Labis ang Sama ng Loob ng Babaeng OFW sa Ina nang Malaman na Walang Nangyari sa Perang Pinapadala Niya Noon; Isang Rebelasyon Pala ang Magaganap
Lumaki sa hirap si Mary Ann. Hindi siya nakaranas na magkaroon ng mga mararangyang bagay o na kahit anong mamahaling gamit man lang. Halos lahat ng mayroon siya ay puro hingi at pinaglumaan lamang ng mga kamag-anak o ibang kakilala.
Hindi naman malaking kaso ang pagiging mahirap para kay Mary Ann noon. Para sa kaniya, basta kasama niya ang nanay at tatay niya at kompleto sila, masaya na siya. Pero lahat ay biglang nagbago nang madestino sa ibang lugar ang ama niya.
“Tatawagan ko kayo araw-araw, kaya ‘wag nang malungkot ha?” saad ng ama ni Mary Ann.
“Promise ‘yan tatay ha?” naluluhang tanong ng batang babae.
“Promise, anak…” tugon naman ng ama.
Pinanghawakan ni Mary Ann ang pangakong iyon. Subalit ang dating lingguhan na uwi ng ama niya ay naging buwanan na… hanggang sa umabot na ng taon. Hindi inaasahang dumating ang panahon na hindi na pala uuwi ang kaniyang ama.
Lumuluhang umuwi ang ina ni Mary Ann na si Aling Gloria, isang araw at halos hindi makausap.
“Inay, may problema po ba? Bakit po kayo umiiyak?” tanong ni Mary Ann na dalagita na noon.
“A-ang tatay mo kasi…” hindi makapagsalita ng maayos ang ginang at tila ba ayaw lumabas ng salitang sasabihin. “Ang tatay mo… sumama na sa ibang babae.”
“P-po? Totoo po ba iyan ‘nay? Hindi po magagawa ni tatay iyon sa atin. Nangangako po siya na babalik siya ‘di po ba?” naguguluhang tanong ng babae.
“Nahuli ko siya mismo. Kaya maaga akong umalis kanina. Kinakasama na niya at binabahay ang babae niya. Nagmakaawa ako, pero anak… ayaw na ng tatay mo sa atin,” humahagulgol na sabi ng ginang.
“’Nay… hindi po. Hindi po totoo iyan!” umiiyak na sigaw ni Mary Ann.
Hindi rin matanggap ng dalagita na ang tunay na rason kung bakit hindi na umuuwi ang kaniyang ama ay dahil may iba na ito. Sinubukan ng mag-ina na puntahan ang lalaki, ngunit napakasakit na ipinagtabuyan sila ng ama.
“’Tay! ‘Wag niyo naman po kaming pabayaan ni nanay… please ‘tay..” pagmamakaawa ni Mary Ann.
“P-patawad, anak,” mahinang sambit ng lalaki at saka sila tinalikuran.
Magmula ng araw na iyon, naputol na rin ang sustento ng lalaki sa mag-ina. Kaya’t labis-labis na problema ang kanilang pinagdadaanan.
Madalas, tahimik na umiiyak si Mary Ann. Bakit tila ba napakasakit ng mga nangyayari sa kanila? Bakit ganoon na lamang kadali silang iniwanan ng ama?
“Darating ang panahon na hindi mo na kakailanganin na humingi ng mga lumang sapatos, bag, o kahit anong gamit pa ‘yan. Pangako, gagawin ko ang lahat upang hindi mo na maranasan pa lahat ng mga dinanas mo noon,” mahinang wika ng ginang habang hinahaplos ang buhok ng umiiyak na anak.
Mahirap man at nakakapagod, mag-isang itinaguyod ni Aling Gloria ang anak hanggang sa makatapos ito ng hayskul.
Kumuha lamang ng libreng vocational course si Mary Ann at nagsimulang magtrabaho. Sa ganoong paraan kasi ay makakatulong na siya sa ina.
Tila ba hindi naging maganda ang epekto ng paghihiwalay ni Aling Gloria at ng asawa nito. Sa lumipas na panahon kasi ay unti-unti nang nalululong sa bisyo at sugal ang ginang.
“Hay nako naman, nay! Hindi po ba sinabihan na kayo ng doktor na itigil ninyo na ‘yang paninigarilyo at pag-iinom ng alak? Yung pers ninyo, nauubos lang diyan sa sugal at bisyo n’yo e!” inis na sabi ni Mary Ann sa ina.
“Eto na nga lang nagpapaligaya sa akin, aalisin mo pa?” sumbat naman ng ginang.
“Ang gusto ko lang sabihin dito nay, sana naman ay itigil n’yo na iyan. Masama na sa kalusugan niyo dahil may sakit kayo, tapos wala pa tayong naiipon. Hindi naman tayo mayaman, ‘nay…” saad pa ng dalaga.
“Nako, Mary Ann, sino ba sa atin ang nanay ha?” pag-iiba ni Aling Gloria ng usapan.
Magkasabay kumain ng hapunan ang mag-ina nang may ipagtapat ang dalaga.
“’Nay, may sasabihin po sana ako…” tila ba nahihiyang sabi ng babae.
“Huwag mong sabihing buntis ka ha? Nako, Mary Ann, sinasabi ko sa’yo!” pabirong banta pa ng ginang.
“’Nay naman e! Boyfriend nga wala, tapos biglang mabubuntis?” natatawang sagot naman ni Mary Ann. “’Nay, nag apply kasi ako para mamasukan sa ibang bansa. Mukhang doon tayo kasi mas giginhawa.”
“T-teka.. bakit biglaan naman ata? Sigurado ka na ba diyan, anak?”
“Opo, ‘nay. E nagkakaedad na rin naman ako, kailangan nang makaipon. May gamot din kayo na kailangan bilhin buwan-buwan. ‘Di na sapat ang kita ko sa dami ng bayarin. Kaso paano kayo, ‘nay, kapag umalis ako?” tanong pa ng dalaga.
“Huwag mo akong alalahanin. Nahihiya na nga ako sa’yo dahil nagiging pabigat na ata ako,” mahinang sabi pa ng ginang.
“Ang nanay ko nagdra-drama na naman. Kahit kailan hindi kayo magiging pabigat sa akin,” paglalambing pa ng babae sa ina.
Lumipas pa ang ilang buwan, lumipad na nga si Mary Ann upang mamasukan bilang domestic helper. Mapalad naman siya dahil napakabait ng kaniyang mga naging amo.
Buwan-buwan kung magpadala ng pera ang babae sa Pilipinas at labis kung kumayod upang makaipon. Ngunit may mga ilang kapitbahay na binubulabog siya at sinasabing nilulustay lang ng sariling ina ang pera sa bisyo.
Hindi naman pinaniwalaan agad ito ni Mary Ann. Pero napapansin niyang padalas nang padalas kung humingi ng pera sa kaniya ang ginang. Tila ba ‘di na niya mawari kung saan nito dinadala ang pera.
“’Nay, napapadalas naman na ata ang paghingi n’yo ng pera? Baka naman po totoo na ang sinasabi ng ating mga kapitbahay diyan na nauubos na sa bisyo at sugal ang pera,” tila ba bakas ang pagkairita sa boses ng dalaga.
“Ang sakit mo namang magsalita, anak. Tingin mo ba ay gagawin ko iyon? Pero anak, kailangan ko talaga ngayon e. Baka naman mayroon ka pa riyan kahit kaunti,” pag-usisa pa ng ginang.
“Hay nako, nay…”
Mabilis lumipas ang panahon. Halos anim na taon din nanilbihan sa ibang bansa si Mary Ann. Natapos na ang kontrata niya at ngayo’y nalalapit na ang pag-uwi upang magpahinga.
Sa kaniyang pag-uwi, hindi niya inaasahan ang dadatnan. Hindi siya makapaniwala…
“Nay, b-bakit ganito? A-anong nangyari sa mga pinadala ko? Ano ito?! Bakit halos wala man lang nagbago? Para saan yung mga hiningi niyo noon na pampintura at tiles ng bahay?! Bakit ganito?” halos sumabog si Mary Ann sa sobrang sama ng loob.
“A-anak…” hindi makakibo ang ginang at tila ba hiyang-hiya.
“’Nay, hindi ko pinupulot yung perang pinapadala ko. Hay, Diyos ko po! Anong buhay ba ito?!” padabog na ibinaba ng dalaga ang kaniyang maleta.
Apat na taon, pero lumang mga kagamitan, kisame na halos bumagsak na, pader na puro tuklap ang pintura, at sahig na wala man lamang linoleum o tiles. Buong akala ni Mary Ann ay maayos at komportableng bahay na ang uuwian niya, subalit mali siya. Saan na nga ba napunta ang mga perang pinagpaguran niya? Bakit tila nawaldas lang para sa wala ang lahat?
‘Di kaya totoo nga ang sinasabi ng mga kapitbahay na naubos lamang sa sugal at bisyo ng ina ang kaniyang perang kinita?
“M-Mary Ann, anak… alam kong galit ka kay nanay, pero maaari ba kita maka-bonding man lang? Na-miss talaga kasi kita sa lumipas na apat na taon. Ipagluluto kita ng mga paborito mo ha?” nakangiti ngunit tila ba nahihiyang sabi ni Aling Gloria.
Napahinga na lamang nang malalim si Mary Ann. Siguro ay mabuti pang palipasin na lamang muna niya ito at saka na kausapin ang ina nang masinsinan.
Pumasyal sa parke, namili sa tiange at kumain sa mga masasarap na restawran, ganoon ang ginawa ng mag-ina sa lumipas na ilang araw gamit ang kakarampot na perang naiuwi ni Mary Ann.
Sabado nang hapon noon nang maglambing ang ginang sa anak. Nagluto siya ng pinakapaboritong pagkain ni Mary Ann, ginataang bilo-bilo.
“Grabe, na-miss ko ‘to! Napakasarap talaga ng luto niyo ‘nay! Lutong na-miss ko talaga!”
Masayang nagsalo ang mag-ina at nagkwentuhan. Kinagabihan, tila ba kakaiba ang pagiging sweet ni Aling Gloria. Hinahaplos nitong muli ang buhok ng anak. Nakangiti ito ngunit may mga luhang nangingilid sa mga mata.
“May problema po ba, ‘nay?” tanong ng dalaga.
“W-wala, anak. Masaya lamang ako dahil nakasama kitang muli,” sagot naman ng matanda. “May ipapatago sana ako sa’yo. Nagiging makakalimutin na kasi ako e. Kaya sana ikaw muna ang humawak,” saad ng ginang habang iniaabot ang isang susi.
“Para saan ito ‘nay?”
“Ah, doon iyan sa aparador ko. Kung saan-saan ko na kasi nailalagay.”
Tumango na lamang si Mary Ann at natulog nang mahigpit na nakayakap sa kaniya ang ina.
Kinabukasan, isang malakas na hagulgol ang narinig sa loob ng tahanan.
“’Nay?! ‘Nay! Gumising ka ‘nay!” Pag-iyak ni Mary Ann habang niyuyugyog ang hindi na nagmumulat na ina. “’Nay, please… inay… gumising naman kayo o!”
Humingi ng tulong si Mary Ann sa mga kapitbahay, ngunit binawian na talaga ng buhay ang ina. Puman*w ito na masayang nakayakap sa kaniya.
Matapos ihatid sa huling hantungan, lumuluhang nag-aayos ang babae ng mga gamit ng puman*w na ginang. Naalala niya ang susi na ipinatago nito. Sinusian niya ang aparador at gulat na hindi kasya rito ang susi, bukas rin naman ang aparador.
“Para saan ito?” tanong ni Mary Ann sa sarili.
Nakita niya ang isang kahon na mayroong padlock sa loob ng aparador. Kinuha niya iyon at saka sinubukang buksan. Tumugma nga ang susi sa padlock na nakakabit doon. Labis na napaluha si Mary Ann sa nakita.
Naroon lahat ng litrato nila ng ina simula pagkabata hanggang sa lumipas na araw na sila’y nagkasama. Naroroon rin ang mga sulat na pinadala niya sa ina noong unang mga taon sa abroad. Pero umagaw ng atensyon niya ang isang may kalakihang sobre. Binuksan niya iyon at nakita ang pares ng susi at passbook at isang liham.
“Mahal kong anak,
Kumusta ka na? Siguro kung mababasa mo ito, wala na ako. Patawad. Patawad kung nalulungkot ka ngayon. Hindi ko kaagad nasabi sa iyo na may matindi akong karamdaman. Pero sinubukan kong lumaban para sa’yo, anak.
Siguro ay nagtatampo ka dahil akala mo walang pinuntahan ang perang pinagtrabahuhan mo. Naaalala mo ba ang pangako ko sa’yo noon? Sa paraang ito ko tinupad. Pasensya ka na, anak. Mahirap lamang si nanay, pero siniguro kong magiging maayos ka sa panahong wala na ako.
Kalakip ng sulat na ito ang susi ng bahay na naipundar ko mula sa mga ipinadala mo. Nais ko sana maging komportable ka sa iyong pagtanda kaya iyon ang inuna ko. Isinulat ko ang address sa likod ng sobreng ito. Kasama rin ang passbook na may malaking halaga. Sapat na upang makapagsimula ka ng bagong buhay rito at hindi na kailangan pang lumayo sa sariling bayan.
Salamat sa pagmamahal mo, anak ko. Siya nga pala, noong araw na umalis ka, itinigil ko na ang bisyo ko. Gusto ko kasi maging proud ka sa akin. Sana proud ka ngayon, anak. Pasensiya na, kung inilihim ko ang lahat. Pero sa ganitong paraan ko kayang ipakita ang pagmamahal ko sa’yo. Patawad kung hindi kita masasamahang tumira sa bagong bahay mo. Pero patuloy kitang gagabayan.
Mahal na mahal na mahal kita, anak. Hanggang sa muli.
Nagmamahal,
Nanay”
Napatakip ng bibig si Mary Ann at napahagulgol sa nalaman. Nakita niya ang ilang mga dokumento at titulo ng lupa. Kaya’t pinuntahan niya iyon.
Naipagpundar nga siya ng simple ngunit magandang bahay ng sariling ina. May mga gamit na rin sa loob at kompleto na. Preparado na talaga ang lahat maging sa kaniyang paglipat.
Dumalaw si Mary Ann sa sementeryo at nag-alay ng bulaklak.
“Hindi man lang ako nakahingi ng paumanhin sa inyo, ‘nay. Pero alam kong nariyan lang kayo at binabantayan ako. Tinupad n’yo nga ang pangako n’yo sa’kin noon. Hindi matatawaran ang pasasalamat ko sa’yo, ‘nay. Mahal na mahal kita. Hanggang sa muli, ‘nay,” may mga luhang sambit ni Mary Ann.
Ngayon ay maginhawa nang namumuhay si Mary Ann kasama ang asawa at dalawang anak. Nagsimula siya ng baking business na ngayo’y malago na gamit ang perang inipon ng kaniyang ina noon.