Dinudumog ang palagi sa parkeng iyon ang isang puwesto kung saan nagtitinda ang mamang sorbetero na si Mang Noel. Halos hindi siya nawawalan ng kostumer at magiliw naman silang tinatanggap ng sorbetero hanggang sa maubos ang kaniyang mga paninda.
Ipinagtataka talaga ng kaniyang mga kapwa vendor sa lugar na iyon ang ginagawa niya… nagtataka sila kung bakit, libre lang ang kaniyang paninda!
“Manong, isang ube ice cream po!” magiliw na anang isang batang babae na may magandang postura. Mukha itong anak mayaman kaya naman mabilis itong nag-abot ng isang daang piso bilang bayad.
“Naku, ineng, huwag na. Libre lang itong ice cream ko para sa mabait na batang katulad mo. Apir na lang tayo, okay ba?” ang magiliw na saad ng sorbetero sa bata na agad naman nitong ikinatuwa.
Napansin ni Mang Noel ang isang batant nagtatago sa poste na nakatingin sa kaniyang puwesto. Alam niyang natatakam ito sa kaniyang paninda kaya naman tinawag niya ito…
“Bata, halika! Gusto mo ba ng ice cream?” tanong ng mabait na sorbetero na agad namang tinanguan nito.
“Halikaʼt mamili ka ng flavor na gusto mo,” aniya pa ngunit umiling ang bata.
“Wala po akong pambili, e,” sabi pa nito.
Marungis at ni walang sapin sa paa ang bata, hindi kagaya ng nauna niyang kostumer. Ganoon pa man ay hindi iyon hadlang upang bigyan niya ito ng libre ngunit masarap na ice cream.
“Naku, walang problema! Libre lang ang ice cream ko para sa mga batang mababait na kagaya mo!” malawak ang ngiting sabi pa ng sorbetero.
Nakangiti namang tinanggap ng bata ang ibinigay niyang sorbetes at mabilis na itong nagtatakbo paalis, matapos magpasalamat…
Ngunit maya-maya ay bumalik ito, kasama ang iba pang mga batang lansangan…
“Manong, mababait din po sila. Mga kaibigan ko po sila. Puwede rin po ba silang manghingi ng libreng sorbetes!” tanong nito kay Mang Noel na agad naman niyang sinagot.
“Abaʼy siyempre naman! Lapit dito, mga bata, at lahat kayoʼy magkakaroon!” magiliw pang anunsyo ng sorbeterong libre ang paninda.
Matapos pagbibigyan ang mga bata ay tinawag ng sorbetero ang isang lalaking nakasuot ng uniporme ng isang bodyguard. May ibinulong dito ang matandang sorbetero na agad namang tinanguan ng nasabing lalaki.
Tila nagkaroon ng ideya ang ilan pang mga vendor na nakakita ng pangyayari dahil sa inasal ng sorbetero.
“Kaya pala libre ang paninda niya! Siguroʼy kasapi ng sindikatong nangunguha ng bata ang matandang ʼyan!” ang panghuhusga ng tindera ng popcorn na si Aling Vivien.
Ngunit may hinala man ay hindi naman sila kaagad na umaksyon upang hindi mapahiya sakaling mali ang kanilang asampsyon. Ganoon pa man ay nakahanda sila, sakaling may biglang tumangay sa mga batang naglalaro sa parkeng iyon.
Ngunit sa pagtataka ng lahat ay bumalik ang lalaking binulungan ng sorbetero kanina na may dalang mga sako… mga sakong puno ng ibaʼt ibang kulay ng sapin sa paa, pati na rin ng ibaʼt ibang laruang ipinamigay nila sa lahat ng batang naroon sa parke. Mayaman man, may kaya o mahirap ay pantay-pantay nilang hinandugan ng regalo.
“Don Noel, ubos na ho ang lahat ng mga ipinabili nʼyong tsinelas at laruan para sa mga bata. Uuwi na ho ba tayo?” tanong ng naturang lalaki na ang kinakausap ay ang Mamang Sorbetero.
“Oo, halika naʼt bukas naman. Siguradong maraming bata ang nag-aabang sa libreng sorbetes bukas,” ngingiti-ngiti namang anang sorbetero bato ito pumasok sa napakagarang sasakyan na kanina pa nakaparada sa gilid ng parke!
“Don Noel? S-siya si Don Noel Mariano? Iyong milyonaryong may-ari ng pinakamalaking pagawaan ng ice cream dito sa lugar natin?!”
Laking gulat ng mga vendors sa parke nang makilala ang mamang sorbetero!
Kaya pala libre ang ice cream nito ay dahil gusto lang nitong magbigay ng saya sa mga batang naging dahilan ng pag-angat ng ngayon ay milyonaryo nang sorbetero!
Paghanga at pagsisisi ang naramdaman ng mga vendors para kay Don Noel Mariano. Paghanga dahil sa mabuti nitong ginagawa, habang pagsisisi naman dahil nagawa pa nilang husgahan ang matanda. Hindi kasi talaga karaniwan sa hirap ng buhay ngayon ang makakita ng mabubuting tao, kung wala itong masamang plano. Madalas kasi ay pakitang tao lamang ang mga nakakasalamuha nilang ganoon.
Mabuti na lang at mabilis nilang natuklasan na may mga tao pa rin palang kagaya ng sorbeterong milyonaryo.