Inday TrendingInday Trending
Niloko ng Magkapatid ang Isang Blood Donor, Hindi Nila Akalaing Kakailanganin Pala Talaga Nila ang Dugo Nito

Niloko ng Magkapatid ang Isang Blood Donor, Hindi Nila Akalaing Kakailanganin Pala Talaga Nila ang Dugo Nito

“Hello po! Ito po ba ‘yung number ni Mark Esteban? ‘Yung may post sa Facebook na nangangailangan ng blood donor para sa kapatid niya?” tanong ni Jacob.

“Opo, ito nga po ‘yun,” sagot ni Mark.

“Puwede po kasi ako magdonate ng dugo ngayon. Patext na lang po ‘yung address ng hospital at iba pang mga detalye,” ang sabi ni Jacob.

“Naku! Maraming salamat po. Sige po!” ang sabi ni Mark.

Matapos matanggap ni Jacob ang ang mga detalyeng kailangan niya ay pinuntahan niya agad ang ospital na binanggit ni Mark sa text message.

Laking gulat niya nang malaman na walang Marlon Esteban na naka-admit sa ospital na ‘yun at nangangailangan ng dugo. Kaya naman tinawagan niya uli ang numero ni Mark Esteban upang klaruhin ang nangyayari.

“Hindi namin akalaing pupunta ka talaga, kuya. Salamat sa kooperasyon mo pero prank lang ‘to!” natatawang sinabi ni Mark bago ibaba ang telepono.

Sinubukan muling tawagan ni Jacob si Mark upang mapagsabihan na mali ang ginawa nito ngunit naka-off na ang selpon ni Mark.

Maya-maya ay mayroong nurse na lumapit kay Jacob. Tinanong siya nito kung nais niyang magdonate na lang ng dugo para isa nilang batang pasyente. Ayon dito ay matagal nang naghahanap ng donor ang mga magulang nito at kaparehas niya ito ng blood type.

Bagamat hangad niya naman talaga ang makatulong ay hindi niya ito tinanggihan.

Samantala, ang magkapatid na sina Mark at Marlon ay tuwang-tuwa sa matagumpay na panlolokong ginawa nila hanggang sa makalipas ang ilang oras ay nakarinig sila nang sunod-sunod na malalakas na kalampag sa kanilang gate. Pagbukas nila ay sumambulat ang balisa nilang ina.

“Mark! Marlon! Bakit ba naka-off ‘yang mga selpon niyo?! Kanina pa ko tawag nang tawag sa inyong dalawa!” galit na sinabi ng kanilang ina.

“Bakit ba Mommy? Ano bang meron?” tanong ni Mark.

“Ang Daddy niyo naaksidente! Kailangan niyang masalinan ng dugo!” ang sabi ng kanilang ina.

Nagmadaling pumunta sa ospital ang mag-anak. Pagkadating doon ay agad na isinalang si Marlon upang makuhanan ng dugo dahil sa naubusan ng ganoong blood type ang ospital.

Bagamat siguradong ka-match ni Marlon ng dugo ang kaniyang ama ay hindi pa rin ito sapat. Kailangan pa nila ng isa pang bag ng dugo kaya naghanap sila ng maaring makapagdonate ng dugo sa kanila.

Nahirapan silang maghanap ng donor kaya pinatulan nila ang isang lalakeng kumontak kay Mark na nagpapabayad ng tatlong libong piso para sa dugo.

Isang oras ang nakalipas ngunit wala pa rin ang nakausap ni Mark kaya tinawagan niya ito at nalamang hindi pa ito nakakaalis ng bahay.

“Pasensiya na, sir. Hanggang ngayon kasi ay naghahanap pa ako ng mahihiramang pera pampamasahe papunta diyan. Baka puwedeng kayo na lang muna ang magbigay ng limang daan? Ibawas niyo na lang doon sa tatlong libong piso?” mungkahi ng lalaki.

Hindi na nagdalawang isip pa si Mark kaya pinadalhan niya agad ito ng pera. Ngunit makalipas ang kalahating oras nang tawagan niya muli ang numero ng lalaki upang alamin kung nasaan na ito ay hindi na ito matawagan. Naka-off na ang selpon ng lalaking ito.

Naloko si Mark!

Agad na nag-isip ng paraan si Mark at bigla niyang naalala si Jacob na totoong handang magbigay ng dugo. Isinantabi ni Mark ang hiya niya sa pangloloko rito at tinawagan ito.

“O bata! Bakit? Manloloko ka na naman ba?” bungad ni Jacob kay Mark.

“Kuya mapatawad niyo po sana kami ng kapatid ko sa pangloloko sa inyo. Mali po ‘yung ginawa namin,” ang sabi ni Mark na naghintay saglit ng isasagot ni Jacob hanggang sa itinuloy niya na lang ang kaniyang sasabihin.

“Kakapalan ko na po ang mukha ko kasi ngayon po ay totoong kailangan na po namin ng dugo niyo. Naaksidente po kasi si Daddy at kailangan niya masalinan ng dugo,” pahayag ni Mark.

“Naku bata, nabenta na ‘yan eh. Wala bang bago? Tingin mo papaloko uli ako sa inyong magkapatid?” pangungutya ni Jacob.

“Hindi po kami nagloloko ngayon kahit kausapin niyo pa po ‘yung nurse rito sa ospital ngayon,” ang sabi ni Mark.

“Sige, sabihin nating totoo na ‘yan ngayon, kaso hindi na rin talaga ako puwede kasi nakapagdonate na ako doon sa ospital na pinapuntahan niyo sa akin kanina,” ang sabi ni Jacob.

Hindi nakapagsalita si Mark.

“Ganito na lang, titingnan ko kung anong magagawa kong tulong para sa inyo. Pero sana hindi na ‘to prank,” ang sabi ni Jacob kay Mark bago sila nagbigayan ng mga detalye at tapusin ang pag-uusap.

Makalipas ang kalahating oras ay dumating si Jacob sa ospital. Kasama niya ang kapatid nito na handang magdonate ng dugo sa ama nila Mark at Marlon.

Laking pasasalamat ng buong pamilya nila Mark kina Jacob at sa kapatid nito. Nang dahil dito ay naligtas sa kapahamakan ang kanilang ama.

Muling humingi ng tawad sina Mark at Marlon sa panglolokong ginawa nila kay Jacob at ipinangako nila sa kanilang mga sarili na hindi na nila ito uulitin.

Advertisement