Inday TrendingInday Trending
Napulot ng Kasambahay ang Gintong Kuwintas ng Among Humaharap sa Problemang Pinansiyal; Isauli Kaya Niya Ito o Tuluyang Isanla Dahil Hindi Na Siya Nasusuwelduhan?

Napulot ng Kasambahay ang Gintong Kuwintas ng Among Humaharap sa Problemang Pinansiyal; Isauli Kaya Niya Ito o Tuluyang Isanla Dahil Hindi Na Siya Nasusuwelduhan?

“Inay… hindi raw ako makakapag-exam kapag hindi ako nakapagbayad.”

Iyan ang text message na bumungad sa cellphone ng kasambahay na si Nitang nang silipin niya ang mga mensaheng natanggap. Gamit niya ang magnifying lense dahil malabo na ang kaniyang mga mata. Katatapos lamang niyang maglaba at maglinis ng bahay.

“Paano ba ito?” namomroblemang sabi ni Nitang. Tila nanghihinang napaupo ang 47 taong gulang na kasambahay sa kaniyang kama.

Namasukan bilang kasambahay si Nitang sa pamilyang mabait naman, subalit sa ngayon ay tila may pinagdaraanang problemang pinansiyal dahil sa papaluging negosyo. Sa katunayan, tatlong buwan na silang hindi napapasuwelduhan at sinabihan na silang bumalik na lamang sa kani-kanilang mga probinsiya dahil hindi na nila kayang magpasahod pa.

Dalawa sa kanila ay umalis na, at dalawa na lamang silang natitira. Ang isa ay ang family driver na si Mang Gusting. Pinili nilang manatili kahit walang suweldo dahil ayaw naman nilang iwanan sa ere ang mga ito. Mababait naman sila at makatao ang trato sa kanila.

Subalit said na rin ang natitirang ipon ni Nitang. Kailangan ng limang libo ng kaniyang anak upang makabayad ito ng matrikula, at upang makakuha ng pagsusulit. Iginagapang niya ang pag-aaral nito sa kursong Edukasyon. Nais daw kasi nitong maging guro balang araw.

“Kailangang makagawa ako nang paraan,” bulong ni Nitang sa sarili.

Lumabas siya ng kuwarto at hinanap si Mang Gusting. Natagpuan niya itong naglilinis ng mga sasakyan.

“Gusting… baka naman may ekstra ka riyan. Makakahiram sana ako,” tanong ni Nitang.

“Magkano ba ang kailangan mo?” tanong ni Mang Gusting.

“Limang libo sana… kahit apat na libo na lang. Para sana sa matrikula ng anak ko. Walang-wala na ako eh,” pakiusap ni Nitang.

“Naku Nitang, gustuhin ko man, walang-wala na rin ako. Alam mo naman si Kumander… naintrega ko na. Pero may isang libo pa ako rito. Ayos na ba?” tanong ni Mang Gusting.

“Eh paano ka?” tanong ni Nitang.

“Huwag mo akong intindihin. Libre naman pagkain natin. Tiis-tiis na lang muna sa yosi,” sagot ni Mang Gusting.

Pinaunlakan ni Nitang ang isang libong pisong ipinauutang ng driver. Pagkaraan ay binulungan niya ito.

“Wala pa kayang sahod?” Anong balita?” tanong ni Nitang.

“Mukhang malabo pa. Bagsak na bagsak ang negosyo nila. Marami silang utang na binabayaran. Nagagalit na nga si Kumander ko eh, bakit pa raw ako nagtitiyaga rito. Wala ka bang planong umalis at humanap ng ibang amo?” tanong ni Mang Gusting.

“Eh, napamahal na rin ako sa pamilyang ito. Para ko na rin silang pamilya. Noon, galante sila. Ngayon na medyo sadsad sila at kailangan nila ng suporta, parang hindi ko masikmura na iwanan sila.”

Bumalik na sa loob si Nitang. Habang nagwawalis, iniisip niya kung lalapit ba sa pamilya upang bumale o makapag-cash advance. O kaya naman, uutang na lamang siya sa lending, o kaya naman sa mga kaibigang kasambahay rin.

Maya-maya, isang mamahaling kuwintas ang nawalis ni Nitang. Pinulot niya ito. Alam niyang isa ito sa mga kuwintas ng amo niyang babae. Napaisip si Nitang. Labis siyang pinagkakatiwalaan ni Esmeralda, ang ilaw ng tahanan, at tiyak na hindi ito mag-iisip nang masama sa kaniya kung sakaling isanla muna niya o ipagbili ang alahas nito.

Tiyak na mahina ang 10,000 piso sa halaga ng alahas niya. Alam niyang hindi ito puwet ng baso at tunay na ginto. Kapag naisanla niya ang alahas, tapos na ang problema niya sa matrikula ng anak at maisasauli na niya kaagad ang inutang na isang libong piso mula kay Mang Gusting.

Ibinulsa ni Nitang ang alahas.

Pagkababa ni Esmeralda mula sa kuwarto, nilapitan siya ni Nitang.

“Ma’am, napulot ko po ang kuwintas ninyo. Nasa ilalim ng sofa,” sabi ni Nitang sa amo. Tuwang-tuwa naman si Esmeralda.

“Naku maraming salamat, Nitang. Akala ko ay nawala ko na. Pero alam ko naman safe iyan dito,” sabi ni Esmeralda.

“Ay oo naman Ma’am. Wala naman pong malikot ang kamay rito,” tugon ni Nitang.

Kinuha ni Esmeralda ang isang kamay ni Nitang at inilagay roon ang alahas.

“Nitang, alam kong malaki ang pagkukulang ko sa iyo, sa inyo ni Gusting, dahil hanggang ngayon hindi ko pa kayo masuwelduhan. Alam ko nangangailangan ka rin, at alam kong kailangan ito ng anak mo. Sa iyo na ang alahas na ito. Isanla mo o ipagbenta mo. Sa iyo na ang mapagbebentahan,” sabi ni Esmeralda.

“Naku Ma’am, hindi po, hindi po. Sa inyo po ito, hindi ko po matatanggap iyan,” sabi ni Nitang.

“Hindi… para sa iyo iyan. Babawi na lang kami sa inyo ni Gusting kapag medyo nakaluwag-luwag na kami. Magagalit ako sa iyo kapag hindi mo iyan kinuha,” sabi ni Esmeralda.

Labis-labis ang naging pasasalamat ni Nitang sa kaniyang mabait na amo. Isinanla niya ang kuwintas. 15,000 piso ang nakuha niya. Plano niya tubusin ito kapag nagkaroon na siya ng pera. Agad niyang ipinadala sa anak ang 7,000 piso at binayaran si Mang Gusting.

Nang makaahon na rin mula sa pagkakalugmok sa pinansyal na aspeto ang pamilya, binayaran na rin nila sina Nitang at Gusting. Tuloy-tuloy na rin ang naging pagsuweldo nila.

Advertisement