Simpleng Tindera ng Gulay ang Dalaga sa Palengke; Gulay rin Pala ang Dahilan Para Matagpuan Niya ang Kaniyang Forever

Simpleng Tindera ng Gulay ang Dalaga sa Palengke; Gulay rin Pala ang Dahilan Para Matagpuan Niya ang Kaniyang Forever

FunLoveStories

Isang umagang nakangiti na naman ang sumapit para kay Aira. Estudyante siya ng kolehiyo sa isang pampublikong unibersidad.

Mayroong pwesto sa palengke ang mga magulang ni Aira. Nagtitinda sila ng mga sariwang gulay at natural na pampalasa. Ito rin ang pinagkukunan nila ng pangtustos sa pag-aaral ng anak at iba pang gastusin.

Fourth year college na noon si Aira nang magkasakit ang kaniyang ina. Kaya’t kinailangan nitong magpahinga sa pagtitinda sa palengke. Bilang isang mabuti at masunuring anak, pinagsabay ni Aira ang pagtitinda sa palengke at pag-aaral.

Hapon pa naman ang klase ng dalaga kaya’t siya ang bantay sa umaga at tatay naman ang humahalili sa kaniya tuwing hapon.

“Ah miss, may mangga ba kayo rito?” tanong ng isang lalaki.

Hindi naman agad nakasagot si Aira dahil abala siya pag-aaral para sa kaniyang quiz.

“Excuse me, miss?!” pagtawag muli nito.

“Ay sorry po, sir…” biglang napatigil ang dalaga dahil hindi niya inaasahang sobrang gwapo ng kaniyang kaharap. “A-ano po iyon?” nauutal na tanong naman ng dalaga.

“May mangga ba kayo rito?” tanong muli ng gwapong binata.

“Ah, e, sir, puro gulay po rito. Sa kabila po ang mga prutas,” natatawang tugon naman ng dalaga.

“Ah… sorry. Sige, gulay na lang pala ang bibilhin ko.”

“Anong gulay po sir?” tanong ni Aira.

Biglang napatahimik ang lalaki ang namula ang mukha pati na mga tainga.

“Wag ninyong sabihin na hindi kayo kumakin ng gulay, sir?” dagdag pa ng dalaga.

Lalo namang namula ang lalaki sa hiya. “Ah hindi, nag-iisip lang ako kung anong… kung ano… basta yung kasama sa bahay-kubo!” mabilis na sabi ng binata.

Napatawa naman ng bahagya si Aira sa narinig. “Sir, ano po doon?” ngumiti ang dalaga. “Pili na lang po kayo dyan, sir! Lahat po ‘yan sariwa,” dagdag pa nito.

‘Di naman alam ng lalaki kung ano ang bibilhin kaya’t kumuha na lang ito ng patatas at ilang tali ng pechay.

“Eto, miss, nasa bahay-kubo ito ‘di ba?” tanong ng binata.

Tumawa lamang si Aira nang mahina. Alam niya kasi na walang patatas at pechay sa kantang bahay-kubo. Mukhang hindi kumakain ng gulay ang lalaki, dahil wala itong alam sa mga pangalan ng gulay.

“Sir, saglit po!” pagpigil ng dalaga sa gwapong kostumer. “Sana sa susunod na balik niyo, memorize niyo na yung bahay-kubo ha?” biro pa ni Aira.

Tumango lamang ang lalaki at ngumiti ng malaki. Halos mahulog naman ang puso ni Aira sa sobrang kagwapuhan ng lalaki.

Kinabukasan, nagulat si Aira nang muling nagbalik ang lalaki. Walang anu-ano’y kinanta nito ang Bahay Kubo, animo’y hinaharana ang dalaga sa sobrang lambing ng boses.

“O ‘di ba? Na-memorize ko kaagad?” natatawang sabi ng lalaki.

“Very good, sir ah?” nakangiting sagot naman ni Aira.

“Call me Drake na lang. ‘Wag nang ‘sir.’ Mukhang naman ‘di nagkakalayo nang edad natin,” nakatawang sabi ng gwapong binata.

“Okay po, sir… ay, Drake pala. Ah, ako nga po pala si Aira. Siya nga pala, matanong ko lang, bakit napabalik po ata agad kayo ngayon?”

“Ayaw mo ba akong bumalik dito?” natatawang sabi ng lalaki. “Kinanta ko lang talaga yung bahay-kubo sa’yo kasi sabi mo sa akin kahapon ‘di ba?” biglang kumabog ang dibdib ng binata kasunod ang pamumulang muli ng mukha.

Bahagyang natawa lamang si Aira at saka ngumiti. Bumili naman muli ng gulay si Drake at saka umuwi.

Halos araw-araw ay nasa palengke ang binata upang bumili ng gulay, pero rason lamang ito ni Drake upang makasilay sa magiliw na dalaga.

Bumili muli ng mga gulay si Drake noon nang mapansin ang isang matandang babae na hirap na hirap sa mga buhat na pinamili. Magbabayad sana siya ng pinamili ngunit biglang sumabog ang supot na bitbit ng matanda.

Laking gulat ni Drake nang iwan ni Aira ang pwesto at patakbong tinulungan ang matanda. Isa-isang pinulot ni Aira ang mga tumapong pinamili at saka inilagay sa supot.

Napangiti lamang si Drake, hindi lamang ito maganda at magiliw, may mabuting puso rin ito. Bilang maginoo naman, nagpakitang gilas ang binata at nag presinta na siya na ang magbubuhat ng mga bitbit ng matanda.

Ngumiti siya ng malaki at saka nagpaalam kay Aira. Dagdag pogi points nga naman ito.

Lumipas pa ang mga araw, walang humpay pa rin si Drake sa ginagawa. Hanggang sa siya na mismo ang nag-aya sa dalaga na kumain sa labas kasama niya. Ang nakakatuwa rito, nagawa na niyang ipagpaalam si Aira sa magulang nito bago pa man niya sabihin sa dalaga ang plano.

Sa isang restawran na gawa sa bahay-kubo kung saan puro gulay ang mga kakainin, doon nagtungo ang dalawa.

“Alam mo ba? May gusto sana akong sabihin sa’yo, pero wag mo sana akong tatawanan…” saad ng binata.

“Ano yun?” nakangiti at tila sabik na sagot naman ni Aira.

“Hindi talaga ako kumakain ng gulay. Nagkataon lang talaga na nasulyapan ka ng mga mata ko nang minsan ako mapadaan sa palengke. Hinahanap ko kasi noon ang kasambahay namin, kaso ikaw ‘yong nasumpungan ko,” pagpapaliwanag naman ni Drake.

“O ano nang nangyari sa mga gulay na binibili mo?” gulat na tanong naman ng dalaga.

“Yun nga e… dahil sa’yo Aira, natuto akong kumain ng gulay. Tuwang-tuwa ang mommy ko dahil sa unang pagkakataon, nakita nila akong kumain ng gulay. Kinakain ko lahat ng binibili ko sa’yo. Nakakasilay na ako, lumulusog pa ako ‘di ba?” pabirong sabi pa ng gwapong binata.

“Nako! Loko ka talaga. Tigilan mo nga ako sa pambobola mo!” nahihiyang sabi naman ng babae.

“Kung okay lang sana sa’yo, pwede ba kitang ipakilala sa pamilya ko?”

“Teka, bakit at para saan, Drake? Nakakahiya naman…”

“Gusto kasi kitang ligawan, Aira. Nagpaalam na ako sa mga magulang mo. Payag naman sila, basta ikaw raw ang tanungin ko!” nakangising sabi ng binata.

“Talaga naman sila nanay at tatay! Makakapaghintay ka ba hanggang sa makatapos ako?” tanong naman ng dalaga.

“Basta ba ipagluluto mo ako palagi ng gulay ‘pag girlfriend na kita. Tapos magkasabay na tayo palaging kakain kapag misis na kita!” nakakakilig na sabi ng binata.

“Huy! Ano ka ba naman! May nakakarinig o,” pakipot na sabi ng dalaga.

Nang araw na iyon, isinama ni Drake si Aira sa kanilang bahay sa unang pagkakataon. Labis ang hiyang nadama ni Aira dahil mayaman pala si Drake. Natakot ang dalaga dahil baka hindi siya magawang tanggapin ng pamilya nito.

Pribadong kinausap ng ina ni Drake si Aira sa may sala. Tila ba lalabas mula sa dibdib ng dalaga ang puso niya sa lakas ng kaba.

“Ikaw pala si Aira? Eto ang cheque, layuan mo ang anak ko at wag nang magpapakita pa rito!” mataray na sabi ng ginang.

“P-po?” gulat na tanong ng dalaga.

Humagalpak ng tawa ang ginang at saka niyakap ang dalaga.

“Natakot ka ba hija? Pasensiya ka na, nasobrahan lamang ako sa dramang pinapanood ko. Gusto kong malaman mo na sobrang welcome ka sa pamilya namin!” nakangiting sabi ng ginang.

“Pero ma’am, sobrang nahihiya po ako sa inyo. Hindi po ako mayaman at normal na babae lamang po ako…” hindi pa man tapos ang sasabihin ni Aira, bigla namang nagsalita ang ina ni Drake.

“Alam mo, hija? Lahat ginawa namin upang mapakain lamang ng gulay si Drake. Pero walang nangyari. Ikaw lamang pala ang makapagbabago noon.

Lalong naging ganado ang anak namin na mag-aral at palaging masaya. Kaya’t kung sinuman ang mamahalin ng anak namin, ay mamahalin din namin. Napakaganda ng epekto mo sa kanya. Kaya hija, ‘wag kang mag-alala. Tanggap ka ng pamilya namin.

Basta ipangako mo na aalagaan ninyo ang isa’t isa. Tapos gusto ko ng maraming apo ha?” biro pa ng ginang.

Nagkwentuhan pa sina Aira at ina ni Drake. Kaya naman pala ganoon kabait ang binata kahit na ito’y mayaman ay dahil mabait din ang mga magulang nito.

Tulad ng ipinangako. Nanligaw si Drake sa dalaga. Araw-araw niya itong sinuyo. Noong graduation ni Aira, may dala itong bugkos ng bulaklak at ibinigay sa dalaga. Noong araw na iyon, natanggap ni Drake ang matamis na matamis na ‘oo’ ni Aira.

Naging maganda ang pagtutunguhan ng magkasintahan. Nakapagtrabaho si Aira at napalago pa ang kanilang negosyo. Napagamot na rin ang kaniyang ina at ngayo’y malakas na.

Lumipas pa ang mga panahon, tuluyan nang hiningi ni Drake ang kamay ng dalaga mula sa mga magulang nito.

Nagpakasal sina Drake at Aira at biniyayaan ng lalaking anak. Namuhay sila ng payak at masaya.

Sabi nila, ang gulay daw ay masustansya at pampahaba ng buhay. Sinong mag-aakala na magiging daan pala ito upang makatagpo sila ng forever sa piling ng isa’t isa? Lumusog na ang pangangatawan may bonus pang pag-ibig!

More Stories