Laking Gulat ng Aleng Ito Nang Matanggap Niya ang Listahan Mula Sa Pinagmalupitan Niyang Pamangkin; Ito Pala Ang Magbabago ng Buhay Nila

“Marie, gumising ka na riyan! Magluto ka na ng agahan!” sigaw ni Aling Susan sa kaniyang pamangkin sabay sipa sa hita nito.

“Aray ko naman po, tita!” gulat na sigaw ni Marie sa kaniya.

“Wag kang makasigaw-sigaw sa akin at baka masampal kita, ang aga-aga! Bumangon ka na riyan at magluto ka ng agahan! Papasok na ng mga pinsan mo!” bulyaw muli ng ale sa kaniya.

Wala naman nagawa si Marie kung ‘di ang bumangon na kahit nga kakatulog pa lamang niya mula sa paglalaba.

Naiiyak man ngunit sanay na siya sa ganitong buhay, sa ganitong trato sa kaniya ng kaniyang tiyahin. Kaya naman mabilis siyang kumilos upang maghanda at ayusin ang kailangan ng mga pinsan niya sa pagpasok sa elementarya.

“Tita, baka naman po pwede akong makahingi ng pera sa inyo pambili lang sana ng napkin, dinatnan na ho kasi ako,” pakiusap ni Marie sa kaniyang tiyahin.

“Ito na nga bang sinasabi ko, magdadagdag ka lang ng gastos! Bwisit talaga! Bakit ba sa akin ka pa napunta?!” galit na sagot ni Aling Susan sa kaniya.

“Ang tagal mo naman maging 18 anyos ng makapagtrabaho ka na nang tama! Bigat na bigat na ako sa pagpapa-aral sa’yo sa hayskul tapos ngayon may mga ganiyang gastusin ka na. Bahala ka na sa buhay mo pagkatapos mo mag-aral!” wika muli ng ale.

Advertisement

“Sorry, tita,” bulong ni Marie sa kaniya.

“Habang buhay ka talaga dapat na humingi ng tawad sa akin! Pabigat ka sa buhay ko, hindi ka naman namin kadugo! Bwisit ka talaga!” gigil na muling banat ni Aling Susan sa kaniya saka siya pinagsisipa nito hanggang sa napadapa na lamang si Marie sa sakit.

“Ma, tama na ‘yan!” awat naman ni Suzie, ang panganay na anak ng ale.

Hindi naman na sumagot pa si Aling Susan at tinadyakan na lamang muli ito ng malakas saka umalis.

“Saktan mo na lang ako, Ate Marie, para naman makaganti ka sa ginagawa sa’yo ni mama,” malungkot na wika sa kaniya ni Suzie.

Hindi na rin sumagot pa si Marie at niyakap na lamang niya ang kaniyang pinsan. Simula noong nagkamuwang siya sa mundo ay ang tiyahin na niya ang kaniyang kasama. Simula rin noon ay naging biktima na siya ng pisikal na pananakit nito. Hindi niya malaman kung bakit palaging mainit ang dugo sa kaniya ni Aling Susan ngunit napanatili niya ang pagtitimpi upang hindi sumagot at ang umiyak na lamang sa isang sulok.

Hanggang sa lumipas ang ilang taon at nakapagtapos na si Marie ng hayskul, hindi na rin siya nag-aral pa ng kolehiyo at tinulungan na lamang sa paghahanap buhay si Aling Susan. Nagkaroon kasi ito ng pwesto sa palengke at halos si Marie na ngayon ang nagpapalakad ng lahat lalo pa nga noong nagkaroon ito ng malubhang sakit.

“Araw-araw mo sigurong pinagdarasal ito, ano, Marie? Ang sunduin na ako ng demonyo?” tanong ni Aling Susan sa kaniya.

Advertisement

“Tuwang-tuwa ka siguro ngayon kasi hindi na kita masasaktan kasi malapit na ako mawala? Ano, Marie, masaya ka ba?” tanong pang muli ng ale.

Hindi naman sumagot pa si Marie at kinuha niya ang isang maliit na kwaderno tsaka ibinigay sa ale.

“Ano ‘to? Listahan ng utang? Ano ‘tong mga tantos na ‘to?” nagtatakang tanong ng ale kay Marie.

“Listahan ho ‘yan ng bilang ng palo niyo sa akin, tadyak, sabunot, sapak, kurot, sipa at kung ano-ano pa,” nanginginig ang tinig ni Marie habang sinasabi iyon kasabay ng pagpatak ng luha nya.

“Kita mo na, mukhang gusto mo pa yata akong gantihan,” natatawang sagot ni Aling Susan sa kaniya.

“Ayan din ho ang bilang na ipinagdasal kong mahalin niyo ako. Na sana, sa susunod na umaga, yakapin niyo naman ako. Na sana sa susunod na agahan, hapunan ay yayain niyo rin akong makasabay niyo. Na sana, sa susunod kong buhay, matanggap niyo na ho ako kahit kaunti lang,” naiiyak na sinabi ni Marie.

Natigilan si Aling Susan sa kaniyang narinig at hindi malaman ang kaniyang sasabihin.

“Kaya, hindi ko ho ipinagdarasal na mawala na kayo. Kasi mas ipinagdarasal ko pong mabuhay pa kayo ng mahaba para matupad ‘yung mga “sana ko” kasi wala na ho akong ibang pamilya kung ‘di kayo lang. Kung may tunay man siguro akong mga magulang ay salamat dahil isinilang nila ako sa mundo ito pero, paulit-ulit ko pa rin pong hihilingin ang pagmamahal niyo,” umiiyak na paki-usap ni Marie sa kaniya.

Advertisement

Hindi sumagot ang ale at tumalikod na lang ito sa kaniya, saka umiyak. Parang pinupunit ang puso ni Aling Susan sa kaniyang narinig. Dahan-dahan namang umalis si Marie.

“Bakit? Bakit ka ganiyan sa akin?” tanong ni Aling Susan.

“Dahil alam ko na ho ang totoo, matagal ko na hong alam kung bakit kayo galit na galit sa akin. Kaya araw-araw ko pong pinagdasal na sana, mapatawad niyo na ako. Salamat po, salamat sa lahat, tita, mahal na mahal kita,” sagot ni Marie sabay labas sa kwarto ng ale.

Doon na tuluyang bumagsak ang luha ni Aling Susan. Anak si Marie sa ibang babae ng kaniyang pumanaw na asawa. Hinatid ito sa kaniya nang sabay na mawala ang kaniyang asawa at ang babae nito nang dahil sa isang aksidente. Hindi niya magawang ipagtabuyan noon ang bata kaya naman wala siyang nagawa kung ‘di ang palakihin ito. Hindi niya inaasahan na sa kabili ng kaniyang kalupitan ay napakabuti pa rin ni Marie. 

“Panginoon, bigyan niyo pa ho ako ng lakas para itama ang mali ko. Panginoon, hayaan niyo akong maging ina, sa isang pang pakakataon,” iyak ng ale.

Simula noon ay gumaling si Aling Susan at unti-unting tinutupad niya ang lahat ng sana ni Marie. Unti-unti, tinatama niya ang lahat ng pagkakamali.

Lagi sana nating iisipin na hindi dapat natin parusahan ang isang tao dahil sa kasalanan ng kaniyang magulang.