Inday TrendingInday Trending
May Lihim na Pagtingin ang Babae sa Kaniyang Matalik na Kaibigang Beki; May Pag-asa Kayang Mabago ang Ihip ng Hangin at Mahalin Din Siya Nito?

May Lihim na Pagtingin ang Babae sa Kaniyang Matalik na Kaibigang Beki; May Pag-asa Kayang Mabago ang Ihip ng Hangin at Mahalin Din Siya Nito?

“Alam mo Bes… sayang ka talaga. Guwapo-guwapo mo eh. Magpakalalaki ka na nga!”

Napatingin si Arthur sa kaniyang matalik na kaibigang babaeng si Samantha. Kasalukuyan silang nasa coffee shop at ngayon na lamang ulit nagkita dahil sa kaabalahan sa kani-kanilang mga trabaho. Nakatulala lamang si Samantha sa kaniyang matalik na kaibigang beki. Kahit na beki ito, lalaking-lalaki pa rin ang galawan at pananamit ni Arthur. Guwapo ito at matangkad kaya marami pa ring mga babae ang “natitisod” o nagkakamali rito, lalo na kung hindi naman malakas ang “ga*ydar.”

“Tumigil ka nga diyan! Alam mo naman noong elementary pa lang tayo, pula na ang hasang ko. Imposible iyang sinasabi mo. Puputi muna ang uwak at iitim ang tagak bago ako magkagusto sa babae!” natatawang sabi ni Arthur.

“Ano ka ba! May puting uwak na, ‘no? Nabasa ko sa internet. Kaya may pag-asa pa, wala kang kawala bes!” biro ni Samantha. Totoo naman iyon. May mga naiulat na kasing puting uwak na bihira lamang mangyari.

“Eh ano na lang? Kapag naging parisukat na ang Mother Earth! Gora lang!” nasabi na lamang ni Arthur. Nagkatawanan sila.

“Pero alam mo bes, seryoso ako ah. Kung straight ka lang, good catch ka na eh. Guwapo. Matangkad. Matalino. Responsable. Mabait. Lahat ng katangian ng isang ideal boyfriend, nasa sa iyo na. Tapos niloloko ka lang ng mga boylet mong hindi makuntento sa isang ti…”

“Shut up bes, baka may makarinig sa iyo! Iyang bibig mo, lalagyan ko ng scotch tape iyan. Iyan ka na naman eh! Huwag na nga nating pag-usapan ang mga lalaking sumira sa puso at kaluluwa ko! Baka bumuka ulit ang pangalawang bibig ko, sige ka!” biro ni Arthur.

“Yuck! Ano ‘yung pangalawang bibig? Bastos nito! Alam ko naman wasak na wasak na iyan!” ganting biro ni Samantha at nagkatawanan na naman sila.

“Puwera biro bes… hindi mo ba naisip na magkaroon ng sariling pamilya? Sariling anak? Well, hindi ko tinutukoy rito yung magjo-dyowa ka ng same s*ex. What I mean is, magkaroon ng asawa. Legit partner na babae. Tapos magkakaanak kayo, ganoon.”

“Iyan na naman tayo eh. Paulit-ulit? Hindi nga po. Ayokong maging mukhang ‘paanakan’ lang ang mga babae. Mataas ang tingin ko sa mga gaya ninyo. Saka hindi naman magandang konsepto na kaya ka lang mag-aanak eh, para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo. Hindi naman maganda iyon,” tugon ni Arthur.

“Pero bes, kung sakali lang naman na gusto mong magkaanak, narito lang ako ah. Puwera biro iyan. Willing akong magpalahi sa iyo,” sabi ni Samantha sabay kindat.

Tumindig ang mga balahibo ni Arthur. Ramdam niyang nangalisag ang mga mumunting balahibo sa kaniyang mga bisig.

“Bes, kilabutan ka nga sa mga sinasabi mo. Oh heto oh… tingnan mo… nakatayo ang mga balahibo ko,” sabi ni Arthur.

“Baka lang naman bes…” huling hirit ni Samantha.

Ilang linggo lamang, nakatanggap ng paanyaya sina Arthur at Samantha sa isang alumni homecoming ng kanilang batch sa high school. Pinaunlakan naman nila ito at dumalo sila. Maganda ring masilayan ang mga naging kaklase at kaibigan noong sila ay high school. Ang ilan ay naging matagumpay na rin, at ang karamihan ay may asawa at mga anak na. Naging tampulan ng tukso sina Arthur at Samantha ng kanilang mga dating kaklase.

“Bakit wala ka pang dyowa, Sam? Sino ba kasing hinihintay mo?” biro ni Dessa, isa sa kanilang taklesang kaklase noon.

“Sino pa ba? Eh ‘di si Arthur! Torpe lang iyang kaibigan ko na iyan, hindi niya alam na bet na bet ko siya kahit noong elementary pa lang kami. Kaya lang, beki!” sabi ni Samantha. Medyo may tama na siya noon. Si Arthur naman ay nasa dance floor, na lasing na rin.

“Hanggang ngayon ba umaasa ka pa ring mababago mo si Arthur? Teh, mas babae pa sa iyo iyan! Nakarami na iyan ng boylet, ikaw nganga pa rin!” biro ni Dessa.

“Daanin mo na kaya sa santong paspasan?” ganting biro naman ni Rhodalyn, isa sa mga kaibigan at kaklase rin nila na dating varsity player.

“Iniisip ko na nga eh!” sabi ni Samantha.

Hanggang sa matapos ang pagdiriwang. Lasing na lasing si Arthur. Kumuha na lamang ng taxi si Samantha upang maiuwi si Arthur sa pad nito. Namumuhay itong mag-isa. Dahil hindi makalakad nang maayos, inalalayan na lamang ni Samantha ang kaniyang matalik na kaibigan. Kinuha niya ang susi sa bag na ito at dinala sa kuwarto nito ang kaibigan.

Subalit pagdating sa kuwarto, hindi napigilan ni Samantha na pakatitigan ang guwapong mukha ng kaibigan. Matagal na niyang inamin sa sarili na mahal na mahal niya si Arthur, hindi lamang bilang kaibigan, kundi bilang isang lalaking makakasama niya sa habambuhay. Subalit anong gagawin niya kung talagang hindi babae ang hanap nito? Maraming beses na niya itong kinumbinseng maging straight na lamang at baka sakaling may remedyo pa, subalit matibay talaga ang oryentasyon nito sa kaniyang sarili.

Hindi napigilan ni Samantha na halikan sa labi ang kaniyang matalik na kaibigan. Nagising naman si Arthur. Subalit sa halip na itulak si Samantha, gumanti ito ng halik. Hanggang sa namalayan na lamang ni Samantha na wala na ang kaniyang saplot. Nagpaubaya siya sa mga nangyayari…

Makalipas ang dalawang buwan…

“Papanagutan ko iyan. Huwag kang mag-alala. Hindi ako gagaya sa Tatay kong walang kuwenta. Nangyari na ang dapat mangyari,” sabi ni Arthur sa kaibigang si Samantha. Inihayag ni Samantha na nagdadalantao siya at si Arthur ang ama.

“Huwag mo akong panagutan dahil kailangan. Paano ka naman? Hindi ba sabi mo sa akin noon, imposibleng pumatol ka sa babae?” naiiyak na sabi ni Samantha.

“Huwag ka na maraming sinasabi, bes. Basta magtiwala ka lang. Nariyan na iyan eh, may magagawa pa ba tayo? Pakakasalan kita. Ayokong masira ang pangalan at buhay mo dahil sa akin. Huwag mo na akong intindihin.”

Sa lalong madaling panahon ay ikinasal sina Arthur at Samantha, na ikinagulat at ikinatuwa ng kanilang mga pamilya at kakilala.

Makalipas ang dalawang taon mula nang sila ay ikasal…

“Ang saya-saya pala na may sariling pamilya. Kalooban na rin ng Diyos na nangyari ito. Mahal na mahal ko kayo ni Baby, Sam. Sa panahon ng ating pagsasama bilang mag-asawa, ngayon lang ako nakaramdam ng taong may nag-aasikaso at nagmamahal sa akin na walang hinihintay na kapalit. Totoo na ito. Mahal na kita, Sam…” saad ni Arthur sa kaniyang dating matalik na kaibigan, at ngayon ay misis na si Samantha, na nagdadalantao na ulit para sa kanilang pangalawang supling.

Advertisement