Nagsimula ang lahat nang pagmulat ni Rachelle ay wala na siyang makitang kahit na anuman. Hindi niya pinansin ang pangangati at pagluluha ng kaniyang mga mata. Isa siyang online writer at online seller kaya lahat ng mga ginagawa niya, kinakailangan niyang tumingin sa monitor ng kaniyang laptop.
“Dalhin mo ako kay Doktora Cecille, Mauro… Hindi ko matatanggap na mangyayari sa akin ito. Hindi puwedeng mabulag ako. Paano ang mga trabaho ko? This can’t be!” lumuluhang pakiusap ni Rachelle sa kaniyang mister.
“Don’t worry, Hon. Pupunta tayo kay Doktora Cecille para mapatingnan natin iyan. Hindi ako papayag na ganiyan ang mangyari sa iyo,” pangako ni Mauro.
Si Doktora Cecille ay isang ophthalmologist na kaibigan nila ni Mauro noon pa mang sila ay nasa high school pa. Hindi makapaniwala si Rachelle na darating ang pagkakataong magpapatingin siya sa kaibigan.
“I’m sorry, Rachelle… pero permanente na ang pagkabulag mo. Maraming nerves sa mata mo ang nagkaputukan dahil sa sobrang pressure. Siguro dahil naghihilamos ka pagkatapos mong mag-work at ibabad ang mga mata mo sa computer o laptop mo.”
Hindi makapaniwala si Rachelle sa kaniyang kinahinatnan. Ayaw naman niyang magpa-second opinion dahil baka magtampo naman si Doktora Cecille. Baka isipin nitong hindi siya nagtitiwala sa findings nito.
“May paraan pa naman para muli kang makakita. Kailangan nating makahanap ng cornea na maaaring maipalit sa mga mata mo. Hahanap tayo ng cornea donor. Sana mayroon.”
Naging mainitin ang ulo at bugnutin si Rachelle dahil hindi siya sanay na walang ginagawa. Hindi rin naman siya puwedeng makapagsulat dahil nga kailangan niya ng mga mata upang magawa ito. Lagi niyang naibubunton kay Mauro ang kaniyang init ng ulo.
“Ano ba kasing problema, Rachelle? Bakit ka sa akin nagagalit? Wala naman akong ginagawang masama sa iyo!” sabi ni Maauro sa kaniyang bulag na kabiyak.
“Nagagalit ako sa sarili ko, Mauro! Nagagalit ako dahil imbalido na ako! Hindi ko na magawa ang mga bagay na gusto ko. Mas gugustuhin ko na lang sana na naputulan ako ng mga paa o ng mga binti, kaysa itong mga matang ito. Ito ang puhunan ko sa ginagawa ko,” panaghoy ni Rachelle.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo, Rachelle. Mabuti pa, inumin mo na lamang itong juice na inihanda ko sa iyo,” sabi ni Mauro.
Matapos inumin ang juice na ginawa ng asawa, kumalma na si Rachelle. Masarap talagang gumawa ng juice ang kaniyang mister. Kapag umiinom siya ng mga ginagawa nito ay kumakalma siya.
Makalipas ang ilang buwan, habang wala si Mauro na pumasok sa opisina ay inutusan niya ang tagabantay niya na samahan siya sa klinika ni Doktora Cecille. Inutusan niya itong kumuha ng taxi upang maihatid siya roon.
“Ma’am, baka po magalit si Sir Mauro. Kabilin-bilinan po niya huwag raw po kayong papaalisin, saka sasabihin ko sa kaniya ang mga nangyayari sa inyo,” sabi ng tagabantay.
“Huwag kang maingay kay Sir mo at baka hindi niya ako payagan. Huwag mong ibalita at kung hindi, sisante ka na sa trabaho mo. Samahan mo ako sa kaibigan kong doktor.”
Ilang oras lamang at nasa klinika na ni Doktora Cecille si Rachelle.
“Ay Ma’am lumabas lang po saglit si Doktora,” sabi ng sekretarya.
“Ganoon ba? Okay. Maghihintay na lang ako sa loob ng opisina niya. Papasukin mo na lang ako.”
Dahil kilala naman siya ng sekretarya bilang kaibigan ni Doktora Cecille, pinapasok siya nito sa loob ng opisina. Inutusan naman niya ang tagabantay na bumili ng prutas para sa kaibigan.
Makalipas ang 30 minuto, nakaramdam ng tawag ng kalikasan si Rachelle. Dahil alam naman niya kung nasaan ang palikuran, matiyaga niyang kinapa-kapa ito hanggang sa mapapunta na sa palikuran. Habang nakaupo na sa inidoro, narinig niya ang tinig ni Doktora Cecille na may kausap na pamilyar na tinig ng lalaki.
“Malapit nang maubos ang kemikal na inilalagay ko sa juice ni Rachelle. Kaya ako narito para makahingi ulit. Tagumpay tayo sa plano nating mabulag siya,” sabi ng lalaki. Naulinig ito ni Rachelle, at hindi siya maaaring magkamali na ang tinig na nagsalita ay walang iba kundi kay Mauro.
“That’s good. Very effective pala ang formula na ginawa ko. Ipagpatuloy mo lang siyang painumin para mabulag na siya nang tuluyan. Para hindi na siya makakita pa at makapagsama na tayo, Baby,” sabi naman ni Doktora Cecille. Naitutop ni Rachelle ang kaniyang kanang palad sa kaniyang bibig. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga naririnig. Binubulag pala talaga siya ng mister, gayundin ang kaniyang kaibigang doktora!
“At ang pakiusap ko sa iyo, Mauro my Baby, huwag na huwag mong papayagan si Rachelle na kumuha ng second opinion, dahil malalaman niyang posible pa siyang gumaling, lalo na kapag inihinto niya ang pag-inom ng kemikal na inilalagay mo sa juice niya,” bilin ni Doktora Cecille sa kalaguyo.
Napagtagni-tagni na ni Rachelle ang lahat. Simula nang uminom siya ng mga juice na ibinibigay sa kaniya ni Mauro, doon na nagsimulang manlabo ang kaniyang mga paningin. Magkalaguyo pala ang kaniyang mister at ang doktorang kaibigan, na siyang dahilan kung bakit siya nawalan ng paningin ngayon.
At bumalik na rin ang tagabantay ni Rachelle. Gulat na gulat sina Doktora Cecille at Mauro nang makita siya.
“A-Anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t dapat nasa bahay ka at binabantayan ang Ma’am Rachelle mo?” galit na sabi ni Mauro.
“Narito po sir si Ma’am Rachelle. Sinabi ko nga po sa kaniya, magagalit kayo kapag pinilit niya ang gusto niya na magpunta rito. Dadalawin daw po sana niya si Doktora Cecille. Kayo po sir, ano pong ginagawa ninyo? Sinabihan din po ba kayo ni Ma’am na magsasadya siya rito?” inosenteng tanong ng tagabantay kay Mauro.
Tila tumigil ang mundo sa pagitan nina Mauro at Doktora Cecille. Maya-maya, lumabas ng palikuran si Rachelle. Dumadaloy ang luha sa mga mata nito.
“Mga hayop kayo! Hayop! Sinira ninyo ang buhay ko! Mga walanghiya!”
Hindi na matandaan ni Rachelle kung paano siya nakaalis ng klinika ni Doktora Cecille. Ang pagkakaalam niya, nagawa niyang maipakulong ang kaniyang mister at traydor na doktorang kaibigan na kulasisi nito, at nawalan pa ito ng lisensiya.
Hindi na maibabalik pa ang mga paningin ni Rachelle dahil sa sira na ginawa ng mga kemikal subalit napagtanto niyang hindi pa huli ang lahat upang magsimula. Nagsulat pa rin siya. Kumuha siya ng isang assistant na marunong sa teknolohiya at mabilis matuto sa paggawa ng mga online blogs. Idinidikta niya rito ang mga nais sabihin at ito naman ang nagta-type sa laptop at ipinadadala sa editor. Nawala man ang kaniyang paningin at mga taong masasandigan, hindi pa rin nawala ang kaniyang mga pangarap.