Inday TrendingInday Trending
Halos sa Tsismis na Umiikot ang Buhay ng Isang Ginang; Hindi Niya Lubos Akalain ang Magiging Ganti Nito sa Kaniyang Pagkatao

Halos sa Tsismis na Umiikot ang Buhay ng Isang Ginang; Hindi Niya Lubos Akalain ang Magiging Ganti Nito sa Kaniyang Pagkatao

Maaga pa lamang ay nasa umpukan na ang mga ginang sa isang maliit na baryo. Nangunguna si Aling Nora sa pakikipagtsismisan tungkol sa mga buhay ng kanilang mga kapitbahay. Noong isang araw nga ay halos sugurin na ng isang ginang ang matandang si Aling Nora sapagkat ipinagkakalat nito na nakita raw niya ang nasabing ginang kasama ang mister ng kaniyang kapitbahay at pumasok sa isang motel. Isang bagay na pinabulaanan ng ginang.

Walang hindi ata nakakakilala rito kay Aling Nora. Kung nasaan ang balita ay naroon siya. Para siyang may radar kung saan nalalaman niya ang lahat ng pangyayari sa buhay ng kaniyang mga kapitbahay. At ito ang patuloy na pinag-uusapan nila sa kanilang umpukan.

“Totoo po ba ‘yang sinasabi n’yo, Aling Nora?” usisa ng isang ginang.

“Ano pa nga ba? May nakapagsabi sa akin na iyan daw anak ni Pedring na isang nars ay hindi sinasadyang nagkaroon ng nakakahawang sakit. Itataya ko ang mga daliri ko!” sambit ng matanda.

“Posibleng totoo ang sinasabi ni Aling Nora sapagkat sa ospital nagtatrabaho si Paloma na anak ni Aling Pedring, hindi ba?” wika pa ng isang ginang.

“Hindi niyo alam baka mamaya ay may karelasyon ‘yan na may nakakahawang sakit at doon niya nakuha. Pero pwedeng hindi nga sinasadya dahil sa ospital siya nagtatrabaho. Pero kahit ano pang dahilan ay may nakakahawa siyang sakit at kailangan ay hindi na siya madikitan pa ng kahit sino. Baka mamaya ay mahawa pa tayong mga taga-rito,” saad ni Aling Nora.

Isang kapitbahay ang nakarinig ng mga kinakalat ng ginang.

“Aling Nora, baka mamaya ay masugod na naman kayo sapagkat wala na namang katotohanan ang mga sinasabi ninyo,” natatawang kantiyaw ni Betty, isang ginang na malapit sa mag-amang Peding at Paloma at nakarinig ng balita ng matanda.

“Baka ikaw ang pagtawanan ko riyan kapag nahawa ka ng virus mula sa anak ni Pedring!” malakas na tawa ni Aling Nora.

“Tandaan nyo lang, Aling Nora, na mali ang gumawa ng kwento tungkol sa kapwa natin. Maaari na kayong kasuhan ngayon at ang malala baka bumalik sa inyo ‘yang mga pinagkakalat niyang balita. Mabilis pa naman ang karma ngayon!” wika muli ni Betty.

“Kapag nangyari ‘yan ay totoo ang tsismis na isang aswang ang nanay mo!” sigaw ni Aling Nora.

Habang nagtatalo ang dalawa ay siyang daan naman ni Paloma pauwi ng kanilang bahay. Hapong-hapo ito mula sa kaniyang halos isang buong araw na duty sa ospital. Dahil sa itsura ng dalaga ay agad nagpulasan ang mga nag-uumpukang ginang upang makalayo. Hindi na ito napansin pa ni Paloma dahil sa sobrang pagod.

Kinabukasan ay bumili sa tindahan si Paloma. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit ayaw siyang pagbilhan ng ale.

“Ate Sol, pagbilhan po ako ng sabon,” paulit-ulit na wika ni Paloma ngunit hindi siya pinapansin ng tindera.

“Sa iba ka na lang bumili, Paloma, wala nang sabon,” sigaw ng ale na hindi man lang makalapit sa bungad ng tindahan.

“Paanong wala, e nakikita ko po na mayroon kayo. Hayun po!” saad ng dalaga sabay turo sa sabon. Ngunit ginigiit ng tindera na sa iba na lamang ito bumili.

Dahil mahuhuli na sa trabaho ay lumipat na ito ng ibang tindahan ngunit ganoon din ang ginagawa sa kaniya. Habang naglalakad si Paloma ay ramdam niyang nakatingin ang lahat sa kaniya at pinandidirihan siya. Laking pagtataka niya sa lahat ng nangyayari.

“Aling Betty, ano po ba ang nangyayari?” pagtataka ng dalaga.

“May kumakalat kasing balita dito na mayroon ka raw nakakahawang sakit,” tugon ng ginang.

“Ano po? Anong nakakahawang sakit? Saan po nanggaling ‘yan?” lubusang pagtataka ni Paloma.

“E ‘di kanino pa? Sa kapitbahay natin si Aling Nora na ginawa nang libangan ang gumawa ng bagay-bagay tungkol sa buhay ng mga tao rito,” sambit ni Betty.

Lubusang inis at galit ang nararamdaman ni Paloma sa ginawang kwento sa kaniya ni Aling Nora.

“Huwag mo na siyang sugurin, Paloma, at nag-aaksaya ka lamang ng oras. Pabayaan mo na lang at lilipas din ‘yan. Ipagpasa-Diyos mo na lamang ang galit mo,” saad ni Aling Betty.

Buong lakas ni Paloma na pinigilan ang kaniyang galit. Nang maharap niya si Aling Nora ay kinutya pa ito ng matanda.

“Kung ako sa iyo ay hindi na ako lalabas ng bahay sapagkat baka makapagdala ka pa ng nakakahawang sakit dito,” giit ng matanda.

“Hindi ko na kayo papatulan, Aling Nora. Hindi ko alam kung ano ang nakukuha niyo sa mga tsismis na pinapakalat niyo pero siguraduhin po ninyo na hindi nyo kakailanganin ang tulong ko pagdating ng araw,” sambit ni Paloma.

“Hinding-hindi. Umalis ka na at baka mahawa pa ako sa’yo,” tugon ng ginang.

Ilang linggo ang nakalipas at unti-unti na ring humupa ang balita tungkol kay Paloma. Marahil ay napagtanto na rin ng mga kapitbahay na imposibleng nakakapasok pa ng trabaho itong si Paloma kung may sakit na ito.

Sa kainitan ng araw habang nasa umpukan na naman ang mga ginang ay bigla na lamang nahilo at sumikip ang dibdib ni Aling Nora, nagdilim ang kaniyang paningin at tuluyang bumagsak.

Pagkamulat ng kaniyang mga mata ay nakita na lamang niya ang kaniyang sarili na nasa ospital.

“Mabuti na lamang po at may isang nars na malapit sa inyo at alam niya ang gagawing paunang lunas kung nangyari ang ganito. Mabuti na lamang din at agad siyang nakatawag ng ambulansya at nadala kayo rito kung hindi ay katapusan niyo na,” saad ng doktor.

“Si Paloma ang nagdala sa inyo rito, ‘nay!” saad ng anak ni Aling Nora.

Gusto sana ni Aling Nora na magsalita ngunit nahihirapan siya at maging ang kaniyang katawan ay hindi niya maikilos. Tanging pag-ungol na lamang ang lumalabas na boses sa kaniya.

“Ginang, magpahinga na po kayo. Na-stroke po kayo. Kailangan n’yo pong magpahinga upang bumuti ang lagay niyo,” dagdag pa ng doktor.

Sising-sisi si Aling Nora sa kaniyang ginawa kay Paloma. Hindi na rin niya naiwasan pa ang lumuha sapagkat naisip niya na ito na ang karma ng kaniyang magiging tsismosa. Simula noon ay hindi na nakapagsalita pa si Aling Nora dahil sa stroke at lagi na lamang siyang nakaupo sa kaniyang wheelchair dahil hindi na rin siya makilos ang kaniyang katawan.

Advertisement