Nagmalasakit ang Babae sa Matandang Mag-isang Nagdiriwang ng Kaarawan; Dahil pala roon ay May Makakamtan Siyang Biyaya

Lunch break na ng departamento nina Erin at nagkayayaan sila ng kaniyang mga katrabaho na kumain sa isang may kamahalang restawran ngayong araw naman ng kanilang sweldo.

Ang totoo ay hindi talaga gusto ni Erin na sumama sa kanila dahil nagtitipid siya. Siya kasi ang bread winner ng kanilang pamilya at may tatlong kapatid pa siyang pinaaaral kaya naman kung hindi lang dahil sinabi ng kaibigan at manager nilang si Rosa na sagot nito ang lahat ng gagastusin niya ay hindi talaga siya sasama.

“Ang ganda naman dito!” komento ni Erin nang makapasok sila sa nasabing kainan. Isa ito sa pinakamahal na restawran sa kanilang bayan kaya naman talagang namangha siya.

“Kaya nga dito ko kayo dinala. Gusto ko kasi kayong ilibre dahil napakaganda ng ipinakita ninyong performance ngayong buwan. Talagang tumaas nang husto ang sales natin dahil sa galing n’yo sa pag-iisip ng magagandang marketing strategies… lalo ka na, Erin!” sagot naman nito na ikinapula niya.

“Maraming salamat po, boss,” nahihiya pang aniya.

Nagpalinga-linga siya sa paligid dahil talagang namamangha siya sa ganda ng lugar. Ngunit biglang napako ang atensyon niya sa isang tao…

Sa ’di kalayuan ay namataan ni Erin ang isang matandang mag-isang nakaupo sa kaniyang mesa. Sa harap nito ay nakahain ang isang birthday cake na mayroon pang nakasinding kandila sa ibabaw. Hindi maikakaila ang lungkot sa mukha nito kahit pa nakangiti ito’t kinakantahan ng ‘maligayang kaarawan’ ang sarili.

Agad na nilukob ng matinding awa ang puso ni Erin sa nakita. Mabilis niyang napigura sa likod ng kaniyang isip ang kaniyang lola na siyang nagpalaki sa kanilang magkakapatid simula nang iwan sila ng sariling ina para sa iba nitong pamilya. Dala ng matinding awa ay hindi nagdalawang isip si Erin na magmalasakit; nilapitan niya ang matanda.

Advertisement

“Maligayang bati, sa iyong pagsilang…” Sinabayan niya ang pag-awit ng nasabing matanda habang pumapalakpak. Dahil doon ay agad niyang nakuha ang atensyon ng iba pang kumakain sa naturang restawran at nakigaya na rin ang mga ito sa kaniya.

Biglang lumawak ang ngiti ng matanda nang makitang napakarami nang taong kumakanta para sa kaniya ngayon at iyon ay dahil sa dalagang si Erin.

“Maligayang-maligaya, maligayang bati! Hipan n’yo na po ang kandila, ’tay!” dagdag pa ni Erin na agad namang sinunod nito. Isang masigabong palakpakan pa ang inihandog ng mga tao sa matanda bago nagsibalik ang mga ito sa kanilang mesa, habang si Erin naman ay nanatili sa tabi ng matanda.

“Gusto n’yo po bang samahan ko kayo, ’tay?” Tinanguan siya ng matanda.

Nagpaalam si Erin sa mga kasamahan na sasamahan niya ang matanda at pumayag naman ang mga ito. Alam nilang ganoon talaga kabuti ang puso niya. Nagkuwento sa kaniya ang matandang napag-alaman niyang si Lolo Damian, na hindi man lang daw sumipot ang ni isa man sa kaniyang mga ampon para samahan siya sa kaniyang kaarawan. Simula raw kasi nang isa-isa silang makatapos ng kolehiyo ay tila nawalan na rin ng gana ang mga ito sa kaniya. Malungkot ang balitang ’yon ngunit ginawa ni Erin ang lahat upang mapasaya ang matanda. Pinatawa niya ito, at sinamahang magdiwang ng kaarawan upang hindi ito mag-isa ’tulad ng ginagawa niya sa kaniyang mga lolo’t lola… hindi niya akalaing iyon na rin pala ang kanilang una’t huling pagkikita.

Matapos kasi ang araw na iyon, halos lahat ng nakakaalam sa nangyari sa restawran ay nagulat nang maibalita sa telebisyon ang pagpanaw ng isa sa pinakamayamang negosyante sa buong bansa—walang iba kundi si Lolo Damian!

Ilang araw makalipas ang balitang ’yon na talaga namang ikinalungkot ni Erin ay bigla na lang may kumatok sa pintuan ng kanilang tahanan…

“Sino po sila?” tanong niya sa pormal na lalaking nabungaran niya sa tapat ng kanilang bahay.

Advertisement

“Ako si Attorney Samaniego, ang personal na abogado ni Don Damian. Gusto ko lang itong ipaabot sa ’yo…” Iniabot nito ang isang envelope—na naglalaman ng last will and testament ni Lolo Damian!

At ayon doon ay sa kaniya nito iiwan ang halos kalahati ng kaniyang kayamanan dahil siya ang nag-iisang taong nandiyan sa kahuli-hulihan nitong kaarawan!

Hindi man akalain ni Erin na dahil lang sa pagmamalasakit niya kay Lolo Damian ay magkakaroon siya ng pagkakataong yumaman ay sinigurado naman niya na gagamitin niya sa tama ang perang ibinigay nito para sa kaniya na noong una ay ayaw pa niyang tanggapin, kung hindi lang sinabi ng abogado na hindi rin matatanggap ng mga ampon ni Don Damian ang kani-kaniya nilang mana kung hindi tatanggapin ni Erin ang kaniyang parte.

Ngayon ay mas maganda na ang buhay na naibibigay niya sa kaniyang pamilya. Salamat sa mabuting si Don Damian.