Inday TrendingInday Trending
Takutin Ang Babaerong Boyfie

Takutin Ang Babaerong Boyfie

“Baby, ‘wag diyan, ano ka ba!” anang babae sa malanding tinig. Hindi naman ito pinansin ni Rafael at patuloy ang paggapang ng malikot nitong kamay sa maumbok na hinaharap ng kakikilala pa lamang na babae.

Hindi niya napansin na may isang pares ng mga matang nakatitig sa kaniya. Puno ng poot at galit sa dibdib ang may-ari ng pares na iyon ng mga mata.

“Matakot ka sa karma, Rafael. Malapit na! Isinusumpa kong mararanasan mo ang takot at sakit na ipinaramdam mo sa lahat ng mga babaeng niloko mo,” matigas na saad ng babaeng si Mika, dating babaeng ginamit at pinaglaruan ni Rafael.

Pinahid niya ang luhang nagsimulang umagos sa kaniyang pisngi dahil sa sakit na nararamdaman. Nakita niya ang motorsiklo ng lalaking minahal niya nang sobra at bumalik ang mga ala-alang nakasakay siya roon habang nakayakap sa baywang ng lalaking minahal.

Tiningnan niya ang paligid, mangilan-ngilan din ang mga taong nasa lugar na iyon. Tinawid niya ang kalsadang kinalalagyan ng motor— nang hindi sinasadyang isang sasakyan ang matuling humarurot sa kaniyang harapan!

Huli na para makaiwas si Mika!

Napasinghap ang mga taong nakakita, maging sina Rafael at ang bagong babaeng kinakalantari niya ngayon na ang pangalan ay Aliza. Napatakbo sila sa umpukan ng mga tao. Gulat at nanlalaki ang mga mata ni Rafael nang makita ang babaeng nakahandusay sa kalsada. Hindi niya ito makakalimutan dahil ilang araw rin itong naghabol sa kaniya nang iwan niya ito.

“M-Mika?” nanginginig na tawag ni Rafael, hindi pa rin makapaniwala.

“Kilala mo siya?” tanong ng katabing babae ni Rafael sa bandang kanan niya, nasa kaliwa naman si Aliza habang tila ahas kung makalingkis.

“O-Oo, dating kasintahan ko,” Nilingon ni Rafael ang babaeng katabi at laking gulat niya nang mapag-alamang malaki ang pagkakahawig nito sa dating kasintahang si Mika.

May luhang pumatak sa kaliwang mata ng babae. Hindi makagalaw sa kaniyang kinatatayuan si Rafael. Nanlalamig ang buo nitong katawan lalo na nang lumingon sa kaniya ang babae.

“Kasalanan mo ang lahat!” mabigat ang paghinga ni Rafael sa tinuran ng galit na babae. Hindi niya alam kung kakambal ba ito ni Mika.

“H-hindi, nagkakamali ka!” Napatingin ang mga taong malapit sa kaniyang kinatatayuan sa pagtaas niya ng boses.

“Raf, sinong kausap mo riyan?” naguguluhang tanong ng kasamang si Aliza. Wala itong nakikitang kausap ni Rafael kayaʼt nagtataka itong nagsasalita siya nang mag-isa.

Nanlalaki ang mata ni Rafael sa sinabing iyon ni Aliza. Hindi niya inalis ang tingin sa babaeng kamukha ni Mika, na ngayon ay nakangisi na. Tumaas ang balahibo niya nang maglakad ito papunta sa katawan ni Mika. May ibinulong ito sa malamig na katawan ni Mika bago umalis.

Dinala sa morgue ang katawan ni Mika at kinuha ng kaniyang nanay na hindi matigil sa pag-iyak. Iniuwi ito sa probinsya habang nagpatuloy naman sa pagiging babaero si Rafael.

Hindi nagtagal, sina Aliza at Rafael ay nagkahiwalay rin.

“Babe,” nang-aakit na tawag ni Rafael sa panibago na namang babaeng kasama niya sa condo. Nasa banyo siya at gusto niya sanang doon maganap ang bagay na hilig niyang gawin sa mga babaeng pinaglalaruan niya ngunit walang nagsasalita.

Kinuha niya ang tuwalya at ipinangtapis sa kaniyang baywang. Humarap siya sa salamin at hinagod ng kamay ang kaniyang basang buhok.

Aalis na sana siya nang makitang may babaeng nasa likuran niya, malalim ang titig at tila kanina pa siya pinagmamasdan. Ipinikit niya ang mata at muling nagmulat, takang-taka siya nang biglang nawala roon ang babae. Nakaramdam siya ng pangamba at kakaibang kilabot kaya dali-dali siyang nagbihis.

Sa loob ng silid ay nakita niya ang sulat na gawa ng babaeng kasama niya. Base sa sulat ay nagmamadali ito.

“Babalikan ka niya, maghihiganti siya. Nakita ko siya at alam kong ikaw rin. Mag-ingat ka!” Nabitiwan ni Rafael ang hawak na papel.

Pumasok siyang muli sa kwarto para kuhanin ang susi ng kaniyang motorsiklo, pero naistatwa siya at napatitig sa salamin. Masuka-suka rin siya sa lansa ng amoy ng dugong ginamit upang maisulat sa malaking salamin ang mga salitang, “Mamam*tay ka!”

Nanginginig na tumakbo siya palabas ng condo. Gabi na at tulog na ang mga taong nakatira doon. Kakatwang tila napupundi ang mga ilaw sa hallway ng condominium na inuupahan dahil pat*y-sindi ang ilaw.

Isang babae ang nakita niya sa pintuan palabas ng tinitirahang condominium. Napaatras siya nang makita ang suot nitong damit na iniregalo niya kay Mika. Puti itong bestida, ngunit halos hindi na makita dahil nababahiran ng dugo ang kabuuan nito. Nanlilisik ang mata ng babae at wariʼy nakangisi. May mga dugo rin sa mukha nito.

Tama ang hinala niya, si Mika ang nagpapakita sa kaniya ilang araw na ang nakakaraan. Tuwing may dinadala siyang ibang babae ay nagmamadali itong umaalis dahil may nagpaparamdam sa kanilang kakaiba na siyang nararamdaman din naman ni Rafael.

“M-Mika…” nanginginig ang boses niya sa pagkakataong iyon. Hindi malakas ang aircon pero napayakap siya sa sarili sa sobrang lamig at takot na nararamdaman.

Malakas na tawa ang nangibabaw sa lugar na iyon. Nakakapangilabot ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Mika.

“Mamam*tay ka!” humahalakhak na saad ni Mika. Paatras nang paatras si Rafael hanggang sa nawalan siya ng balanse at nalaglag sa hagdan.

Duguan at wala nang buhay nang abutan ng mga tao sj Rafael.

“Cut!” Malakas ang pagkakasigaw na iyon ng director na pinuri si Francis sa galing ng pag-acting bilang Rafael sa pelikulang “Condominium”, maging ng katambal nitong si Azle na gumanap naman bilang Mika.

“Salamat, direk. Paano? Una na kami ni Azle?” Tumango ang direktor at tinapik-tapik pa ang balikat ni Francis.

Matapos mag-ayos ay agad na lumabas ang magkasintahan at tumungo sa paborito nilang lugar, sinehan.

“Hindi ako si Rafael, dahil hindi ko hahayaang maging si Mika ka,” bulong ni Francis kay Azle na tutok sa panonood. Ngumiti ang dalaga sa kasintahan.

Ang totoo, simula nang i-shoot nila ang pelikulang “Condominum” ay saka lang napatigil sa pambababae si Francis. Sa galing kasi ng acting ni Azle bilang Mika, ang mapaghiganting girlfriend ni Rafael na siya namang ginanapan niya, ay parang natakot na siyang mambabae pa. Mahirap na, dahil hindi naman talaga niya masasabi ang totoo sa hindi. Ayaw niyang mahuli ang lahat sa kanila ni Azle. Ipinapangako na niya ngayon sa kaniyang sariling, wala nang ibang mamahalin pang babae kundi ang girlfriend niya.

Hinalikan ni Azle ang labi ng kasintahang si Francis kasabay ng kaniyang pagngisi. Tagumpay kasi ang plano niyang takutin ang babaero niyang boyfie para magtino!

Advertisement