Inday TrendingInday Trending
Kinakain ng Misis ang mga Luto ng Mister Kahit Hindi Ito Masarap, na Ipinagtataka Naman ng mga Anak Nila; Sinabi Niya ang Dahilan

Kinakain ng Misis ang mga Luto ng Mister Kahit Hindi Ito Masarap, na Ipinagtataka Naman ng mga Anak Nila; Sinabi Niya ang Dahilan

“O mga anak, maglinis na kayo at humanda. Anumang oras, darating na ang Nanay ninyo mula sa trabaho. Pagdating niya, kakain na tayo,” utos ni Nanding sa kaniyang mga anak na maliliit na sina Joshua at Jinny. Naglalaro ang mga ito ng video games.

Simula nang magkasakit sa puso si Mang Nanding ay huminto na siya sa pagtatrabaho. Ang asawang si Aling Bebeng na ang nagtrabaho at nagtaguyod sa pamilya bilang empleyado sa isang ahensiya ng pamahalaan. May posisyon na rin ito roon kaya masasabing sapat naman ang kinikita nito para sa araw-araw nilang pangangailangan. Kaya ang naiiwan sa bahay at nag-aasikaso sa mga anak nila ay si Mang Nanding. Baligtad ang sitwasyon nila, na nauunawaan naman ng kani-kanilang mga anak.

“Tatay, ano pong ulam?” tanong ni Joshua sa ama. Hindi umaalis ang tingin niya sa telebisyon dahil baka matalo siya ni Jinny.

“Mechado. Pinanood ko lang sa YouTube. Alam naman ninyo ang Tatay ninyo, hindi pa marunong talagang magluto,” sabi ni Mang Nanding.

Maya-maya, dumating na rin si Aling Bebeng. Itinigil ng dalawang bata ang kanilang paglalaro. Nagmano sila sa kanilang Nanay at naghugas ng mga kamay.

“Mahal, kain na tayo…” aya ni Mang Nanding sa kaniyang kabiyak.

Umupo na nga sila sa hapag-kainan. Subalit hindi excited ang magkapatid dahil alam nilang hindi naman masarap magluto ang kanilang Tatay. Nagsimula na silang kumain.

“Ang sarap ng Afritada mo mahal, pero sana pinalambot mo pa ang karne. Medyo matigas pa,” komento ni Aling Bebeng sa mister.

“Mahal… hindi afritada iyan. Mechado iyan. Saka pasensiya ka na kung may katabangan ang lasa… parang nagkulang yata sa asin. Hayaan mo sa susunod papalambutin ko nang maigi ang karne. Naisip ko kasi baka maubos ang LPG natin, nakakahiya naman sa iyo,” paliwanag ni Mang Nanding.

“Ano ka ba, Mahal… ang sarap-sarap kaya ng luto mo! The best!” papuri ni Aling Bebeng.

Subalit hindi naubos nina Joshua at Jinny ang kanilang pagkain. Katulad ng dati, hindi pa rin talaga masarap magluto ang kanilang Tatay.

Pagkatapos kumain, iniligpit na ni Mang Nanding ang kanilang mga pinagkainan. Napansin ni Aling Bebeng na may ilang mga mantsa pa rin ang ilang mga damit na nilabhan ng mister. Mabuti na lamang at mga pambahay na damit lamang iyon.

“Mahal, parang may dumi pa itong nilabhan mong daster ko…” pakita ni Aling Bebeng sa mister.

“Ay oo nga. Pasensiya ka na, Mahal. Hayaan mo babawi na lang ako sa susunod. Nagmamadali kasi ako kanina para makapagluto na,” paghingi ng paumanhin ni Mang Nanding.

“Ok lang, Mahal. Mabango naman ang laba mo. Sarap isuot!” pagpuri ni Aling Bebeng.

Habang nasa kaniyang silid si Aling Bebeng upang magpahinga, nilapitan siya nina Joshua at Jinny.

“Nanay, bakit lagi mong pinupuri ang mga niluluto ni Tatay kahit hindi naman masarap? Katulad kanina. Pinuri mo po ang niluto niya, matabang naman po at walang lasa. Ang tigas-tigas pa ng karne. Miss na namin ang luto mo, Nanay…” sabi ni Joshua.

Pinalapit ni Aling Bebeng ang kaniyang mga anak sa kaniyang tabi.

“Mga anak, para sa akin masarap ang luto ng Tatay ninyo dahil ginawa niya iyon ng may pagmamahal. Ayokong saktan ang damdamin niya. Alam ko kasing ginagawa ng Tatay ninyo ang lahat para maalagaan kayo gayundin ang mga gawaing-bahay. Hindi siya sanay. Nagkabaligtad kami ng kalagayan dahil sa nangyari sa kaniya. Kaya unawain natin siya. Pahalagahan natin ang mga ginagawa niya sa atin. Ok ba iyon?” paliwanag ni Aling Bebeng sa kaniyang dalawang anak.

“Opo Nanay,” sabay na sagot ng dalawang anak.

Kinabukasan, dahil Sabado naman at walang pasok si Aling Bebeng, ipinagluto niya ng paboritong ulam si Mang Nanding. Pagkatapos, lumabas silang dalawa upang magpamasahe, na alam niyang gustong-gusto nito.

“Maraming salamat, Mahal. Napakamaunawain mo sa akin. Alam ko naman hindi ako masarap magluto, hindi kagaya mo, pero kinakain mo pa rin at wala kang sinasabing hindi maganda sa akin,” emosyunal na sabi ni Mang Nanding sa kabiyak.

“Sus wala iyan, Mahal. Huwag mong intindihin iyan. Sa iyo ako nagpapasalamat dahil ginagampanan mo nang maayos ang pagiging house husband,” ganting pasasalamat din ni Aling Bebeng.

Hindi naglaon, nagpasya si Mang Nanding na habang nasa bahay ay magsagawa ng online selling ng siomai, siopao, at French fries na aya sa kaniya ng kaibigang nagbebenta ng franchise nito. Naging matagaumpay naman ito at talaga namang pumatok sa publiko.

Pahalagahan natin ang ginagawa ng ating mga mahal sa buhay lalo na’t ginawa nila ito ng may pagmamahal at pagpapahalaga para sa atin.

Advertisement