Inday TrendingInday Trending
Pinili ng Babae na Ialay na Lamang sa Simbahan ang Huling Pera na Mayroon Siya; Hindi Siya Makapaniwala sa Laki ng Naging Balik Nito sa Buhay Niya

Pinili ng Babae na Ialay na Lamang sa Simbahan ang Huling Pera na Mayroon Siya; Hindi Siya Makapaniwala sa Laki ng Naging Balik Nito sa Buhay Niya

Tandang-tanda pa ni Betty kung gaano kahirap ang pinagdaanan nila noon at paanong binago ng Diyos ang kanilang buhay. Isang napakalaking aral na kanilang maibabahagi sa maraming tao.

Maagang naulila sa ama si Betty kaya’t tanging ang ina niyang si Linda ang mag-isang nagtaguyod sa kaniya. Nagtitinda sa palengke si Linda at kung minsa’y suma-sideline ng paglalaba at pamamalantsa. Kailangan nitong mag doble-kayod dahil sa dami ng utang na iniwan ng namayapang asawa.

Hayskul si Betty noon nang maranasan niya ang matinding dagok sa buhay. Umuwing umiiyak ang kaniyang ina habang dala-dala ang ilang kagamitan mula sa puwesto nila sa palengke.

“’Nay, bakit po kayo umiiyak? Ano po ang nangyari?” nag-aalalang tanong ng babae sa ina.

“A-anak…” humihikbing tugon ni Linda.

“A-ano pong problema, ‘nay?”

“Pinaalis na kasi tayo sa puwesto natin sa palengke. Nagtaas kasi sila ng singil sa renta, e hindi na natin kaya ang hinihingi nila. Umalma ako… pero hindi nila ako pinakinggan. Ibinigay nila sa iba ang puwesto at pinaalis ako,” humahagulgol na kwento ng ginang.

Napaluha na lamang din si Betty sa narinig. Labis siyang nag-aalala sa ina at kalagayan ng kanilang buhay. Paano sila makakabayad sa pinagkaka-utangan? Paano ang kanilang panggastos sa araw-araw? Paano na ang kaniyang pag-aaral?

Napakaraming tanong ang bumabagabag sa kaniyang isipan. Pero gulong-gulo na ang isipan niya para makabuo ng kasagutan.

“Panginoon, paano na kami nito?” mahinang sambit ng dalaga.

Kinailangan tumanggap ni Linda ng napakaraming labahin at plantsahin upang kumita lamang ng sasapat para sa kanilang pangkain. Graduating si Betty sa hayskul at napakaraming gastos ang kailangan bayaran para roon.

Minsan napapayuko na lamang sa lungkot ang dalaga kapag nakikitang sugat-sugat ang kamay ng ina sa dami ng nilabhan.

“Nay… gusto po ba ninyong tumulong ako sa mga trabaho? Masyado na po kayong napapagod. Baka may maitutulong ho ako?” tanong ng babae sa ina.

“Ayos lamang ako, anak. Pagtuunan mo na muna ng atensyon ang pag-aaral mo. Mas importante iyon,” tugon naman ni Linda.

Kahit halos magkanda-kuba na si Linda, hindi niya maitigil ang pagtanggap ng trabaho. Kailangan maitawid ang pangangailangan nila sa pang-araw-araw.

“Linda, ano na? Gusto mo atang sa barangay pa tayo magkita para magbayad ka lang?!” sigaw ng matandang babae.

“Magbabayad naman ho kami, pero baka puwede n’yo naman akong bigyan ng kaunting palugit. Walang-wala na ho kasi kaming pagkukunan…” nakayukong sagot ni Linda.

“Aba, Linda! Ilang palugit pa ba ang gusto mo? Kung wala kang ibabayad, ipapa-barangay kita at ipapakuha ko lahat ng gamit sa bahay n’yo!” saad pa ng matanda at saka umalis.

Tinotoo nga ng mga maniningil ang banta. Ang mga puwede nilang makuha ay kinuha nila sa looban ng bahay, hanggang sa halos maubos na lahat ng laman nito.

Nagtitiis ang mag-ina na pinagkakasya ang dalawang pirasong tuyo sa buong maghapon. Kung minsan naman ay asin na ibinudbod sa kanin upang mairaos lamang ang gutom na sikmura.

Dumating ang araw na talagang nasaid na ang kanilang pera. Bente pesos na lamang ang perang mayroon sila. Hindi na rin makatanggap ng labada si Linda dahil sa pananakit ng likod na iniinda. Minsa’y nahimatay pa ito sa sobrang pagod.

Araw ng Linggo, maagang nagising ang mag-ina noon upang makadalo sa simba. Kumalakam pa ang kanilang sikmura dahil hindi sila nakakain ng hapunan. Pero kahit ganoon, nais pa rin nilang magsimba upang dumulog at manalangin sa Maykapal.

“Diyos ko po… Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko na po alam kung saan pa ako huhugot ng lakas para kayanin ang pagsubok na dinaranas namin,” lumuluhang sabi ni Betty.

“Magtiwala ka lamang. May mas magandang plano ang Diyos sa buhay natin. Magtiwala ka lamang…” malumanay na sabi ni Linda habang hinahaplos ang balikat ng umiiyak na anak.

Gusto ni Betty na kwestyunin ang Diyos sa labis na hirap na kanilang nararanasan. Nais niyang magalit dahil tila ba pinaparusahan sila. Pero mas malaki ang tiwala niya na mayroong kasagutan ang lahat balang-araw.

“Sa oras na ito ng pag-aalay at paghahandog sa ating Panginoon, nais kong subukin n’yo, Siya! Tingnan niyo kung gaano Siya kadakila! Ibabalik Niya ng doble-doble ito at higit pa sa inaasahan n’yo,” saad ng Pastor sa simbahan.

Bente pesos na lamang ang pera na mayroon si Betty. Iyon na lamang ang mayroon sila upang maitawid pa ang gutom na sikmura nang araw na iyon. Napatingin ang dalaga sa maputlang mukha ng ina at lalong napahigpit ang kapit sa hawak na pera.

Tumayo ang dalaga at marahang lumakad sa unahan upang ihulog sa kahon ang kaniyang handog. Huminga siya nang malalim at saka nagdasal.

“Eto na lamang po ang mayroon kami. Pero mas nagtitiwala ako sa puwede Mo pang magawa o Diyos… Ikaw na ang bahala sa amin,” tumulo ang luha ni Betty at saka inihulog ang halagang dala-dala.

Natapos ang misa at nakangiting lumabas ang mag-ina. Hindi inaasahang nakita rin nila doon ang guro ni Betty.

“Betty!” pagtawag ng guro. “Magandang umaga po sa inyo,” bati naman nito sa ina ng dalaga.

“Ma’am, nagsimba rin po pala kayo. Pasensiya na po hindi ko kayo napansin kanina,” paghingi ng paumanhin ng dalaga.

“Nako, ayos lamang iyon! Tamang-tama, kailangan kasi kitang makausap rin. Maaari ko po ba kayong imbitahin sa amin saglit? Kaarawan ko po kasi ngayon. Samahan po ninyo kami sa munting salu-salo,” pag-anyaya ng guro.

“S-sige po…” nahihiyang tugon ni Betty.

Sa bahay ng guro kumain ng tanghalian ang mag-ina. Napakaraming handa roon kaya’t busog na busog sila. Masayang ipinagbalot pa sila ng guro ng pagkain na kanilang madadala pag-uwi. Makakaraos na rin sila ng hapunan.

Bago umuwi ay kinausap ng guro ang mag-ina para sa isang importanteng kaganapan.

“Inirekomenda ko po kasi na si Betty ang lumaban sa quiz bee at essay writing contest. Siya po ang magrerepresenta ng aming paaralan. Bilang running for class valedictorian at may pinakamataas na grado sa buong eskwelahan, wala na po kaming maisip pang iba na maaring lumaban kundi siya.

May cash prize ang patimpalak kaya’t makakatulong nang malaki iyon para sa pag-aaral mo ng kolehiyo. Bukas na gaganapin iyon, kaya’t nagpapasalamat ako sa Diyos na nagtagpo ang ating mga landas kanina sa simbahan. Tatanggapin mo ba ang alok ko, Betty?” nakangiting tanong ng guro.

Walang pag-aalinlangang sumagot naman si Betty ng “opo.”

Kinabukasan, maagang gumayak si Betty at ang kaniyang ina. Nagtungo sila sa paaralan at doo’y pinakain muna sila ng punong-guro ng umagahan. Matapos noo’y nagtungo sila sa paligsahang kabibilangan ni Betty.

“Diyos ko, inaalay ko Sa’yo ang lahat ng ito. Sa’yo ko na po ipinagkakatiwala ang lahat. Ikaw na po muli ang bahala,” taimtim na panalangin ng dalaga.

Lumaban si Betty sa patimpalak at nakamamanghang nag-uwi siya ng dalawang pilak at tatlong gintong medalya para sa Quiz Bee, at isang tropeya naman kung saan siya ang nanguna sa limampung estudyanteng naglaban-laban para sa essay writing contest. Mahigit limampung libo ang perang naiuwi ng dalaga galing sa napanalunang patimpalak.

Hindi na bumawas pa ang paaralan sa perang napanalunan ng dalaga, dahil iyon ay tulong na raw nila sa mag-ina. Pero hindi lamang pala iyon ang surpresang naghihintay sa dalaga. Nabuksan ang oportunidad na makakuha siya ng scholarship sa iba’t ibang unibersidad sa Pilipinas dahil napakaraming namangha sa husay na ipinamalas niya noong paligsahan. Lalo pang dumami noong napag-alaman na napakataas ng kaniyang marka sa paaralan.

Dahil sa perang naiuwi, nakabayad ang mag-ina sa natitirang utang. Ang iba ay itinabi sa banko at ang natira nama’y ipinuhunan sa negosyo. Nagsimula si Aling Linda sa pagbebenta ng lutong ulam at meryenda hanggang sa nakilala at ganap na naging isang kainan at dating maliit na negosyo lamang.

Nakapasok at nakapag-aral naman si Betty sa isang kilalang kolehiyo at doo’y nabigyan ng scholarship. Nakaranas ng marami rin pagsubok ang dalaga habang iginagapang ang pag-aaral. Pero hindi siya nabagabag o nag-alala, dahil alam niyang may Diyos siyang masasandalan.

Paglipas ng ilan pang panahon… Magkasamang nagsimba ang mag-ina. Nakahawak si Betty sa kamay ng ina. Magaspang na ito at halatang batak sa trabaho.

“Salamat sa lahat-lahat, ‘nay,” nakangiting sabi ni Betty.

“Salamat dahil naging matatag ka rin, anak. Napakarami nating pinagdaanan subalit nagawa natin malagpasan,” tugon naman ng ginang.

“Ikaw kasi ang nagturo sa akin na magtiwala sa Diyos. Kaya’t salamat sa Kanya dahil tunay ngang pinakinggan Niya ang ating mga dalangin.”

Lumabas ng simbahan ang mag-ina na may galak ang mga puso. Manager na si Betty ngayon ng isang malaking banko at may-ari naman na ng kilalang kainan si Aling Linda. Dumalaw rin muna sila sa dating guro ni Betty upang magdala ng mga prutas at pagkain. Malaki ang utang na loob nila rito dahil ang guro ang ginawang instrumento ng Diyos upang baguhin ang kanilang buhay.

Kakaibang pagtitiwala ang ipinamalas ni Betty nang piliin niyang ibigay ang kahuli-hulihang pera na mayroon sila at ialay sa Diyos. Nasa napakahirap na sitwasyon sila noon, ngunit mas naging matibay ang kanilang pananampalataya na mayroong Diyos na nakatingin at gagawa ng paraan upang sila’y kalingain.

Hindi naman sila nabigo dahil sa malaking dagok na kanilang pinagdaanan, muli silang ibinangon ng Panginoon at ibinalik nga sa kanila ng higit pa sa inaasahan ang Kaniyang pagpapala.

Sa panahon ngayon ng pandemya, kung saan ang lahat ay tila ba walang kasiguraduhan, piliin nating kumapit sa pananampalataya at magtiwala na gagawa ang Diyos ng paraan upang muli tayong ibangon.

Anuman ang iyong pinagdadaanan. Malaki man o maliit ang problemang iyong pinapasan, huwag kang panghinaan ng loob at kumapit lamang sa Pangako ng Diyos. Pasasaan pa’y bubukas rin ang langit upang ibuhos sa’yo ang napakaling pagpapala.

Advertisement