Nagpaalam ang Nobyo ng Dalagita na Mag-aaral na Siya sa Maynila Kaya Pansamantala Silang Magkakalayo sa Isa’t Isa; Kaya Naman, Nagawa Niya ang Bagay na Ito na Pagsisisihan Niya

Hindi maipaliwanag ni Crizel ang mararamdaman niya nang ibalita sa kaniya ng nobyong si Raymond na naaprubahan na ang scholarship nito upang mag-aral sa Maynila.

Ito ang unang beses na magkakalayo sila ng paaralang papasukan. Mula mga bata pa lamang sila, magkasama na sila. Magkababata. Sanggang-dikit kung tawagin nila. Sanay na silang tinutukso sa isa’t isa. Sila raw ang magkakatuluyan balang-araw.

Na nangyari naman. Simula nang magkaisip sila, alam na nila sa isa’t isa na sila na ang itinadhana—at ayaw na nilang humanap pa ng iba. Sa tuwing nagtutungo sila sa dalampasigang malapit sa kanilang bayan, nahihiga sila sa buhanginan at pinagmamasdan ang mga ulap sa alapaap. Sabay silang bubuo ng mga pangarap.

Ngunit mukhang tuluyan na silang magkakahiwalay ngayong nasa kolehiyo na sila. May kaya ang pamilya ni Raymond kaya may kakayahan silang mapag-aral ito sa Maynila.

Samantalang sila, isang kahig, isang tuka. Pangingisda ang ikinabubuhay nila. Labis na lungkot ang kaniyang naramdaman nang sabihin sa kaniya ng itay na hindi siya makapagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo dahil wala silang pera.

“Mag-aasawa ka rin lang naman, bakit kailangan mo pang mag-aral? Hindi naman matututuhan sa paaralan ang pagiging isang ina at asawa.”

“Pero itay… karapatan ko pong mag-aral, para sa ganoon po, maiahon natin ang sarili mula sa kahirapan,” umiiyak na paliwanag ni Crizel.

“Crizel, makinig ka sa akin. Iyang paghahangad sa kinabukasan, para lang iyan sa mga may pera. Kaya nilang isipin ang magiging kapalaran nila sa mga susunod na taon. Pero tayong mga mahihirap, wala tayong mapamimilian kundi ang isipin ang ngayon. Hindi tayo nakasisiguro kung bukas, buhay pa tayo, o mawawala tayo sa mundong ito nang dilat, dahil sa gutom.”

Advertisement

Tanging iyak na lamang ang naging tugon ni Crizel sa mga sinabi ng kaniyang itay.

“Paano na ang relasyon natin, Raymond…” naiiyak na tanong ni Crizel sa nobyo. “Nangako ka sa akin simula bata pa tayo na hindi mo ako iiwan.”

“Hindi naman kita iiwan, Crizel. Tayo pa rin naman. Hindi naman tayo maghihiwalay. Uuwi naman ako rito tuwing Sabado at Linggo para makapagkita tayo. Pangako ko iyan sa iyo.”

“Sigurado ka ba diyan? Eh kung magtanan na lang kaya tayo? Sama na ko sa iyo sa Maynila para may mag-aasikaso na sa iyo roon.”

“Naku Crizel, mukhang hindi papayag ang itay mo, at s’yempre hindi rin papayag ang tatay ko. Pangako, ikaw lang ang mamahalin ko at hindi ako titingin sa ibang babae. Pangako ko iyan sa iyo,” sabi ni Raymond sa kaniyang nobya.

“Kung gayon, para makasigurado tayo, ipagkakaloob ko na sa iyo ang isang bagay na matagal ko nang dapat ibinigay…”

Gulat na gulat si Raymond nang unti-unting hubarin ni Crizel ang kaniyang mga saplot. Hinayaan itong lumapag at marumihan ng mga buhangin.

“Crizel…”

Advertisement

Hindi na nagsalita pa si Crizel. Sinunggaban niya ng halik ang nobyo. Gumanti naman ito sa kaniya. Hanggang sa pareho na silang nadarang sa init…

Pareho na silang nagpatangay sa along nililikha ng dagat…

Naisip ni Crizel, kapag nagbuntis siya, tiyak na mapipilitan ang nobyo na balikan at panagutan siya. Ito lamang ang tanging paraan upang hindi siya nito ipagpalit sa iba. Ito ang kanilang magiging matibay na ugnayan.

Kaya panalangin ni Crizel, sana ay magbunga ang kapusukang kanilang ginawa.

Makalipas ang tatlong buwan, natuklasan na nga ni Crizel na nagbunga na ang kanilang ginawa ng nobyo. Hindi na siya dinatnan ng buwanang dalaw. Nagkakatigyawat siya nang malala. Lumakas siyang kumain. Naging bugnutin. Ayaw niyang makaamoy ng bawang.

Nakumpirma niya ito sa biniling pregnancy test. Gumuhit ang dalawang magkatapat na pula.

Galit na galit ang itay at inay niya nang malaman ang kaniyang pagdadalang-tao.

“Hindi mo na nga mapakain ang sarili mo magpapadagdag ka pa ng palamunin! Ito namang si Raymond eh mapagsamantala! Hindi ko mapapalampas ito,” gigil na bulalas ng kaniyang itay.

Advertisement

Hindi niya napigilan ang kaniyang itay nang sugurin nito ang mga magulang ni Raymond—na may dalang mahabang bolo.

“Sabihin ninyo sa anak ninyo, panagutan niya ang anak ko, kung hindi ay maghahalo ang balat sa tinalupan!” galit na galit na banta ng kaniyang itay.

“Aba, kung ganyan din lang ang pamilyang makakasama ng anak namin, na masyadong marahas at lahat ay idinaraan sa init ng ulo, aba’y ako na mismo ang magsasabi kay Raymond na huwag panagutan ang anak mo! Isa pa, menor de edad pa lamang sila, at nag-aaral ang anak namin sa Maynila. Nais niya kasing mapaganda ang kaniyang buhay, at ayaw niyang mabulok dito, hindi gaya niyang anak ninyo na ni hindi ninyo mapag-aral!”

At hindi na nga naawat ang mga padre de pamilya sa kanilang pagpapang-abot.

Nataga ng kaniyang itay ang tatay ni Raymond hanggang sa ito ay sumakabilang-buhay.

Napiit ang kaniyang itay. Ganoon na lamang ang paghihinagpis ng kaniyang inay.

Si Raymond naman, pinagbawalan nang makipagkita sa kaniya. Nabalitaan din ni Crizel na wala na itong balak pang panagutan siya dahil may iba na itong nobya sa Maynila.

“Malawak ang mundo, Crizel. Hindi lang pala ikaw ang babae. Mas marami pa akong nakilalang babae na mas kaibig-ibig. Yung may mas mataas pang pangarap sa buhay nila, hindi kagaya mo na hanggang diyan ka na lang sa kinalalagyan mo,” sabi nito sa kaniya.

Advertisement

“Paano na ang magiging anak natin?” umiiyak na tanong ni Crizel.

“Sa tingin mo ba magiging maayos pa ang lahat matapos ang ginawa ng itay mo sa tatay ko? Hindi na maibabalik pa ang buhay ng tatay ko! At paano ako nakasisigurong sa akin nga yan?”

Isang malutong na sampal ang pinakawalan ni Crizel sa pisngi ni Raymond.

“Hayop ka! Hindi ako masamang babae. Sa iyo ko lang pinagkaloob ang kapurihan ko! Kung hindi mo kayang panindigan ang ginawa mo sa akin, puwes hindi ka namin kailangan!”

Nagpasya si Crizel na buhayin ang bata nang mag-isa kasama ang kaniyang inay. Masyado nang komplikado ang lahat. Sising-sisi siya sa mga naging desisyon niya sa buhay; palagay niya, ang mga nangyayari ay bunga ng kaniyang mga bugso ng damdamin, kaya wala na siyang magagawa kundi ang panindigan ito.