Tuwang-tuwa ang Babae Nang Maimbitahan Siyang Maka-Duet ng Idolong Mang-aawit; Ito na ba ang Pagkakataon Niya Upang Tuluyang Makapasok sa Mundo ng Showbiz?

Tuwang-tuwa ang Babae Nang Maimbitahan Siyang Maka-Duet ng Idolong Mang-aawit; Ito na ba ang Pagkakataon Niya Upang Tuluyang Makapasok sa Mundo ng Showbiz?

HeartbreakingStoriesSuccess

Hindi makatulog nang gabing iyon si Mildred. Para siyang lumulutang sa alapaap. Pagkatapos niyang sumikat sa isang streaming app dahil sa kaniyang mahusay na pag-awit, heto’t makakasama na niya sa iisang entablado ang idolo niyang mang-aawit na si Olivia Santillan, ang tinaguriang ‘The Ultimate Diva of the Philippines’.

Bata pa lamang siya ay minahal na niya si Olivia. Lagi niyang pinakikinggan ang mga hit na kanta nito sa radyo. Pinag-ipunan ang pagbili ng mga album nito. Halos mukha nito ang nakabandera sa mga dingding at kisame ng kaniyang kuwarto. Nangolekta siya ng songhits at magazine na ito ang tampok. Inilagay niya sa pedestal.

Nagkataong maganda rin ang kaniyang boses kaya ginagaya niya ang paraan ng pag-awit nito. Kinikilig siya kapag sinasabi ng mga nakaririnig sa kaniya na magkahawig ang mga boses nila ni Olivia.

Alam niyang mataas na pangarap ang makasama sa iisang entablado habang duet sila ng kaniyang idolo. Sabi nga ng tatay niya, huwag siya masyadong mangarap nang mataas dahil hindi naman artistahin ang mukha niya.

Tanggap naman niya iyon.

Mabuti na lamang at sa paglipas ng panahon, nauso ang internet at makabagong teknolohiya. Nagsulputan ang mga streaming apps at social media kung saan maaaring mag-upload ng video habang kumakanta.

Kaya naman sinubukan niyang mag-upload ng kaniyang mga cover, at masuwerte namang marami siyang naging mga tagasuporta.

Marami sa kanila ang nagsasabing kaboses nga niya ang idolong si Olivia.

Kaya naman laking-gulat niya nang isang araw ay may nagmensahe sa kaniya mula sa TV network kung saan naroon si Olivia, na nais siyang maimbitahang maka-duet ito, sa sarili nitong musical variety show.

Hindi makapaniwala si Mildred na matutupad na ang isang pangarap na matagal na niyang hinahangad noong bata pa lamang siya.

Kaya naman pinaghandaan niya ito lalo’t ito ang kauna-unahan niyang paglabas sa telebisyon. Agad itong ipinamalita ng kaniyang nanay sa kanilang mga kapitbahay. Talaga namang ipinagmamalaki siya.

Bumili siya ng bagong damit. Nagpaayos din siya ng buhok sa suki niyang salon. Ayaw naman niyang magmukhang basura sa tabi ng kaniyang idolo.

Sa araw ng kanilang taping, maagang umalis si Mildred upang hindi siya mahuli. Nakakahiya naman sa staff kung mahuhuli siya, at lalo na kay Olivia.

Maayos naman siyang inestima ng mga staff ng variety show. Mabait ang nag-aasikaso sa kaniya na si Debrah, na aminadong follower niya sa social media. Nag-selfie ito kasama niya.

“Alam mo mabuti at maaga ka. Ayaw kasi ni Ms. Olivia na nadedelay ang taping, alam mo naman… siya ang pinakasikat na diva sa buong Pilipinas.”

“Siya na yata ang ina ng lahat ng mga diva sa Pilipinas. Alam mo bang batang uhugin pa lang ako eh tagasuporta na niya ako? Sino’ng mag-aakalang sa punto ng buhay ko ngayon eh makakasama ko pa siyang kumanta sa iisang entablado, at sa harap pa ng telebisyon!” tuwang-tuwang pahayag ni Mildred.

“Masuwerte ka pala kung ganoon,” nakangiting sabi ni Debrah.

“Eh kumusta naman ang ugali ng idolo ko? Alam kong mabait at masayahin siya. Tama ba?”

Ngiti lamang ang naisukli ni Debrah.

Magsasalita sana ito nang biglang may dumating. Tinatawag na si Mildred para sa taping ng kanilang duet ni Olivia.

Napakalakas ng kabog ng dibdib ni Mildred. Kahit may kakapalan ang kaniyang make-up, alam niyang maputla nang parang ibinabad sa suka ang kaniyang mukha sa iba’t ibang emosyong namamayani sa kaniya.

Maya-maya, nagsimula na nga silang kumanta. Talagang ginalingan ni Mildred. Ayaw niyang mapahinga sa kaniyang idolo.

Pagkatapos ng biritan, nagpalakpakan naman ang lahat. Nakangiti rin si Olivia.

Nang pack-up na, naglakas-loob si Mildred na lapitan ito.

Ilang sandali, kaharap na niya si Olivia. Natulala si Mildred.

Ang idolo niya, nasa harapan lamang niya. Ilang hakbang lamang, maaari na niya itong mayakap.

Napakaganda nito. Maganda na ang rehistro nito sa telebisyon ngunit mas maganda ito sa personal. Kutis-porcelana ang balat.

Ngunit mukha itong suplada at hindi namamansin.

“Direk, can we start na kasi I’m nagmamadali,” mataray na sabi nito habang nakatutok sa cellphone.

Babati sana siya rito subalit ni sulyap ay hindi man lamang nito ginawa sa kaniya.

Humudyat ang direktor na magsisimula na ang taping.

At inawit na nga nila ang nakatokang awitin sa kanila.

Sa pagtutok ng camera ay nakita ni Mildred ang biglaang pagbabago sa mukha ni Olivia. Kung kanina ay nakasimangot ito, bigla itong ngumiti at panay pa ang sulyap sa kaniya.

Ginanahan naman si Mildred. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito. Bibihira lamang na pagkakataong maka-duet ang nag-iisang Olivia Santillan.

Hindi siya nagpatalo. Nakipagtapatan siya ng biritan sa idolo.

Matapos niyon, nagpalakpakan ang lahat.

“Ano pa ba aasahan natin, wala kang kupas Olivia,” papuri ng direktor.

“Salamat, direk” sabi ni Olivia, at dahil wala nang nakatutok na camera, muli na namang bumalik ang seryoso at suplada nitong mukha.

“Congrats din sa iyo… ano ngang pangalan mo?” tanong ng direktor.

“Mildred po direk,” nakangiting sabi ni Mildred.

“Ah oo. Mildred, ikaw yung online sensation, ‘di ba? Ganda ng boses mo at kahawig nga ng boses ni Olivia, puwede ka niyang maging ghost singer. Pero siyempre, walang papalit sa nag-iisang The Ultimate Diva,” wika ng direktor lalo na nang mapansin niyang napasimangot si Olivia.

Halos lumundag naman ang puso ni Mildred sa mga papuri ng direktor.

Nilapitan siya ni Olivia. Magpapakuha sana siya ng larawan dito subalit hindi niya inasahan ang mga sasabihin nito sa kaniya.

“Masyado kang pabida kanina. Bakit tinataasan mo ang birit mo kanina? Wala ka pa sa kalingkingan ko. Alikabok ka lang. Huwag mo ngang magaya-gaya ang boses ko. Nag-iisa lang ako, si Olivia Santillan, ang nag-iisang The Ultimate Diva. Walang sinuman ang puwedeng pumalit sa akin, lalo na ang mga pipitsuging gaya mo,” bulong nito sa kaniya habang nakangiti. Akala ng ibang staff ay pinupuri siya ni Olivia.

Para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa.

Inilagay niya sa pedestal si Olivia. Ginawang modelo sa pagkanta.

Naalala niya, siya pa ang kauna-unahang nagtatanggol dito kapag nilalait ito ng kaniyang mga kaklase noon. Masyado raw maingay kapag bumirit. Hindi na raw kumakanta kundi sumisigaw na.

Hindi rin niya pinaniniwalaan ang mga naglabasang tsismis at blind items tungkol kay Olivia; na matapobre raw ito at may ugaling diva

Ngunit sa araw na ito, iba ang nasaksihan niya.

Walang humpay sa pagpalakpak ang kaniyang nanay at mga kamag-anak nang mapanood na ang duet nila ni Olivia na umere na sa telebisyon.

“Galing mo, anak! Kayang-kaya mong makipagsabayan kay Olivia! Hindi, mas magaling ka nga sa kaniya eh, hindi masakit sa tenga ang pagbirit mo. Sikat lang siya eh,” komento ng kaniyang nanay.

Nakatanga lamang si Mildred sa telebisyon. Hungkag ang kaniyang nararamdaman habang pinapanood ang pag-awit nila nang sabay ni Olivia, ang pagsulyap at pagngiti nito sa kaniya…

“Mabait ba si Olivia, ate? Anong sabi niya sa iyo pagkatapos?” tanong ng kaniyang kapatid. Tumingin din sa kaniya ang mga kaanak, naghihintay ng sagot.

Ngumiti lamang si Mildred.

Bukas, ibang cover na ang itatampok niya mula sa ibang mang-aawit.

More Stories