nakalabas na lamang siya ng ospital ay hindi man lang nagpakita sa kaniya si David, kaya nakapagdesisyon siyang tawagan ito.

“Ano na, David? Hindi mo man lang kami naalalang dalawin ng anak mo sa ospital. Baka nakakalimutan mo na ang obligasyon mo sa’min?!” galit na kausap ni Shanen sa kabilang linya.

“Pwede ba Shanen? Tama na ang pagpapanggap…” Mahinahon ngunit may riing wika ni David. “Alam ko na ang buong katotohanan na hindi ko anak ang batang noon pa man ay sinusustentuhan ko na,” dugtong nito na ikinabigla niya.

“Nanahimik ka? Nagtataka ka ba kung paano ko nalaman? Simula pa lang ay alam ko ng hindi ako ang nakabuntis sa’yo. Dahil mula noong nagkaanak kami ni Rose ng tatlo ay nagpa-opera ako na ang tawag ay vasectomy, kaya mula noon ay wala na akong kakayanan na magbigay ng anak.

Kaya noong nalaman kong nabuntis ka’y agad akong nakipaghiwalay. Dahil alam kong niloloko mo na ako. Ibang lalaki ang bumuntis sa’yo Shanen at hindi ako. Pero sinasakyan ko pa rin ang trip mo. Sa t’wing nanghihingi ka ng sustento ay binibigyan kita ng walang reklamo, dahil naiisip ko. Kabayaran ang lahat ng iyon sa taon na iginugol mo sa’kin.

Ngunit may hangganan ang lahat at ito na nga iyon. Hindi ko na sagot ang anak ko, Shanen, obligasyon na iyan ng lalaking bumuntis sa’yo,” mahabang pag-amin ni David.

“Ngunit kahit na! Kailangan mo pa rin akong suportahan dahil kung hindi ay malalaman ng asawa mo na kabit mo ako at matagal mo na siyang niloloko!” Pagbabanta niya.

Hindi siya pwedeng iwanan ni David ng ganito. Mahirap lamang si Rex ang kaniyang binatang nobyo. Hindi kakayanin ng lalaking ibigay ang luho niyang naibibigay ni David.

“Alam na rin ni Rose ang lahat ng kasalanan ko, Shanen. Kaya wala na akong dapat ikatakot sa mga banta mong iyan. Nais ko nang magbagong buhay, kasama ang pamilyang tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa’kin. Nagpapasalamat ako sa asawa ko dahil sa kabila ng lahat, tinanggap niya pa rin ako ng buo at sinubukang unawain.

Sana mahanap mo na rin ang lalaking magmamahal sa’yo ng totoo Shanen. Maraming salamat sa pitong taon na inilaan mo sa’kin. Iyon lang at paalam,” wika ni David at saka ibinaba ang tawag.

Naiwan si Shanen na bigo at walang-wala. Sana pala noong sinusuportahan pa siya ni David ay naisip niyang mag-ipon para sa ganitong sitwasyon ay may nahuhugot siya. Hindi iyong bili siya nang bili ng kung ano-anong walang kwentang bagay. Sa loob ng pitong taon na naging mapagbigay sa kaniya si David, hindi man lang sumagi sa isipan ni Shanen na pwedeng mangyari ang araw na ito na iiwan siya ng lalaki.

Hindi lahat ng plano ay tumutugma. Katulad na lang sa plano ni Shanen na perahan si David gamit ang anak niya’y hindi hinayaan ng Diyos na magtagumpay.

Advertisement