Inday TrendingInday Trending
Kilalang Matulungin si Sandra sa Kapwa; Nang Siya ay Malagay sa Peligro, May Magbalik Kaya ng Kabutihan Niya?

Kilalang Matulungin si Sandra sa Kapwa; Nang Siya ay Malagay sa Peligro, May Magbalik Kaya ng Kabutihan Niya?

Inimbita ni Sandra ang kaniyang mga kaeskuwela na sa kaniyang bahay na lang sila gumawa ng proyekto. Nasa ikaapat na taon na sila sa kolehiyo kaya naman si Sandra ay nakabukod na ng tahanan sa kaniyang mga magulang lalo pa at may sarili na siyang trabaho, hindi pa man siya tapos mag-aral.

Nasa ganoon silang sitwasyon nang bigla na lamang nilang mapansin na umuusok na pala ang kusina dahil nadamay sa apoy mula sa katabing bahay ang bahay ni Sandra!

“Lumabas na kayo, dali!” agad na hiyaw ni Sandra nang makita ang apoy na tumutupok pa lamang noon sa kaniyang kusina. Isa-isa niyang tinulungang makadaan sa bintana ng kaniyang bahay ang mga kaeskuwela dahil tinutupok na rin pala ng apoy ang pintuan. Wala kasing nakapansin man lang na may nagaganap na palang sunog dahil lahat sila ay abala noon sa paggawa ng kanilang proyekto para sa eskuwela.

“Mga kapitbahay, tulong! May sunog! May sunog!”

Isang sigaw ang nagpagising sa mga taga Barangay Pulang Kahoy sa kalagitnaan ng gabi.

“Tulong, mga kapitbahay! Tumawag kayo ng bumbero! Si Sandra, nasa loob pa ng bahay nila!”

Ang sigaw na iyon ang tila nagpa-panic sa mga tao, lalo na nang mabanggit ang isang pamilyar na pangalan sa kanilang lugar.

“Ha?! Si Sandra, nasa loob pa?!” Halos mapamura pa ang iba nang malamang nasa loob pa ng isa sa mga natutupok na bahay si Sandra.

“Mga pare, si Sandra nasa loob pa raw!” tarantang pagbabalita pa ng isa na agad pang ikinaingay ng paligid.

Mahigit sampu sa mga kalalakihang naunang magpunta sa lugar na iyon ang agad at hindi nagdalawang isip na suungin ang sunog upang iligtas ang dalagang si Sandra.

Si Sandra ay kilala sa barangay na iyon bilang napakabuting tao. Siya ay matulungin, madaling lapitan, mabait ngunit matalinong dalaga. Bukod sa kaniyang hitsura na kaiba sa karaniwang hitsura ng mga babae roon ay mas nakapagpapaangat sa kaniya ang kaniyang mabuting puso.

Noon ay tampulan ng tukso si Sandra, dahil sa hitsura niyang animo pinagkaitan ng panlabas na ganda, ngunit lahat ng iyon ay nagbago at biglang nawala nang isang bata noon ang sagipin niya nang muntik na itong mabundol ng sasakyan, kahit pa nga siya ang magtamo ng malalang pinsala.

Sunod pa roon ay ang pag-aabot niya ng tulong sa isang aleng namomroblema kung saan kukuha ng kakainin noong mga panahon ng lockdown sa kanilang barangay.

Nagsunud-sunod pa ang mga kabutihang ipinakita ni Sandra sa kabila ng hindi magandang trato sa kaniya ng mga kabarangay noon kaya naman kalaunan ay nagsisi ang mga ito at naging mas malapit sa kaniya.

Naging takbuhan siya ng mga nagigipit at nangangailangan. Dahil doon ay hindi na napansin pa ng mga kabarangay ang panlabas niyang anyo, dahil nag-uumapaw naman sa kagandahan ang kaniyang kalooban.

Mahal na mahal na ng mga taga-Barangay Pulang Kahoy ang dalaga at patunay doon ang pagbubuwis nila ng buhay para lamang iligtas si Sandra.

Saksi rin ang kaniyang mga kaeskuwela na inuna niyang iligtas kaysa sa kaniyang sarili kaya naman nawalan na siya ng malay bago pa man makalabas sa natutupok na bahay.

Halos kilabutan ang kaniyang mga kaeskuwela sa nakikitang concern ng mga kabarangay ni Sandra sa kaniya. Tila isa itong importanteng tao kung ituring ng mga kakilala.

Lingid sa kaalaman ng mga kabarangay na ito ni Sandra ay labis ang pang-aaping dinaranas nito sa kanilang eskuwelahan dahil sa kaniyang hitsura.

“Pangit!”

“Ulikba!”

“Maitim.”

Ilan lamang ang mga iyon sa kaniyang mga bansag.

Maya-maya pa ay nailabas na ng matiwasay sa natutupok na bahay ang mabuting dalaga. Nalapatan na rin siya ng paunang lunas at talagang hindi siya pinabayaan ng mga kabarangay hanggang sa masigurado na ng mga ito na maayos na ang kaniyang kalagayan.

Tila naantig ang puso ng kaniyang mga kaeskuwelang dati ring humuhusga sa dalaga dahil sa nakikitang pagmamahal ng ibang tao rito.

Simula na rin ng pagbabago sa pagtingin ng kaniyang mga kaeskuwela kay Sandra.

Kumalat ang balita ng kaniyang pagiging bayani sa kaniyang tinitirahan kaya naman labis na paghanga naman ngayon ang ipinapakita ng mga kaeskuwela sa mabuting si Sandra. Lahat ng iyon ay kaniyang inani mula sa walang sawa niyang pagtatanim ng kabutihan sa kapwa, kahit pa halos puro masama na lang ang ipinapakita nila sa kaniya.

Advertisement