
Isang Sanggol ang Iniwan sa Tapat ng Bahay ng Magkapatid na Matandang Dalaga; Paano Nito Mababago ang Kanilang Buhay?
“Hay naku Ate Josefa, halika, tingnan mo ang batang ito, napakaganda! Sino kaya ang walang pusong inang nag-iwan nito sa tapat ng ating bahay?”
Hindi pinansin ni Josefa ang pagtawag sa kaniya ng kapatid na si Virginia. Silang dalawa ay magkapatid na matandang dalaga. Hindi, mali. Siya lang pala ang matandang dalaga. Ang tamang tawag kay Virginia ay biyuda, dahil nakapag-asawa pa ito, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay maagang sumakabilang-buhay. May diperensya umano si Virginia kaya hindi siya nagka-anak.
May isang buwan na simula nang iwan ang sanggol sa tapat ng kanilang bahay. Hindi nila malaman kung kanino ito dahil wala naman silang nabalitaang may buntis sa kanilang lugar. Ayaw dalhin ni Virginia ang bata sa DSWD o ampunan dahil baka bumalik umano ang nanay nito at kunin ulit. Subalit sa palagay ni Josefa, hindi iyon ang tunay na dahilan. Alam niyang matagal nang nasasabik ang kapatid na magkaroon ng sariling anak.
Si Josefa, simula noon pa man ay talagang walang kahilig-hilig sa mga bata. Masyado siyang seryoso at masungit kaya walang nagtangkang nanligaw sa kaniya.
Hindi dahil sa wala siyang nagustuhang lalaki.
May minahal siyang lalaki subalit hindi naman siya mahal, kaya minabuti niyang magparaya.
Nang hindi siya lumapit, si Virginia na mismo ang kusang lumapit sa kaniya upang ipakita ang bata, na nagsisimula nang bumukas ang mga mata.
Nakaramdam nang kakaibang pakiramdam si Josefa nang masilayan niya ang mga mata ng bata. Para bang nakangiti ito sa kaniya. Kakaibang sigla ang ginawa nito nang makita siya.
“Gusto ka niya, ate. Nararamdaman daw ng mga bata na mabait ang kaniyang kaharap kapag ganiyan sila,” sabi ni Virginia sa kaniyang nakatatandang kapatid.
“Hay naku Virginia, tigilan mo nga ako sa mga ganiyan mo. Alam naman nating lahat na wala nang sinabi ang mga kakilala natin kundi masungit at suplada ako. Hindi ako mabait,” wika ni Josefa.
“Diyan sila nagkakamali, ate. Kapag may nagsabi pa niyan sa iyo ay talaga namang makakatikim sa akin.”
Tila nagsilbing sikat ng araw sa kanilang bahay ang naturang bata. Talagang pinagtiyagaan nilang bantayan ito mula umaga hanggang magdamag. Pagdating naman sa gatas, mabuti na lamang at pumayag ang kanilang bagong panganak na kapitbahay na pasusuhin ito.
Natutuhan ng magkapatid na maging mala-ina sa bata. Si Virginia ang nagpapatulog dito at nagtatapik-tapik hanggang sa makatulog. Si Josefa naman ang nagpapadighay. Si Virginia naman ang nagpapalit ng lampin o diaper kapag umingit na ito o kaya naman ay dumumi.
Hanggang sa lumipas ang mahabang panahon.
Malaki na ang batang kanilang inalagaan. Si Bridgitte. Nagdiwang ito ng ika-7 taong kaarawan. Talaga namang naglaan sila ng budget para maibigay rito ang nararapat na pagdiriwang na para sa kaniya.
Ang dating ayaw na ayaw mag-alaga ng bata, ngayon ay si Josefa pa ang mas nangunguna sa pagpapaalala kay Bridgitte na matulog ito sa hapon, na huwag masyadong nakatutok ang mga mata sa gadgets, na huwag masyadong kakain ng mga matatamis, at pagkatapos kumain ay ugaliing magsepilyo.
“Oh Ate… ang sayang panoorin ni Bridgitte no? Lumaking mabait na bata. Hulog siya ng langit sa atin. Huwag lang sanang dumating ang pagkakataong sumulpot na lamang bigla ang mga tunay niyang magulang at kunin siya sa atin,” wika ni Virginia.
“Tumigil ka nga riyan, Virginia. Sana lang huwag dumating ang iniisip mo na iyan.”
“Eh paano nga kung mangyari ang kinatatakutan natin? Ibibigay ba natin si Bridgitte?”
Hindi nakasagot si Josefa. Napatitig siya sa bibong si Bridgitte. Napamahal na ang bata sa kanila. Napamahal na ang bata sa kaniya.
Una pa lamang ay alam na ni Bridgitte na hindi sila ang tunay nilang mga magulang. Kaya naman nang tanungin nila ang bata kung sasama ba ito kung sakaling may dumating at kunin siya:
“Hindi po, kasi kayo na po ang Mommy at Mama ko eh. Pero kung ipapamigay n’yo po ako, sige po. Kung ayaw n’yo na po sa akin at nakukulitan na kayo,” sabi nito.
Niyakap nina Josefa at Virginia ang kanilang anak-anakan.
“Tatandaan mo, mahal na mahal ka namin na parang kadugo namin,” naiiyak na sabi ni Josefa.
Hanggang sa nagdalaga na si Bridgitte subalit wala namang dumating na kahit sino upang kunin ito.
Naniniwala sina Josefa at Virginia na nakatadhana ang lahat, at sadyang ipinagkaloob ng Diyos si Bridgitte sa kanila, upang makasama habambuhay.

Nagmalasakit ang Babae sa Matandang Mag-isang Nagdiriwang ng Kaarawan; Dahil pala roon ay May Makakamtan Siyang Biyaya
