Inday TrendingInday Trending
Pagpapala Naman Matapos ang Sakuna

Pagpapala Naman Matapos ang Sakuna

Napahagulgol ang binatang si Neil nang umuwi siya galing sa eskwela at naabutang dini-demolish na ang bahay nila!

“Mama, ano pong nangyayari? Bakit dini-demolish ang bahay natin?” tanong niya sa mahal na ina na noo’y umiiyak din tulad niya at ng kaniyang ama. “Pinapaalis na tayo, anak, dito sa lupang kinatitirikan ng bahay natin. Hindi ko alam kung saan tayo pupunta ngayon!” Natutop ng kaniyang ina ang sariling bibig.

Lahat sila ay nag-aalala lalo pa’t ang pangalawa sa kapatid ni Neil ay magtatapos na sana ng kolehiyo pero mukhang mapupurnada pa ito ngayon.

“Mama, huwag po kayong mag-alala. Gagawa kami ng paraan ni papa!” saad ni Neil.

Nung araw ding iyon ay halos libutin ng mag-amang Neil at Danilo ang buo nilang barangay upang humingi ng tulong sa malalapit nilang kaanak. Suwerte namang may isa silang kamag-anak na nagmamay-ari ng paupahan kaya’t ipinahiram muna sa kanila ang isa bakanteng kwarto upang may matuluyan sila.

“Salamat po, Diyos ko! Napakalaking tulong po ang natanggap namin ngayong araw.” Napadasal si Neil nung gabing iyon dahil mayroon silang matutulugang tahanan. May bubong at pader bilang proteksyon sa ulan kahit na medyo siksikan silang pamilya.

Kinabukasan ang problema naman nila ay kung ano ang kakainin. Hindi kasi nakapasok sa trabaho sina Danilo at Neil kahapon dahil sa paghahanap ng malilipatan. Pareho pa namang arawan ang kinikita nila bilang mga construction workers. Muling umikot ang kanilang mga utak sa kung ano ang dapat gagawin lalo’t awang-awa na si Neil dahil nagrereklamo na ang kanilang bunso dahil sa gutom.

Naalala ni Neil ang selpon na ibinigay noon ng kaniyang Tito Oscar na galing Dubai.

Dali-dali siyang nagpunta sa sanglaan at isinangla ang selpon na iyon upang may maipambili sila ng pagkain.

“Salamat po, Panginoon ko!” muling dasal ni Neil kasabay ng taos-pusong paghiling na sana’y patuloy silang gabayan sa araw-araw.

Nakapasok na kinabukasan sa trabaho sina Neil at ang ama nitong si Mang Danilo. Suwerte namang tumama sa lotto ang kanilang safety officer na nung araw na iyon ay nagbigay ng balato sa mga katrabaho kasama na ang mag-ama.

Muli, nagpasalamat na naman si Neil sa Panginoon.

Sunud-sunod na paghihirap ang kanilang naranasan dahil pagkatapos niyon ay nagkasakit naman ang isa sa miyembro ng kanilang pamilya.

Kasabay ng paggawa ng paraan ay ang patuloy na pagdarasal ni Neil upang humingi ng tulong sa Maykapal. Mabuti na lamang at agad na naagapan ang sakit at isa na namang dahilan iyon upang magpasalamat muli si Neil sa Panginoon.

Ilang pagsubok pa ang dumaan sa kanilang buhay na talagang lalong nagpatibay sa kanilang samahan kaya’t gaano man kahirap ay patuloy pa rin ang pagpapasalamat ni Neil sa Panginoong Diyos.

Hanggang sa isang magandang balita ang nagpabago ng buhay nila.

“Kuya, ga-graduate na ako bilang Summa Cum Laude!” saad ni Karen.

Halos magtatalon sa tuwa ang buong pamilya ni Neil habang nagpapasalamat unang-una na sa Panginoon na siyang gumabay sa kanila upang matupad ang pangarap ng isa sa miyembro ng kanilang pamilya. Maluha-luhang yinakap ni Neil ang kapatid.

Hindi rin naging madali ang mga unang taon ng mag-anak matapos maka-graduate ni Karen na siyang sumunod sa panganay na si Neil. Kinailangan kasi nitong mangibang bansa upang makalikom ng perang maaari nilang ipangsimula ng negosyong pangkabuhayan ngunit dahil sa pagtitiyaga ay nakamit din naman nila iyon.

Makalipas ang limang taon ay hindi na kinailangan pang mag-construction worker nina Mang Danilo at Neil dahil ngayon ay ang sarili na nilang babuyan at manukan ang inaasikaso nila. Nakapagpatayo na rin sila ng dalawang butas ng apartment na siyang ipinangsusuporta naman nila sa pag-aaral ng iba pa nilang kapatid.

Sa kagustuhang mas lumago pa ang kanilang ari-arian ay minabuti ni Karen na magtrabaho pa nang ilang taon sa abroad. Nagpasya itong umuwi nang masiguradong magiging masagana na ang kanilang buhay.

Nanatiling nagpapasalamat sa Diyos ang buong mag-anak. Lahat ng mayroon sila ay hindi sila nangingiming ibahagi sa iba bilang pagbabalik biyaya.

Walang oras na hindi naging malapit ang mag-anak sa Diyos. Sa hirap at ginhawa ay Siya ang una nilang nilalapitan. Iyon siguro ang dahilan kung bakit walang sakunang hindi nila kayang lagpasan.

Marami ang humanga sa kuwentong iyon ng pamilya ni Neil. Ilang beses din silang naitampok sa iba’t ibang palabas sa telebisyon upang maghatid ng inspirasyon sa nakararami. Maging iyon ay malaking bagay na para kay Neil dahil isa iyong inspirasyon na maaaring maging gabay rin ng iba.

Advertisement