Pinagbigyan ng Tindero ang Batang Kulang ang Dalang Pera; Balik nitoʼy Sobra-Sobrang Biyaya Pala
Nag-aagaw na ang dilim at ang liwanag kaya naman unti-unti nang nagsasara ng kaniyang prutasan ang tindero sa palengkeng si Mang Toni.
Matumal pa rin ang benta ng kanilang mga paninda, dahil halos walang maibili ang mga tao ngayon ng prutas laloʼt nagkakaroon ng krisis nang dahil sa pandemiya.
Dati-rati, kapag ganitong panahon ay mabentang-mabenta na ang kanilang mga prutas lalo na ang mga prutas na bilog na sinasabing pampasuwerte raw kapag mayroon ka tuwing sasapit ang bagong taon. Ngayon ay halos mangilan-ngilan na lang ang may kakayahang bumili at kumpletuhin ang siyam na ibaʼt ibang klase ng bilog na prutas na pampasuwerte.
Nasa kalagitnaan ng pag-aayos noon ng kaniyang tindahan si Mang Toni nang bigla siyang lapitan ng isang bata. Nakatingin ito sa mga prutas na kaniyang paninda at tila natatakam sa ibaʼt ibang kulay niyon, lalo pa at mga sariwa ang kaniyang paninda at talaga namang magaganda kung pagmasdan.
“Anoʼng sa ʼyo, anak?” ang nakangiting tanong ni Mang Toni sa bata, ngunit iling lamang ang isinagot nito.
“Huwag ka nang mahiya, ʼtoy. Magsabi ka naʼt mabigyan lamang kita bago ako magsara,” nakangiti pa ring dagdag ni Mang Toni na pilit na kinukumbinsi ang bata.
“E, nanggaling na po ako sa ibang tindahan, manong. Kulang daw po ang pera ko, e. Baka po kasi kulangin din kapag namili ako rito sa inyo,” may hiyang sagot naman ng magalang na bata kay Mang Toni.
“Hala, naku! Sige naʼt mamili ka na ng prutas na gusto mo. Pasko naman ngayon, e. Isa pa ay hindi nakapanghihinayang na pagbigyan ang magalang na batang katulad mo,” masayang sabi pa ni Mang Toni sa bata na bigla namang ikinaaliwalas ng mukha nito.
“Talaga po?!” Tumaas ang tono ng bata sa sobrang tuwa. “Maraming salamat po, manong!” napayakap pa ito sa kaniya na ikinagalak naman ni Mang Toni.
Ilang taon na rin buhat nang siyaʼy mayakap ng isang bata. Malaki na kasi ang kaniyang anak na ngayon ay nakapag-asawa naʼt nakatira sa malayong lugar kaya naman hindi siya nito madalaw laloʼt kapos din ang mga ito ngayon. Gustuhin man silang tulungan ni Mang Toni ay sapat lang din naman ang kinikita ng may edad na ring ama para sa kaniyang sarili. May mga maintenancr na gamot na rin kasi siyang iniinom ngayon na kailangan niyang tustusan.
“Manong, tanggapin nʼyo po itong bayad ko, kahit po ko kulang,” sabi ng bata kay Mang Toni na noong unaʼy tinanggihan pa niya, ngunit nang makitang tila nalungkot ang bata ay minabuti na lamang din niyang tanggapin. Sumigaw pa ng “yehey!” ang bata nang makitang ibinulsa na niya ang bayad nito sa kaniya.
Mas ikinagulat pa ni Mang Toni nang makitang umupo ang batang hindi naman mukhang marungis sa tabi ng kalsada at tinawag ang mga batang lansangan upang pare-pareho nilang pagsaluhan ang ibinigay niyang prutas. Tila naantig ang damdamin ni Mang Toni sa kabutihang ipinakita ng bata sa murang edad pa lamang nito.
Makalipas ang ilang taon ay nanatili sa ganoong hanap-buhay si Mang Toni. Ngayon ay bakas na bakas na talaga ang kaniyang katandaan.
Bagamaʼt matanda naʼy kumakayod pa rin siya upang tustusan ang sariling pangangailangan. Minsan paʼy tumutulong din siya at nag-aabot sa kaniyang anak na hikahos din naman sa buhay.
Isang umaga. Nagbubukas pa lamang ng kaniyang tindahan si Mang Toni nang may isang binata ang tumindig sa tapat ng kaniyang tindahan. Nakasuot ito ng magarang damit pang-opisina at nakangiti ito sa kaniya.
“May kailangan ka ha, hijo?” magiliw na tanong ng matanda sa binata na agad namang tumango.
“Ibabalik ko lang ho ʼyong kulang kong bayad sa mga prutas na kinuha ko sa inyo noong pasko, siyam na taon na po ang nakakalipas,” ngiting sabi pa ng binata na agad namang narekognisa ni Mang Toni!
Ito ang batang binigyan niya noon ng prutas kahit kulang ang dala nitong pera!
At ngayon, itoʼy nagbabalik upang ibalik din sa kaniya ang kabutihang loob na ipinakita niya rito noon.
Dala ang napakaraming supot ng groceries, mga gamot na pang-maintenance at kung anu-ano pang tulong para sa kaniya ay kasama rin nito ang kaniyang anak na minsan lang kung dumalaw dahil hikahos din ito sa buhay. Ngayong pasko ay kaniya itong makakasama pati na rin ang kaniyang apo, at masaganang paskoʼt bagong taon ang kanilang pagsasaluhan.
Hindi doon nahinto ang pagtulong ng binata, dahil matapos iyon ay hinandugan sila nito ng tulong sa pagpapaaral sa kaniyang mga apo upang lumaki rin ang mga ito nang may magandang kinabukasan.
Labis ang pasasalamat ng matandang tindero sa kaniya.