Inday TrendingInday Trending
Malupit na Ganti Para sa Malupit na Tiyahin

Malupit na Ganti Para sa Malupit na Tiyahin

Pigil na pigil sa kaniyang pag-iyak si Audette habang kinukuskos ang sahig ng banyo sa bahay ng kaniyang Tiya Odessa. Kanina kasi ay lumapit siya rito upang mangutang ng makakain nilang magkakapatid ngayong hapunan dahil hindi pa nakakauwi ang kanilang ina mula sa trabaho.

“Maglinis ka ng banyo bago ko ibigay sa’yo ‘yong tira-tira naming ulam,” pahayag ng kaniyang Tiya Odessa kanina sa kondisyon nito nang sabihin niya ang kaniyang pakay sa paglapit rito.

Agad namang tumalima si Audette sa utos kahit pa parang nanliliit siya sa kaniyang sarili dahil sa inasal ng kaniyang tiyahin. Ngayon nga ay todo kuskos siya sa sahig ng c.r. nito.

Matapos ang gawain ay agad nang umuwi si Audette. Maluha-luha siya dahil tatlong pirasong tuyo lamang ang ibinigay ng kaniyang Tiya Odessa sa kaniya. Hindi raw nito nagustuhan ang pagkakalinis niya sa banyo nito.

Ganoon pa man ay tinanggap na lamang iyon ni Audette kaysa wala siyang maiuwing pagkain para sa kaniyang mga kapatid.

Noon pa man ay labis na kung pagmalupitan sila ng kanilang tiyahin na kapatid sa ama ng kanilang papa na maaga ring namayapa noong maliit pa lamang si Audette. Simula nang mawala ang kanilang ama ay ang ina na nila ang siyang kumakayod upang mabuhay silang magkakapatid.

Simula nung gabing iyon ay ipinangako ni Audette sa sarili na hindi na siya kailan man hihingi ng tulong sa kanilang tiyahin. Mas mabuti pang magbanat ng buto sa ibang tao kaysa sa sarili nilang kadugo na ganito naman ang ipinapakitang asal sa kanila. Mas masakit kasing makaranas ng ganoong uri ng pang-aalipusta sa mga taong dapat ay tumutulong at nagmamahal sa kanila.

Iyon ang naging inspirasyon ni Audette para magsumikap siya nang sobra sa buhay na siyang naging dahilan naman para maging matagumpay siya sa halos lahat ng hamong dumarating sa kanilang mag-anak. Ginawa ni Audette ang lahat upang makatapos ng pag-aaral. Nang maka-graduate siya sa kursong culinary arts ay doon siya nag-umpisang umangat.

Ginamit ni Audette ang lahat ng kaniyang kaalaman sa pagluluto upang maging masarap ang mga inihahain niyang putahe sa itinayo niyang maliit na eatery. Iyon ang naging dahilan kaya’t mabilis na pumatok sa masa ang kaniyang mga niluluto at dinayo nang dinayo ang kainan nilang iyon hanggang sa lumago nang lumago. Umangat din nang umangat ang kabuhayan nilang mag-anak.

Lumipas ang panahon at naging maganda na ang buhay nina Audette kasama ang kaniyang ina at mga kapatid. Talagang nagbago na ang estado ng kanilang pamumuhay dahil sa tagumpay ng negosyo ni Audette. Ganoon pa man ay hindi nakalimot magpasalamat sa Diyos si Audette at magbalik ng biyaya sa iba. Madalas siyang tumulong sa kapwa at nananatiling nakatapak ang mga paa niya sa lupa kahit na mataas na rin ang narating niya.

Isang araw ay isang hindi inaasahang bisita ang kumatok sa tahanan nina Audette. Walang iba kung ‘di ang tiyahin niyang si Odessa, ang taong noo’y nagmalupit sa kaniya.

Sakay ito ng wheelchair na tulak-tulak ng isa sa mga anak nito na grabe ang pagkapayat. Halos hindi na nga makilala ni Audette ang tiyahin at pinsang nagpakita sa kaniya ngayon. Ibang-ba na ang mga hitsura nila ngayon. Kung noon ay halos hindi sila makalabas ng bahay nang hindi nakapostura ngayon ay halos gulagulanit na damit na ang suot nila!

Natutop ni Audette ang sariling bibig sa nakita. Dahil doon ay ni hindi siya nagdalawang-isip na papasukin ang mga ito at asikasuhin bilang mga bisita.

“Kumain na ba kayo?” ang nag-aalalang tanong ni Audette sa pinsang kasama ng kaniyang Tiya Odessa. “Hindi pa po, Ate Audette, eh,” sagot naman ng pinsan.

Agad na tumawag si Audette ng isang kasambahay at nakiusap siyang maghanda ng pagkain para sa mga ito. Taos-puso niya silang binusog na siya namang ipinagtataka ng kaniyang Tiya Odessa.

“Bakit nga po pala kayo naparito?” ang tanong ni Audette sa nangangayayat niyang tiyahin na biglang napayuko.

“Kung maigagalaw ko lang sana itong mga paa ko ay luluhod ako sa harapan mo, Audette, upang humingi ng limos,” naiiyak na sabi ni Tiya Odessa. “Malaking kamalasan ang nangyari sa aming pamilya buhat nang malugi ang negosyo naming mag-asawa. Siguro karma ko iyon dahil naging malupit ako sa’yo at sa inyong pamilya,” napapahagulgol pang dagdag nito.

Ngunit isang tapik lamang sa balikat ang isinagot ni Audette bago siya ngumiti. “Hindi niyo na ho kailangang lumuhod dahil pinagbayaran niyo na ang mga ginawa niyong kasalanan, tiya. Isa pa, naniniwala akong instrumento ka ng Diyos kaya nakamit ko ang ganitong tagumpay. Huwag ho kayong mag-alala dahil tutulong ako sa abot ng aking makakaya. Magsabi kayo sa akin at tutulungan ko kayo.”

Halos manliit lalo sa sarili ang paralisado nang si Odessa habang nakatingin sa sinserong ngiti ng pamangking pinagmalupitan niya noon. Sa kabila ng ginawa niyang kasamaan dito noon ay nanatili itong mabuti at matulungin sa kaniya.

Ito pala ang dahilan kung bakit pinagpapala si Audette samantalang siya’y pinarurusahan. Napakalaki ng pagkakaiba nila. Nilukob ng pagsisisi ang pagkatao ni Odessa. “K*ll them with kindness” ika nga ng isang kasabihan. At iyon mismo ang eksaktong ginawa ni Audette bilang ganti sa kaniyang kasamaan.

Habang buhay na ngayong pagsisisihan ni Odessa ang ginawa niyang kalupitan sa pamangkin niyang si Audette.

Advertisement